Ang Kapangyarihan ng Edukasyon
Sinabi sa akin ni Inay na mag-aral na mabuti dahil ito lamang ang makadaraig sa kahirapan.
Lumaki si Inay na ang tanging alam ay iniwan siya, nagutom, at naghirap. Hindi siya gaanong nakapag-aral, ngunit alam niya ang kahalagahan ng edukasyon at ang kapangyarihan nitong baguhin ang buhay. Sa pagtatahi ng pinagsama-samang lumang mga papel para gawan ako ng kuwaderno, nilinaw ni Inay ang isang bagay: edukasyon ang makatutulong sa akin upang matakasan ang kahirapan.
Mga Abang Simulain
Isinilang ako sa hilagang Brazil at napaaga nang mahigit tatlong buwan ang pagluluwal sa akin. Tatlumpung taon na ang nakararaan, halos walang pag-asang mabuhay ang isang premature na sanggol sa maipis na pampublikong hospital. Sinabi ng mga doktor kay Inay na mamamatay ako sa loob ng ilang oras. Hindi ako namatay. Tinulungan ako ng Panginoon na mabuhay.
Noong ako ay mga limang taong gulang na, iniwan ni Itay si Inay at kaming limang magkakapatid. Si Inay ay iniwan din ng kanyang mga magulang noong maliit pa siya, kaya wala siyang kapamilyang mahihingan ng tulong. Wala kaming sapat na perang pang-upa ng bahay, kaya sa halip umupa kami ng kapirasong lupa. Itinayo namin ang aming bahay na yari sa lumang kahoy, papel, at plastik at ang bubong ay yari sa mga tuyong dahon. Wala kaming ibang kasangkapan kundi isang duyan, na madalas sabay na gamitin ng dalawa o tatlong katao, at ang aming higaan ay mga karton. Wala kaming tubig, ni ilaw. Walang-wala kami.
Nagtrabaho si Inay bilang katulong at naglabada. Sumasama ako sa kanya sa ilog at tumutulong sa abot ng aking makakaya; pagkatapos maraming oras kaming maglalakad para ihatid ang mga damit na nalabhan. Sa panahong ito mahalaga sa akin na magkasama kaming magtrabaho. Dito tumibay ang ugnayan namin ni Inay.
Bagamat nagsipag kami, hindi kailanman sumapat ang pera namin. Kung minsan wala kaming anumang makain. Ibinibigay ni Inay ang kanyang pagkain sa amin at kung minsan ilang araw siyang hindi kumakain. Iinom na lang kami ng tubig at mahihiga dahil ito lang ang magagawa namin para maiwasan pang maramdaman ang gutom.
Alam ba ninyo kung paano hatiin ang isang itlog sa anim na katao? Alam ko.
May maliit akong grupo ng mga kaibigan noong bata pa ako, ngunit sa paglaki namin, magkakaiba ang landas na tinahak namin. Ang mga babae ay nagbenta ng kanilang mga katawan para magkapera, at ang mga lalaki ay nangagnanakaw. Nang yayain nila akong sumama sa kanila, tila sinasabi ng kalooban ko na hindi ito tama. Alam ko na pinangangalagaan ako ng Panginoon noon pa man, bago ako maging miyembro ng Simbahan, at patuloy kong nakita ang katibayan ng Kanyang pagkalinga sa aking buhay.
Tumangging Tumigil sa Pag-aaral
Kaming magkakapatid ay matagal nang nasa waiting list ng pampublikong paaralan. Nang dumating sa wakas ang aming pagkakataong mag-enrol, nagkuwento si Inay ng mabubuting bagay tungkol sa paaralan. Sinabi niya na kung pagbubutihin ko ang pag-aaral, may mararating ako balang-araw. Hinding-hindi ko malilimutan ang kanyang mga salita: “Pasensya na at hindi ko kayo nabigyan ng magandang buhay. Nalulungkot ako na kailangan ninyong matutuhan sa mahirap na paraan ang kahalagahan ng trabaho sa inyong murang edad, pero ngayon may pagkakataon na kayong makapag-aral. Anuman ang mangyari, huwag kayong tumigil sa pag-aaral dahil ito lamang ang bagay na mag-aahon sa inyo sa buhay na ito.”
