2011
Mga Basbas ng Priesthood: Pagkatutong Magtiwala sa Diyos
Hunyo 2011


Mga Basbas ng Priesthood Pagkatutong Magtiwala sa Diyos

Bawat basbas ay natupad—kahit hindi namin nakamtan ang pinakahahangad namin.

Kahit kailan wala pa akong hiniling sa Diyos na hindi Niya ibinigay,” sabi ng asawa kong si Deborah. Nagtataka pa rin ako sa pahayag na ito kahit kasama niya ako sa buong katuparan niyon. At siguro ay nagtataka ang lahat ng nakaaalam ng pitong-taong paghihirap ni Deborah sa sakit na systemic lupus, ang dalawang-taong pakikipaglaban niya sa breast cancer, at ang kamatayan niya kalaunan noong Setyembre 19, 1990. Ngunit maaaring hindi nauunawaan ng mga namamangha at nagtatakang iyon ang mga basbas ng priesthood o ang katuparan ng mga ito. Nahirapan akong matutuhan sa sarili ko ang ibig sabihin ng magkaroon ng priesthood at gamitin ito para basbasan ang iba.

Kahit parehong aktibo sa Simbahan at tapat sa mga tuntunin nito ang mga magulang ko, hindi ko maalala na nagkaroon ng partikular na impluwensya sa akin ang priesthood noong bata pa ako. Hindi ko maalala na nagkasakit ako nang malubha para kailanganin kong mabasbasan at wala akong maalala na binasbasan ng priesthood ang sinuman sa aking pamilya.

Ang kakulangang ito ng diin sa mga basbas ng priesthood ay nagpatuloy sa sarili kong pamilya nang mag-asawa ako at magkaanak kaming mag-asawa. Nagbibigay ako noon ng basbas ng priesthood kapag may nagkasakit nang malubha o magpapaopera. Binasbasan ko rin ang asawa ko para palakasin ang kanyang loob, ngunit bihira lang iyon.

Laging isang magandang karanasan sa akin ang pagbibigay ng basbas. Ngunit dahil kulang ang aking pag-unawa at tiwala sa sarili limitado ang paggamit ko sa gawaing ito ng priesthood. Nahirapan akong mag-isip ng sasabihin, dahil hindi ko tiyak kung naisip ko ang talagang nais ng Diyos.

Nagbago nang kaunti ang sitwasyong ito nang matuklasan ng asawa ko na may systemic lupus siya. Ang mga taon na tiniis niya ang panghihina at hirap na dulot ng sakit ay natulungan ng paminsan-minsan lamang na basbas ng priesthood. Alam ng asawa ko na asiwa akong magbasbas kaya bihira lang siyang humingi ng dagdag na espirituwal na tulong na maaaring gusto niya.

Noong Marso 1989, nang sabihin ng doktor na may kanser ang asawa ko, nagbago ang buhay namin. Dahil kakaibang kanser ang dumapo sa kanya, dalawang taon ang lumipas bago ito nakita ng mga doktor. Nang matuklasan sa huli ang kanser, kumalat na ito at napakaliit na ng pag-asang magamot ito. Batid na hindi namin kakayaning mag-isa ang problemang ito, lalo kaming humiling ng espirituwal na tulong. Nag-ayuno ang ward namin para kay Deborah, at buong pasasalamat naming tinanggap ang pagtulong ng Relief Society. Maraming dumamay sa kanya sa paglaban niya sa kanser. Ipinagtapat ng isang kaibigang sumailalim din sa chemotherapy na pagdaraanan ng aking asawa na sa pinakamahihirap na panahon ng panggagamot, humiling siya at tumanggap ng basbas ng priesthood. Pinayuhan niya kami na gawin din iyon—humingi ng espirituwal na tulong para matiis ang epekto ng therapy.

Napakahirap ng chemotherapy. Dinanas ng asawa ko ang lahat ng inaasahang epekto. Nagkakasakit siya nang ilang araw pagkatapos ng chemotheraphy. Halos lagi lang siyang nakahiga, at walang ganang kumain. Ngunit unti-unti kaming natutong harapin nang maayos ang bawat pagsubok sa abot-kaya namin.

Sa mahirap na panahong ito, nagpabasbas sa akin ang aking asawa, tulad ng payo ng aming kaibigan. Binasbasan ko siya para mawala ang takot na nadama niya sa unang linggo ng chemo. Dahil sa basbas ng priesthood, ang takot sa operasyon—hindi man ganap na nawala—ay nabawasan. Huminto ang matatagal na pagsuka at nakakatulog na siya matapos kong ipatong ang aking mga kamay sa kanyang ulunan at basbasan siya. Ang mga pagbasbas na ito ay nagbigay sa amin ng tulong at kapanatagan, na may kasamang pag-asa sa hinaharap. Pinuspos kami nito ng pagmamahal at galak.

