Ang Inyong Halimbawa ay Mahalaga
Ang pamumuhay sa ebanghelyo ay nagpapalakas hindi lamang sa iyo kundi maging sa iba.
Malaki ang paghanga at paggalang ko sa mga kabataang lalaking iginagalang ang Aaronic Priesthood. Magkukuwento ako sa inyo tungkol sa tatlo sa kanila na nagmula sa Nairobi Kenya Stake sa Africa.
Lumakas si Martin
Sa edad na 14, nalayo si Martin ng Westlands Branch sa kanyang tahanan sa Nairobi, at dumalo sa boarding school kung saan siya lang ang miyembro ng Simbahan. Sa paaralan ni Martin, may mga araw ng linggo na tsaa at tinapay lang ang inihahandang almusal. Sa 700 estudyante, walang pondo ang mga namamahala sa paaralan para magbigay ng espesyal na pagkain para sa isang tao, kaya ipinasiya ni Martin na sabayan na lang ng pag-inom ng tubig ang tinapay.
Tuwing Linggo obligado siyang magsimba kasama ng iba niyang mga kaeskuwela. Doon ay kinailangan niyang makinig sa mga turo na alam niyang mali kung minsan. Maya’t maya ay sinusulyapan siya ng kanyang mga kaeskuwela habang nagbubulungan tungkol sa kanyang “kakaibang” mga paniniwala. Paminsan-minsan, sinasabi pa ng ilan na sumasamba siya sa diyablo.
Nagpalakas kay Martin ang mga pagsubok na ito sa halip na magpahina sa kanya. Lalong lumakas ang loob niya sa pagbisita buwan-buwan ng kanyang mga magulang at madalas na pagpapadala ng mga mensahe ng kanyang branch president, na laging nagpapadala ng pinakahuling isyu ng New Era. Ang pagbabasa nito ay nagbigay sa kanya ng lakas ng loob na harapin ang mga pagsubok na ito.
Hindi Lumiliban si Joseph
Si Joseph ng Riruta Ward ay isang teacher sa Aaronic Priesthood. Nananatili siyang tapat sa ebanghelyo kahit siya lang ang miyembro ng Simbahan sa isang malaking paaralan kung saan marami sa mga kaedad niya ang gumagamit ng droga at gumagawa ng iba pang kasamaan. Hindi lumiban si Joseph sa simbahan kahit kailan. Lagi siyang maaga, at malinis ang suot at handang gawin ang tungkuling iniatas ng kanyang quorum president at bishop. Tumutulong siya sa paghahanda ng sakrament halos tuwing Linggo.
Ipinadadala ni Humphrey sa Koreo ang Kanyang mga Asaynment
Si Humphrey ng Upper Hill Ward ay isa ring teacher. Dalawang taon pa lang mula nang mabinyagan siya sa Simbahan. Tulad ni Martin, nasa boarding school din ngayon si Humphrey. Kaya lumakas nang husto ang kanyang pananampalataya mula nang sumapi siya sa Simbahan at dahil tinatanggap niya ang lahat ng asaynment niya sa seminary sa pamamagitan ng koreo, sinasagutan ang mga ito, at agad itong ibinabalik sa kanyang seminary teacher.
Kapag nagsasara na ang klase, karaniwan ay lumalakad nang 45 minuto si Humphrey para makasakay papuntang simbahan. Gayunpaman, lagi siyang maaga sa simbahan at handang gampanan ang kanyang tungkulin.
Tuwing aatasang magbigay ng mensahe si Humphrey, masigasig siyang naghahanda. Malinaw sa lahat ng nakikinig na pinaghandaan niya nang husto ang kanyang mensahe.
Pamumuhay ayon sa mga Pamantayan
Ngayon sa maraming panig ng mundo, patuloy na gumuguho ang mga pamantayan ng moralidad. Kadalasan hindi alam ng mga kabataang gustong makahanap ng mabuti at marangal na bagay kung saan ito hahanapin. Ang mga paaralan ay naniwala na sa maling ideya na ang mga pamantayang moral ay batay sa paniniwala ng tao at pabagu-bago.
Ngunit sa pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng inyong pananampalataya, matutulungan ninyo ang mga kaedad ninyo na masaksihan ang katatagan, tiwala, kapanatagan, at galak na dulot ng ebanghelyo. Sa inyong halimbawa ay makapaghahanda ang iba na makinig sa mga turo ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang Tungkulin sa Diyos para sa mga kabataang lalaki at Pansariling Pag-unlad para sa mga kabataang babae ay makakatulong sa inyo na mas mapalapit sa Diyos at makuha ang tiwala ng matatanda at mga kaedad ninyo.
Ang Pinakamagandang Halimbawa
Kayo man ay kabataang lalaki o babae, iginagalang ninyo ang priesthood kung namumuhay kayo sa paraang naipapakita ninyo sa inyong mga kaedad at sa iba sa paligid ninyo na totoong sinusunod ninyo ang Tagapagligtas. Ang buhay ng Tagapagligtas noong kabataan niya ay isang napakagandang halimbawa sa inyo. Noong Siya ay 12 taon, nakatuon Siya sa gawain ng Kanyang Ama sa Langit, kahit iginalang Niya ang Kanyang mga magulang sa lupa. Sabi sa mga banal na kasulatan tinuruan Niya ang mga tao sa templo. Namangha sa Kanya ang mas matatanda at mga dalubhasa sa Kanyang pag-unawa sa doktrina (tingnan sa Lucas 2:42–52). Ipinakita ng Tagapagligtas na hindi na bata ang edad na 12 para makaunawa ng malalalim na alituntunin ng ebanghelyo upang karapat-dapat na mapasaatin ang Espiritu.
Marami pang karagdagang huwaran sa mga banal na kasulatan ang mga kabataan na matatag ang pananampalataya: sina Jose, anak ni Jacob; Daniel; Nephi; at iba pa. Bukod pa riyan, makakaasa rin tayo sa ating panahon sa mga halimbawa ng mga propeta at apostol sa mga huling araw.
Ang panunumbalik ng Aaronic Priesthood ay katibayan na pinagkakatiwalaan ng Ama sa Langit ang mga kabataang lalaki at babae ng Simbahan. Inaasahan Niya na gagamitin ninyong mga kabataang lalaki ang priesthood upang basbasan ang Kanyang mga anak na bata at matanda. Ginagawa ninyo ito sa pagtuturo ng ebanghelyo, pagbibinyag, pangangasiwa sa sakrament, pagtulong sa mga maysakit at nagdurusa, pagbisita sa mga tahanan upang palakasin ang mga pamilya, at pagganap sa tungkuling iniatas ng inyong bishop o branch president. Sa paglilingkod ninyo sa Aaronic Priesthood, nadarama ng mga tao na mahal sila ng Ama sa Langit. Sa gayon ding paraan, masusunod ninyong mga kabataang babae ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pamumuhay nang marapat para makapasok sa templo, paglilingkod sa mga nasa paligid ninyo, pangangalaga sa mga nangangailangan, at pagpapaunlad ng inyong mga kakayahan at talento.
Sa maraming yunit ng Simbahan, nakakita na ako ng mga kabataang lalaki na gumaganap sa mga tungkulin nilang ito sa priesthood nang may pagpipitagan at dangal. Nakakita na rin ako ng mga kabataang babae na naglilingkod nang buong puso’t kaluluwa. Ang gayong paglilingkod at ang paraan ng pagbibigay nito ang nagpapalakas sa inyong pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Mapapatatag din nito ang pananampalataya ng inyong mga pinaglilingkuran.