Gusto Kang Makita ni Pangulong Monson
George Sharkey, Scotland
Mga 15 taon na ang nakalipas nang masuri ng doktor na may Parkinson’s disease ako. Pagkaraan ng apat na taon patuloy na humina ang katawan ko, at gumamit na ako ng wheelchair. Labis akong nalungkot sa kalagayan ko dahil sa buong buhay ko, napakaaktibo ko.
Sa panahong iyan nagpunta ako sa kumperensya sa Dunhee, Scotland, na dinaluhan ni Pangulong Thomas S. Monson, na noon ay tagapayo sa Unang Panguluhan. Pagkatapos ng miting, isang miyembro ang lumapit sa akin.
“Brother Sharkey?”
“Oo, bakit?”
“Pumunta ka sa harapan para makausap mo si Pangulong Monson.”
Wala akong intensyon na gawin iyon, ngunit makaraan ang ilang minuto ay bumalik ang lalaki.
“Brother Sharkey,” sabi niya, “hinihintay ka ni Pangulong Monson.”
“Pero hindi niya ako kilala,” sagot ko.
“Kahit na, naghihintay siya sa iyo. Nalaman niya ang tungkol sa sakit mo.”
Pumayag ako at nakipagkita kay Pangulong Monson. Magiliw niya akong binati at nagtanong kung gusto ko ng basbas ng priesthood. Sinabi kong gusto ko.
Nakakita kami ng silid, at nagtanong si Pangulong Monson kung sino ang gusto kong magpahid ng langis sa akin. Hiniling ko kung pwede ang aking bishop. Nang may umalis upang hanapin ang aking bishop, isa sa mga kasamahan ni Pangulong Monson ang nagpaalala sa kanya na kung hindi sila aalis kaagad, hindi sila makararating sa takdang oras sa paliparan ng Edinburgh.
Ngumiti si Pangulong Monson at, tinutukoy ang kanyang sarili at ako, ay sinabing, “Kapag nasa edad ka na namin, matututo kang unahin ang dapat unahin. Makararating tayo roon sa takdang oras.”
Nang dumating ang aking bishop, binasbsan nila ako ni Pangulong Monson. Ang basbas na ibinigay sa akin ni Pangulong Monson ay hindi upang gumaling, ito ay tungkol sa pangangalaga sa aking kalagayan at pagtitiis sa mga sakit na kasama nito. Isa rin itong basbas para sa aking pamilya na matulungan ako na makayanan ang karamdaman ko.
Ngayon, sampung taon na ang nakalipas, may Parkinson’s pa rin ako, ngunit sa edad na 74 maayos ang kalagayan ko. Sa katunayan may nahanap akong mga paraan para makayanan ko ang sakit ko. Mabuti ang pakiramdam ko, at hindi na ako gumamit ng wheelchair mula noong mabasbasan ako. Ang tawag sa akin ng doktor ko ay “pinakamahusay [niyang] pasyente.”
Lagi kong pasasalamatan si Pangulong Monson sa kanyang kabaitan sa pakikipag-usap at pagbabasbas sa isang taong hindi niya kakilala. Ngunit pinasasalamatan ko rin ang itinuro niya sa akin tungkol sa paggamit ng priesthood.
Hawak natin ang iba’t ibang susi at katungkulan sa Simbahan, ngunit pareho ang taglay nating priesthood. Ang kabaitan ni Pangulong Monson ay nagturo sa akin na ang priesthood ay hindi tungkol sa kung sino ang mayhawak nito kundi kung paano natin gamitin ito upang pagpalain ang buhay ng mga anak ng Ama sa Langit.