Nang mag-aral na ako, kailangang makaisip kami ng paraan para magkaroon ng mga gamit sa pag-aaral. Naghahanap ako ng mga blankong papel sa mga basurahan at iniuuwi ang mga ito. Sama-sama itong tinahi ni Inay para gawing kuwaderno. Bumili siya ng isang lapis at hinati sa tatlo para kami ng dalawa ko pang kapatid na babae ay may magamit sa paaralan. Ang dalawa pa naming kapatid ay wala pa sa edad para mag-aral na kasama namin.
Isang Bagong Pananampalataya
Dahil naghirap nang husto si Inay sa buong buhay niya, hindi siya naniniwala na mayroong Diyos. Noong bata pa ako, hindi rin ako naniniwala. Ngunit habang ako ay lumalaki, nagsimula akong magtanong tungkol sa Diyos. Itinanong ko sa aking sarili kung bakit hindi nagkaroon ng pagkakataon ang aking pamilya na magkaroon ng magandang buhay at bakit wala akong mga laruan, sapat na pagkain, o bagong damit. Sa tuwing itatanong ko ang mga ito, nadarama ko kahit paano sa aking puso na hindi ako nag-iisa. Napanatag ako ng ganitong damdamin sa loob ng maraming taon.
Noong mga 13 taong gulang ako, dumating ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw sa aming tahanan. Sinagot nila ang lahat ng aking tanong at tinuruan ako ng tungkol kay Jesucristo. Sinabi nila sa akin na may simbahan kung saan ko matututuhan ang marami pa tungkol sa ebanghelyo sa espesyal na mga klase para sa mga kaedad ko. Tinuruan nila akong magdasal. Itinuro nila sa akin ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Noong binyagan ako, wala ni isa sa kapamilya ko ang pumunta.
Nalungkot ako, ngunit alam ko na tama ang ginawa ko. Ipinaalam sa akin ang isang panibagong buhay—isang buhay na puno ng pag-asa, kaligayahan, pananampalataya, at pagmamahal. Alam kong ang mga kaibigan ko ay naghahanap ng kaaliwan sa droga at imoralidad. Natagpuan ko ang sa akin sa mapagmahal na Ama sa Langit at sa ebanghelyo ng Kanyang Anak. Matapos akong binyagan nalaman ko na alam ng Panginoon ang buong buhay ko.
Marami akong natutuhan tungkol sa ebanghelyo. Nakilala ko ang mga tao na katulad ko ang pinaniniwalaan. Nalaman ng ilan sa mga miyembro ang tungkol sa buhay ko nang dalawin nila ako sa bahay. Bukas-palad nila akong tinulungan na makabili ng mga damit at sapatos na pangsimba at mga kuwaderno para sa pag-aaral. Regular akong nag-alaga ng mga sanggol ng mga miyembro ng Simbahan at kumita ng mas maraming pera kaysa noon. Dahil napakabata ko pa noon, maaaring madali para sa akin na mapalayo sa ebanghelyo. Ngunit dahil sa suporta ng mga miyembro ng Simbahan, nanatili akong matatag sa aking bagong relihiyon.
Tunay na binago ng ebanghelyo ang aking buhay. Matapos akong binyagan, dama kong mas masigasig akong mag-aral sa paaralan. Marami akong natutuhan at naging tutor ako. Kung hindi ko alam ang isang paksa, pag-aaralan ko ito hanggang sa matutuhan ko itong mabuti at maaari ko nang maituro. Ginamit ko ang pera sa pagtulong sa aking pamilya.
Natanggap ko ang aking patriarchal blessing at pinayuhang magmisyon dahil may inilaang espesyal na pagpapala ang Panginoon sa aking misyon na magpapabago sa aking buhay magpakailanman. Hindi ko alam ang ibig sabihin niyon, ngunit alam ko na mauunawaan ko ito balang-araw kung masunurin ako.
Mga Bagong Oportunidad
Naglingkod ako sa Brazil Curitiba Mission mula 2000 hanggang 2002. Dahil sa samahan namin ng isa kong kompanyon, nakapunta ako sa Estados Unidos para mag-aral. Alam ko na ito talaga ang magpapabago sa aking buhay magpakailanman. Alam ko na pinangangalagaan ako ng Ama sa Langit at may partikular na plano para sa akin. Ang oportunidad na ito na makapag-aral pa ay sagot sa aking mga dasal.
Alam kong mahirap ang mag-aral ng pangalawang wika, ngunit alam ko ring makakaya ko ito kung magsisikap akong mabuti. Nag-aral ako sa Brigham Young University English Language Center at gumugol ng hanggang 10 oras kada araw sa silid-aklatan. Isa sa aming mga guro ang nagmungkahi na manalangin kami para sa kaloob na mga wika, kaya gabi-gabi nagdasal ako at hiniling ang kaloob na ito sa Ama sa Langit. Talagang tinulungan Niya ako.
