Ang Aking Malaking Desisyon
“Ang kanilang mga anak ay bibinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan pagsapit ng walong taong gulang, at tatanggapin ang pagpapatong ng kamay” (D at T 68:27).
Nicole, darating ngayong gabi ang mga Johnson,” sabi ni Inay. “Nagdasal ka ba tulad ng sabi nila?”
“Hindi pa po,” sabi ko.
Sina Elder at Sister Johnson ay mag-asawang misyonero sa aming ward. Lagi silang nagpupunta sa family home evening para ituro sa akin ang missionary discussion.
Hindi palaging nagsisimba ang pamilya ko, kaya may ilang bagay na hindi ko maunawaan. Ngayong magwawalong-taong gulang na ako, sabi ni Inay kailangan kong magdesisyon kung gusto kong magpabinyag.
Noong nakaraang linggo itinuro sa akin nina Elder at Sister Johnson kung paano nagdasal si Joseph Smith para malaman ang katotohanan. Pagkatapos hiniling nila sa akin na magdasal tungkol sa pagpapabinyag.
“Makiramdam kang mabuti,” sabi ni Sister Johnson. “Sa ganyang paraan tayo tinuturuan ng Espiritu Santo na malaman ang totoo.”
Naisip ko na maaari sigurong hintayin ko na lang na mag-14 na taong gulang ako tulad ni Joseph Smith.
Ngayong gabi sa lesson namin nagtaklub-taklob ng mga plastic cup si Elder Johnson para makagawa ng tore. Sabi niya, kung hindi matibay ang pundasyon mo, babagsak ang buong tore.
“Sa palagay mo, bakit matibay ang pundasyon ng Simbahan?” tanong niya.
Natandaan ko ang lesson noong nakaraang linggo. “Siguro po dahil sinabi ng Ama sa Langit at ni Jesus kay Joseph Smith kung paano ito ipanumbalik,” sabi ko.
“Tama,” sabi ni Elder Johnson. “At may mga buhay na propeta at apostol tayo at pinananatili nilang maayos ito.”
May katwiran. Noon pa man ay maganda na ang pakiramdam ko nang marinig ko ang tungkol kay Pangulong Thomas S. Monson.
Pagkatapos ay itinanong ni Sister Johnson ang kinatatakutan ko.
“Ipinagdasal mo ba kung magpapabinyag ka?”
“Hindi pa po,” sabi ko.
“Gusto mo bang magpabinyag?” tanong ni Sister Johnson.
Gusto kong sumagot, pero nagkibit-balikat lang ako.
Iniisip ng nakababata kong kapatid na takot akong malubog sa tubig dahil iyon din ang kinatatakutan niya. Pero gusto ko sa tubig, kaya hindi ko tiyak kung ano ang ipinag-aalala ko.
“Takot ka ba sa responsibilidad?” tanong ni Sister Johnson.
Pagkatapos itong itanong ni Sister Johnson, nalaman kong tama siya. Sabi ni Inay pagkabinyag ko, may pananagutan na ako. Ibig sabihin ako na ang mananagot sa mga desisyon ko. Dapat akong maging maingat sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Hindi ko tiyak kung handa ako sa responsibilidad na iyan. Paano kung huminto rin ako sa pagsisimba tulad ng tatay ko?
“Kapag naging walong taong gulang ka na, pananagutan mo na ang lahat ng mga pasiya mo kahit hindi ka mabinyagan,” sabi ni Sister Johnson. “Pero matapos kang mabinyagan at makumpirma, mas maraming tutulong sa iyo sa paggawa ng mabubuting pasiya. Iyan ay dahil mayroon kang kaloob na Espiritu Santo.”
Pinag-usapan namin ang ilang utos na kailangan kong sundin. Alam ko na na ang paninigarilyo at pag-inom ng alak at pagdodroga ay masama, kaya hindi mahirap sundin ang Word of Wisdom.
Pagkaalis ng mga Johnson, hindi na ako takot magpabinyag. Gusto kong gumawa ng mga tamang pasiya at sundin ang mga utos ng Ama sa Langit. At natutuwa ako na tutulungan ako ng Espiritu Santo.
Pumunta ako sa aking silid at lumuhod. Habang nagdarasal ako, natiyak ko na tama ngang magpabinyag. Alam ko na ang nadama kong ito ang sagot sa aking dasal.