2011
Gustung-gusto Kong Huminto
Hunyo 2011


Gustung-gusto Kong Huminto

Paano ko pinaglalabanan ang pagkalulong ko sa pornograpiya.

Nagsimula ang problema ko sa pornograpiya noong kabataan ko, nang pakitaan ako ng ibang tao ng mahahalay na materyal at pag-uugali. Wala pang halaga sa buhay ko noon ang ebanghelyo. Kahit nagsisimba ang pamilya namin noong Primary ako, noong 13 o 14 anyos na ako, huminto na kami sa pagsisimba. Dahil diyan, ang mga turo ng ebanghelyo ay hindi talaga nagkaroon ng impluwensya sa paggawa ko ng desisyon.

Hindi ko naisip kailanman na sabihin sa mga magulang ko ang ipinapakita sa akin ng mga kapitbahay at itinuturing kong mga kaibigan. Hiyang-hiya akong banggitin ang nakita at naranasan ko. Hindi ko alam kung paano ito harapin. Lumipas ang maraming taon, nanatiling lihim ang pagkalulong ko sa pornograpiya.

Impluwensya ng Ebanghelyo

Bago ako nagtapos sa hayskul, may tila maliit na himalang nangyari, isang pangyayaring nagpabago ng direksyon ng buhay ko. Kahit malayo na sa mga pamantayan ng ebanghelyo ang mga kilos ko, isang Linggo ng umaga nadama ko ang matinding hangarin na magsimba at magbayad ng ikapu. Pagdating ko sa chapel, ipinagtanong ko ang mga taong kakilala ko. Isa sa mga ibinigay kong pangalan ang sa Young Men president ko noong deacon pa ako, nang huli akong magsimba. Siya na ngayon ang bishop ng ward.

Tinulungan ako ng mabait na bishop na iyon na makabalik sa Simbahan. Ipinagtapat ko ang aking mga kasalanan, at tinulungan niya akong magplano ng mga dapat gawin. Ilang buwan akong nagsisi. Sumulong ang katungkulan ko sa priesthood. Nabigyan ako ng tungkulin. Katunayan ay nagbago na ako, kaya natawag akong magmisyon, at ilang taon kong napaglabanan ang pagkalulong.

Nabitag sa Internet

Pag-uwi ko mula sa misyon, hindi ako nagkaproblema sa pornograpiya; wala lang talaga akong makitang ganoon. Pero nagbago iyan noong 1990s, nang mabilis na lumaganap ang Internet. Hindi sinasadyang nakakita ako ng ilang pornograpikong larawan sa internet, at binalik-balikan ko ang mga iyon nang sumunod na mga buwan. Nabitag ako ng internet.

Gusto kong humingi ng tulong, pero hindi ko alam kung kanino—o paano. Paano ko ito sasabihin sa mga magulang ko? Paano ko ipagtatapat sa bishop ko na kahit malaki na ang iniunlad ko, hindi ko pa rin maihinto ang imoral na gawaing ito? Gustung-gusto kong huminto, pero hiyang-hiya akong ipagtapat ang kahinaan ko kaninuman, kaya inilihim ko ang aking pagkalulong.

Ni hindi ko ito sinabi sa asawa ko, na pinakasalan ko noong 2000. Gusto kong sabihin sa kanya ang problema ko noong nagdedeyt pa kami, pero natakot ako na baka hamakin niya ako o, mas malala pa, hindi siya pumayag na magpakasal sa akin. Kaya nagsinungaling ako. At patuloy ko iyong ginawa kahit kasal na kami. Naging palihim ang mga kilos ko para hindi ako mahuli. Nagtago ako ng mga larawan sa computer ko. Nang tanungin ako ng asawa ko tungkol sa partikular na mga Internet link, sinabi ko na wala akong alam sa sinasabi niya. Ganyan ang mga lulong; natututo silang magsinungaling. Alam ko na lumilikha na ito ng gusot sa aming mag-asawa at nasasaktan siya rito, pero ayaw kong aminin na may problema ako. Hindi mahalaga sa akin ang ginagawa ko kundi kung ano ang tingin sa akin ng mga tao.

