Ang Natutuhan Ko sa Paglangoy
Natutuhan ko sa paglangoy na hindi lahat ng impluwensya ng kaibigan ay masama. Kung minsan tinutulungan ka nitong magtagumpay.
Pitong taong gulang ako noon, at hindi ako marunong lumangoy, kaya ipina-enroll ako ng nanay ko swimming lesson sa hapon kasama ang kaibigan kong si Angie. Pagkatapos ng bawat lesson, dinadala kami ng titser namin sa gitna ng pool para magsanay sa pagkampay. Lagi kaming ligtas sa gitna ng pool dahil nakasuporta ang kamay ng titser namin sa ilalim ng aming tiyan at may suot kaming “salbabida” sa likod.
Impluwensya ng mga Kaibigan sa Pool
Isang araw wala kaming suot na salbabida ni Angie, kaya nangunyapit kami sa gilid ng pool. Gustong subukang lumangoy ni Angie patawid sa kabilang gilid ng pool, na mga apat na talampakan (1.2 m) ang layo. Nag-alangan ako noong una, pero hinamon niya ako. Kaya kahit takot ako, huminga ako nang malalim at pumailalim sa tubig, na umaasang makarating sa kabilang panig. Sa halip na lumutang kaagad tulad ng dati na may suot akong salbabida, nagsimula akong lumubog. Nataranta ako. Alam kong malulunod ako. Pagkatapos ay naalala ko ang sinabi sa akin ng titser ko ilang linggo bago iyon: “Kapag nawalan ka ng kontrol habang lumalangoy, iunat mo lang ang isang kamay mo palabas sa tubig, at may tutulong sa iyo.”
Nang maisip ko ito, iniunat ko ang aking kamay sa direksyon na inisip kong pataas. Wala akong naramdamang hangin. Iniunat ko ang kamay ko sa bawat direksyon, pero hindi ko maramdaman ang itaas. Pagkatapos ay bigla na lang akong nauntog sa gilid ng pool. Naghihintay na roon si Angie. Siguro hindi niya alam na muntik na akong “malunod.”
Ilang linggo mula noon nasa isang lawa kami ng pamilya ko. Dahil hindi pa rin ako marunong lumangoy, nagtampisaw ako sa mababaw na tubig. Mga 10 minuto na ako roon nang makita kong papunta sa lawa ang isa sa mga kaibigan ko. Nagulantang ako. “Paano kung malaman ni Stephanie na hindi ako marunong lumangoy?” naisip ko. Mapapahiya ako nang husto. Kaya mabilis akong lumuhod at nagkunwaring lumalangoy—itinukod ko ang mga kamay ko habang sumisipa-sipa. Tumalon si Stephanie sa tubig at talagang lumangoy. Lalo lang akong napahiya roon. Maya-maya lumapit siya sa akin at nakipag-usap. Pagkatapos ay lumangoy naman siya sa ibang direksyon, at naiwan akong nakatunganga sa mahusay niyang paglangoy. Ipinagpatuloy ko ang pakunwari kong paglangoy, na parang hangal.
Ilang minuto pa at nagpasiya na akong kalimutan ang takot at subukang lumangoy. Nasa mababaw na tubig lang ako, kaya itinaas ko ang aking mga kamay at nagkakawag. Nakatulong ito. Lumutang ako. Ilang sandali lang iyon, pero lumutang ako. Paulit-ulit ko itong ginawa hanggang gabi. Pag-alis namin, kaya ko nang tawirin ang lawa nang pakawag-kawag.
Malakas ang Impluwensya ng mga Kaibigan
Kapag iniisip kong muli ang dalawang karanasang ito, namamangha ako sa lakas ng impluwensya ng mga kaibigan. Isang araw halos ikalunod ko ito; sa isa pang araw naganyak ako nito na matutong lumangoy. Ganyan talaga ang impluwensya ng kaibigan—maaari itong maging negatibo o positibo, pero laging malakas ang epekto nito.
Impluwensya ng mga kaibigan ang isang dahilan kaya ayaw maniwala ng mga Fariseo sa mga salita ni Cristo: “Iniibig nila ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios” (Juan 12:43). Sa kanyang panaginip nakita ni Lehi ang mga tao na ikinahihiya ang Panginoon dahil sa mga panlalait at panduduro ng mga nasa malaki at maluwang na gusali (tingnan sa 1 Nephi 8:26–28).
Pamilyar ako sa negatibong impluwensyang ito ng mga kaibigan—ang impluwensyang nag-uudyok sa mga tao na lumihis sa alam nilang tama. Nilait na ako dahil sa mga pamantayan ko bilang Banal sa mga Huling Araw. May mga naging kaibigan ako na gustong mang-umit ako ng mga damit, mandaya sa mga eksamen, at maging malupit sa ibang tao. Sa halip na hikayatin akong lumutang at matutong lumangoy, para silang mga angkla na hinihila ako pababa, pinipilit akong lunurin.
Pero may mga naging kaibigan din ako na humikayat sa akin na gawin ang mabubuting bagay—mga bagay na nagpabuti sa buhay ko, hindi nagpasama. Noong nasa ikawalong grado ako, kinumbinsi ako ng kaibigan kong si Ali na subukang sumali sa drill team para sa susunod na pasukan. Hindi madaling gawin iyon, dahil isipin ko lang na sasali ako sa isang aktibidad sa unang taon ko sa isang malaking paaralan ay takot na ako. Kinumbinsi ako ni Ali na gumawa ng isang bagay na makabuluhan na maaaring hinding-hindi ko nagawa kung hindi ako hinikayat ng isang kaibigan. At dahil sa magandang impluwensyang ito ng isang kaibigan, naging mas madali para sa akin ang makibagay sa buhay-estudyante sa hayskul.
Ang mabubuting kaibigan ay humikayat sa akin sa buong hayskul at hanggang kolehiyo, na nagpalakas ng loob ko na kumandidato sa student council, mapataas ang mga marka ko sa klase, at mapalakas ang patotoo ko sa ebanghelyo. Ang mga kaibigang ito ay mga positibong impluwensya sa buhay ko. Gusto nila akong magtagumpay, at tinulungan nila akong umunlad.
Ang mga karanasang ito ay nagturo sa akin na hindi lahat ng impluwensya ng kaibigan ay masama, tulad ng akala ng maraming tao. Depende ito sa klase ng impluwensya at kung kanino ito nagmumula. Natutuhan ko na kapag pinaligiran ko ang aking sarili ng mabubuting impluwensya, mas malamang na hindi ako matukso sa mga bagay na makamundo. Ang positibong impluwensyang nagmula sa Simbahan at sa aking mga kaibigan na may matataas na pamantayan ay lakas na nagsilbing salbabida ko sa buhay, na nagpapalutang sa akin.