Matapos kong makumpleto ang aking pag-aaral sa English Language Center, natanggap ako sa ilang unibersidad. Nagpasiya akong mag-aral sa Brigham Young University–Idaho at mag-aplay sa nursing program. Nabalitaan ko na napakahirap makapasok sa nursing program, lalo na sa mga dayuhang estudyante. Kaya lalo kong pinagbuti ang pag-aaral ko. Biniro ako ng mga kaibigan ko, sinasabing dapat na akong lumipat sa silid-aklatan dahil halos doon na ako nakatira. Kahit sarado ito, itinutuloy ko pa rin ang pag-aaral pag-uwi ko.
Kapag nahihirapan ako, inaalala ko ang mga salita ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Kailangan ninyong kamtin ang lahat ng edukasyong dapat ninyong matamo. Isakripisyo ang sasakyan; isakripisyo ang anumang bagay na kailangang isakripisyo upang maging marapat ang inyong sarili sa gawain sa mundo.”1 Alam ko na iyon ay mga salita ng isang propeta ng Diyos, at talagang sinunod ko ang mga ito.
Nang matanggap ako sa nursing program, punung-puno ng pasasalamat at kaligayahan ang puso ko. Alam ko na mahirap ito at patuloy akong magsasakripisyo, ngunit alam ko na papatnubayan ako ng Panginoon.
Habang nag-aaral, nakilala ko ang aking mapapangasawa, at ikinasal kami noong 2007. Ang aking ina ay sumapi rin sa Simbahan sa taong iyon. Sinabi niya sa akin na hindi niya nalaman noon kung bakit napakasaya ko, sa kabila ng maraming malulungkot na bagay na nangyari sa amin. Ngunit nang sumapi siya sa Simbahan, naunawaan na niya. Pinagpala ng ebanghelyo ni Jesucristo ang aking pamilya, at masaya akong makita na nabiyayaan ang aking ina matapos ang lahat ng kanyang pagsasakripisyo. Palagi akong magpapasalamat sa kanya.
Sa simula ng 2010, naghahanda na ako sa aking graduation—at ipinagbubuntis ko ang aming panganay na anak. Dalawang buwan bago ang graduation ko sa nursing program, nagkaroon ng kumplikasyon ang aking pagbubuntis at isinilang ang aming anak sa pamamagitan ng cesarean section. Sinabi sa akin ng mga guro ko na huwag muna akong pumasok sa paaralan at ipagpaliban ang graduation ko. Ngunit matatapos na ako—dalawang buwan na lang!
Kaya maingat naming ipinlano ng aking asawa ang aming oras upang mabalanse ang aming mga prayoridad at matapos ko ang aking pag-aaral. Iniskedyul ko ang aking pag-aaral upang mabigyan ko ng oras ang aking asawa at anak. Kung minsan binabantayan ng mga biyenan ko ang aming anak habang nasa klase ako. Dalawang mabait na kaibigan ang tumulong sa akin sa pagrebyu ng mga materyal sa klase. Dama ko na ipinadala ng Panginoon ang lahat ng mga taong ito upang suportahan ako sa mahirap na panahong ito.
Isang Mas Magandang Buhay
Matapos ang graduation naipasa ko ang pagsusulit para magkaroon ng sertipiko at nagsimulang magtrabaho bilang nars upang makatulong sa pagsuporta sa aming pamilya habang tinatapos ng aking asawa ang kanyang pag-aaral. Bagama’t hindi ko planong patuloy na magtrabaho kapag nakapagtrabaho na ang aking asawa, kung may mangyaring trahedya o kagipitan at kakailanganin kong magtrabaho sa hinaharap, makatutulong sa akin ang natapos ko upang mapaghandaan ito.
Tama si Inay: ang edukasyon ay may kakayahang baguhin ang buhay. Binago nito ang buhay ko, at babaguhin nito ang buhay ng aking mga anak. Umaasa ako na mauunawaan nila na nagtagumpay ako dahil sa sinunod ko ang plano ng Panginoon para sa akin. Gusto Niyang makapag-aral ako, at sa bawat hakbang ay tinulungan Niya ako. Umaasa ako na matututuhan ng aking mga anak na gawin ang ginawa ko at mapahalagahan nila ang edukasyon tulad ng pagpapahalaga ko rito.