Ang iba kong pagkatao—at pagkawala sa akin ng Espiritu dahil dito—ang lalong nag-udyok sa akin na gumawa ng mas mabibigat na kasalanan, kabilang na ang pagtataksil. Malakas ang kutob ng asawa ko na may masamang nangyayari at kinausap niya ako tungkol dito. Buong pagsisisi kong inamin ang nagawa ko.

Iyon ang pinakamalungkot kong sandali, na natanto ko na kailangan kong magbago. Nakaupo sa harapan ko ang babaeng minahal ko. Minahal niya ako. Pinagtaksilan ko siya. Ipinasiya kong gawin ang lahat masagip lang ang relasyon namin at ang aming pamilya.

Pagpapagaling

Sinimulan kong kausapin palagi ang bishop ko sa pagsisikap na magsisi at dumaan sa proseso ng pagdisiplina ng Simbahan. Ipinayo niya na dumalo ako sa mga miting ng addiction recovery program, na handog ng LDS Family Services. Ngayon ko lang narinig ang programang iyon. Nalaman ko na nagdaraos ng libre at kumpidensyal na mga pulong ang grupo ayon sa 12 hakbang ng Alcoholics Anonymous, na iniakma sa mga doktrina at alituntunin ng Simbahan.

Inaamin ko na sa unang ilang miting, naisip ko, “Hindi ko kailangang pumarito. Wala naman talaga akong problema sa pornograpiya. Kaya ko itong ihinto anumang oras ko gustuhin.” Siyempre, hindi iyon totoo.

Sa paghikayat ng bishop ko, patuloy akong dumalo. Nagsimula akong magpakumbaba, at sinimulan kong gawin ang mga hakbang ng programa: katapatan, pag-asa, tiwala sa Diyos, katotohanan, pagtatapat, pagbabago ng puso, pagpapakumbaba, paghingi ng tawad, pagbabalik ng ninakaw at pakikipagbati, araw-araw na pagharap sa responsibilidad, personal na paghahayag, at paglilingkod. Sa unang pagkakataon, namuhay ako nang “payapa,” nang walang pornograpiya. Hindi pa talaga “ganap” ang aking paggaling, pero napasimulan na ako sa bagong antas ng kalayaan. Nangyari iyon dahil nang sundin ko ang 12 hakbang, naunawaan ko na kung bakit ako nalulong.

Nalaman ko na karamihan sa mga nalulong ay nabaling sa isang uri ng “paggamot sa sarili” para punan ang kahungkagang nadarama nila sa buhay. Ang sakit, dusa, lumbay, takot, o iba pang uri ng pagkabalisa ay makapag-uudyok sa tao na gamutin ang sarili upang maibsan ang paghihirap nila. May ilang tao na gumagamit ng iniresetang gamot. Ang iba ay gumagamit ng bawal na droga. Ang iba naman ay umiinom ng alak. Para sa akin, maibibigay ng pornograpiya “nang madalian” ang inaakala kong kailangan ko.

Mahalaga na alam ko kung bakit ako nalulong. Mahalaga ring iwasan ang mga kapaligirang nagpalala sa aking pagkalulong. Kailangan dito ng determinasyon 24 na oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo habang ako ay nabubuhay. Hindi ako maaaring gumamit ng internet “para lang mag-browse.” Katunayan, kapag nag-iisa ako, hindi ako nag-i-internet. Hindi ako maaaring tumingin sa isang anunsyo at mag-isip ng kung anu-ano. Wala kaming cable TV sa bahay. Kapag namamasahe ako papunta sa trabaho, iniiwasan kong dumaan sa ilang kalsada na alam kong may mga billboard na mag-uudyok sa akin na mag-isip ng hindi tama. Kapag nalilingat ako at nagsisimulang lumikot ang isipan ko, bumabaling ako sa aking asawa, sa aking bishop, at sa panalangin para mapalakas.

Apektado ng aking pagkalulong ang pinakamaliit na bahagi ng buhay ko, ngunit sulit gawin ang mga pag-iingat na ito. Hindi ko mababalewala ang mga bagay na ito dahil alam ko ang maaaring idulot ng aking pagkalulong sa akin at sa mga mahal ko.

