2011
Pagtulong Ayon sa Paraan ng Panginoon
Hunyo 2011


Pagtulong Ayon sa Paraan ng Panginoon

Panahon iyon ng malaking pagkalugi sa stock market. Ang mga bangko at iba pang mga institusyon sa pananalapi ay nagsara. Dumami ang mga walang trabaho. Nawalan ng tirahan ang mga tao. Ang mga pamahalaan ay namagitan gamit ang mga programang ginastusan nang malaki sa pagsisikap na baligtarin ang sitwasyon. Parami nang parami ang mga taong napilitang umasa sa mga ahensya ng pamahalaan para sa pagkain at iba pang mga pangangailangan.

Ang paglalarawang ito ng 1930s ay akma din sa kasalukuyang panahon. Noon—hanggang ngayon—ang planong pangkapakanan ng Simbahan ay nariyan upang “tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang mga sarili,”1 sa panahon ng kalamidad, malawakang pagbagsak at paghina ng ekonomiya, at sa mas maliit, mas personal na mga pagsubok na maaaring maranasan ng mga pamilya at ng bawat isa sa anumang oras.

Bagama’t ang planong pangkapakanan na alam natin ngayon ay pinasimulan lamang noong 1936, isinagawa na ng mga Banal sa bawat dispensasyon ang mga alituntunin ng masinop na pamumuhay dahil ang Tagapagligtas na si Jesucristo ang arkitekto ng planong pangkapakanan. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang Panginoon ay naglaan ng paraan nang sabihin niyang, ‘At ang kamalig ay pananatilihin sa pamamagitan ng mga paglalaan ng simbahan; at ang mga balo at ulila ay paglalaanan, gayon din ang mga maralita.’ (D at T 83:6.) Sumunod ang paalalang, ‘Subalit ito ay talagang kinakailangang magawa sa aking sariling pamamaraan’ (D at T 104:16).”2

Upang makatulong sa paraan ng Panginoon, kailangang tustusan natin ang ating sarili pangangailangan at pagkatapos ay hangaring tulungan ang iba na matustusan ang kanilang pangangailangan. “Tumutulong ang matatapat na kalalakihan at kababaihan na maisagawa ang malawak at binigyang inspirasyong programang ito,” sabi ni Pangulong Monson. “Ang totoo, hinding-hindi magtatagumpay ang planong ito sa pagsisikap lamang, dahil ang programang ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng pananalig sa pamamaraan ng Panginoon.”3

Ang ika-75 anibersaryo ng planong pangkapakanan—na ipinagdiriwang sa taong ito—ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga Banal sa mga Huling Araw na pag-isipang mabuti ang mga pangunahing alituntunin tulad ng pagtustos sa sariling pangangailangan, pangangalaga sa maralita at nangangailangan, at paglilingkod sa kapwa. Kapag ipinamumuhay natin ang mga alituntuning ito, mas maiibsan natin ang paghihirap, mahuhubog ang pagkatao, at makahihikayat ng pagkakaisa.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant (2002), 127.

  2. Thomas S. Monson, “The Way of the Lord,” Ensign, Nob. 1977, 7.

  3. Thomas S. Monson, Ensign, Nob. 1977, 7.

Tinularan ng mga Banal sa lahat ng dispensasyon ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan.

Detalye mula sa Pool of Bethesda, ni Carl Heinrich Bloch, sa kagandahang-loob ng Brigham Young University Museum of Art