Sana’y masabi ko na naging mas madali sa akin ang magbigay ng mga basbas noon, pero hindi ko kaya. Ibinigay ko ang hininging mga basbas, ngunit hirap pa rin akong gamitin ang priesthood. Hindi ko binanggit sa asawa ko ang pagkaasiwa ko, ngunit nadama niyang atubili ako. Gayunman, mabibigat na pagsubok ito, at alam niya na may karapatan siya sa tulong at ako ang tulay para matanggap niya iyon. Kaya tuwing kailangan niya ng tulong, humihingi siya.

Bago magbigay ng anumang basbas, alam ko kung ano ang ibibigay kong basbas sa kanya: wala akong ibang gusto kundi ang gumaling siya. At iyan din ang gusto niya. Ngunit hindi nangyari iyon. Ang ibinigay sa kanya ay kapanatagan, na hindi pumawi sa pagsubok kundi nagpagaan dito.

Unti-unti kong higit na naunawaan kung paano gumagana ang priesthood at mga basbas nito. Ang pagbabasbas ay hindi isang paraan para makuha ang gusto ko kundi para matanggap ang tulong na kailangan. Natuto akong magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang kalooban sa halip na isipin ang inaakala kong kailangang gawin. Nagkaroon ako ng tiwala na ang mga salitang naisip ko ang talagang gusto ng Diyos na sabihin ko. At bagama’t kahit kailan ay hindi naging madali sa akin ang magbasbas, natuto na akong magtiwala sa damdamin ko habang nagbabasbas.

Nang makumpleto ni Deborah ang kanyang chemo, nagsimula na ang hirap ng paghihintay para malaman kung tumatalab ang mga gamot. Sinamantala namin ang panahong ito na walang mga konsultasyon sa doktor, pagsusuri, at gamutan. Gayunman, may takot sa aming isipan na baka may natirang kanser na hindi tuluyang nasugpo ng nakalalasong gamot na panlaban dito at baka kumakalat itong muli.

Unti-unti, nakita namin ang mga palatandaan na nagkakatotoo ang aming kinatatakutan: hindi nagtagumpay ang mga panggagamot. Umaasa pa rin ang mga doktor, ngunit alam namin na kaunting panahon na lang.

Ang huling anim na buwan ng buhay ni Deborah ay hindi kapani-paniwalang mapayapa. Matapos mabigo ang huling panggagamot, nagpasiya kaming ihinto na ito at umuwi na at samantalahin ang natitira pang panahon. Maaaring hindi maniwala ang ilan na napakasaya ng ilang buwang iyon, ngunit iyon ang pinakamasayang sandali sa buhay ko.

Sa panahong ito iminungkahi ng ilang nagmamalasakit na kaibigan at kaanak na kailangan pa naming igiit sa Panginoon na iligtas ang buhay niya. May priesthood daw ako at dapat ko itong gamitin para pagalingin siya. Bagama’t naunawaan ko ang kanilang damdamin, hindi naunawaan ng mga kaibigang ito ang nangyayari. Wala akong ibang gusto kundi ang gumaling si Deborah, ngunit hindi iyon ang lumabas sa bibig ko nang basbasan ko siya. Wala na siyang ibang gusto kundi ang gumaling, ngunit kahit kailan ay hindi niya nadama na dapat niya iyong hilingin. Pareho kaming naniniwala sa mga himala ngunit tanggap din namin na hindi namin lubos na nauunawaan ang karanasang akma sa walang hanggang plano.

Ang nangyari ay mas malaking himala. Sa mga basbas, hindi siya kailanman pinangakuang gagaling ngunit binigyan siya ng lubos na katiyakan na ang nangyayari ay kalooban ng Diyos. Hindi siya pinangakuan ng ginhawa ngunit tinulungan siyang matiis ang mahihirap na sandali. Hindi siya tinulutang mabuhay at palakihin ang aming mga anak ngunit tiniyak sa kanya na magkakasama sila nang walang hanggan. Pumanaw siya na hindi gaanong nakaramdam ng sakit at hirap, sa piling ng kanyang pamilya.

Alam ko na ang Diyos ay buhay at lubos Niya tayong minamahal. Binibigyan Niya tayo ng kapanatagan at tulong kapag kailangan natin ng lakas at pang-unawa. Bagama’t mahirap ang buhay, nangako ang Panginoon na tutulungan Niya tayo sa ating mga pagsubok, at isang paraan para dumating ang tulong ay sa mga basbas ng priesthood. Dahil alam ito ng aking asawa, nasabi niya na, “Kahit kailan wala pa akong hiniling sa Diyos na hindi Niya ibinigay.”

Mga paglalarawan ni Brian Call