Pag-asa sa Diyos

Gayunpaman, hindi lang pag-iwas sa masama ang kailangan. Dapat ay lagi ko ring isipin at sikaping gumawa ng mabuti. Nakatulong sa akin ang ilan sa 12 hakbang na gawin ito sa pamamagitan ng lalong paglalapit sa akin sa Diyos.

Araw-araw pagkagising ko, lumuluhod ako at nagpapasalamat sa Ama sa Langit sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong pagsisihan ang aking mga kasalanan at lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Hinihiling ko sa Kanya na ipaalam sa akin ang Kanyang kalooban para magawa ko ito. Hinihiling ko sa Kanya na ilayo ako sa tukso. Nagdarasal ako na para bang umaasa ako sa Ama sa Langit sa bawat sandali—dahil nagdarasal ako—at nasa puso ko ang panalanging iyon sa buong maghapon. Nagdarasal akong muli tuwing gabi. Nagbabasa rin ako ng mga banal na kasulatan araw-araw para maituon ko ang aking isipan sa mga banal na bagay. Kung hindi ko ito uugaliin, hindi mapapasaakin ang Espiritu. At kung ako lang mag-isa, hindi sapat ang lakas ko para labanan ang tukso.

Matagal na panahon kong inakala na kaya kong pigilin ang sarili ko anumang oras na gustuhin ko. Pero maling-mali ako. Ilang sandali lang ay napagod na akong gawin ito nang ako lang, lalo na’t hindi umubra ang “ako lang.” Natanto ko na hindi ko magagawa ang kailangan kong gawin nang walang tulong ng Panginoon. Nakatulong sa akin ang Eter 12:27 para mas maunawaan ito. Sabi ng Panginoon kay Moroni, “Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”

Nang lumapit ako sa Kanya, na ginagawa pa rin ang lahat ng aking makakaya (tingnan sa 2 Nephi 25:23), natanto ko na mas mabuti at mas marami akong magagawa sa tulong Niya kaysa kung aasa lang ako sa aking sarili (tingnan sa Alma 7:14).

Ngayon ay naglilingkod kaming mag-asawa bilang mga facilitator sa mga miting ng addiction recovery program. Natutuhan niya—at tinutulungan niya ang iba na maunawaan—na ang Pagbabayad-sala ay hindi lang para sa mga taong nagsisikap huminto sa pagkalulong kundi pati na sa mga taong naapektuhan ng pagkalulong nang hindi nila gusto. Kung babaling tayo sa Tagapagligtas, magkakaroon ng bisa ang Kanyang biyaya sa buhay nating lahat.

Sa mga nalulong at sa mga taong mahal nila, tinitiyak ko sa inyo na may pag-asa pa. Laging may pag-asa sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Pag-asa sa Tagapagligtas

Lubos akong nagpapasalamat kay Jesucristo dahil literal Niya akong iniligtas mula sa mga tanikala ng kasalanan. Ang pagkalulong ay parang pagkagapos sa mga tanikalang “gumagapos sa mga anak ng tao, na siyang nagdadala sa kanila sa pagkabihag doon sa walang hanggang look ng kalungkutan at kapighatian” (2 Nephi 1:13). Nang matanto ko na malala na ang aking problema, hindi ko alam kung saan ako babaling. Desperado ako dahil hindi ako makawala sa kalunus-lunos na kalagayan. Ngunit mapapalaya ako ng Panginoon. Nang bumaling ako sa Kanya, naroon Siya para tumulong.

Nakakaugnay ako kay Ammon: “Oo, nalalaman kong ako’y walang halaga; kung sa akin lamang lakas ay mahina ako, kaya nga hindi ako nagmamalaki sa aking sarili, kundi ipagmamalaki ko ang aking Diyos, sapagkat sa kanyang lakas ay maaari kong magawa ang lahat ng bagay” (Alma 26:12). Alam ko na kaya ng Diyos na tulungan tayong gawin ang lahat ng bagay, pati na ang paglaya sa mga gapos ng pagkalulong.