2011
Pitumpu’t Limang Taon ng Masinop na Pamumuhay
Hunyo 2011


Pitumpu’t Limang Taon ng Masinop na Pamumuhay

Kahit hindi pa opisyal noon ang planong pangkapakanan ng Simbahan, kinilala ng mga Banal noon ang kahalagahan ng pagtustos sa sariling pangangailangan, pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, at paglilingkod sa kapwa. Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Ang isang taong puspos ng pag-ibig ng Diyos, ay hindi kuntentong pamilya lamang niya ang mapagpala, kundi ang buong mundo, sabik na mapagpala ang buong sangkatauhan.”1

Hindi nagtagal matapos maitatag ang Simbahan, ang maliliit na bishops’ storehouse at tithing office ay itinayo upang tulungan ang mga nangangailangan. Pinasimulan ni Joseph Smith ang pagkalap ng mga handog-ayuno sa Kirtland, Ohio, noong 1830s.2 Ang alituntunin ng ikapu ay inihayag din sa panahong ito (tingnan sa D at T 119). Ang mga ikapu at handog-ayuno ay binayaran sa pamamagitan ng pagtatrabaho, mga kita o ani, at iba pang mga bagay. Pinangasiwaan ng mga bishop at branch president ang pamamahagi ng mga bagay na ito sa kaparaanang katulad ngayon.3

Marami sa mga Banal noon ang nagsikap na suportahan ang kanilang sarili. Upang maalis ang katamaran, ang mga lider at miyembro ng Simbahan ay nagkaisa sa paghahanap ng mga paraan na makalikha ng ikabubuhay. Ang ilan ay nakapagtrabaho sa mga ipinatatayong gusali ng Simbahan at mga proyekto ng pamahalaan. Ang iba ay nagsaka at nagbenta ng kalakal para tustusan ang kanilang sarili at kanilang pamilya. Dahil sama-sama silang nagtrabaho, ang mga Banal ay nabiyayaan nang sapat na makatutugon sa kanilang mga pangangailangan.

Bagama’t iba ang mga pagsubok sa ating panahon, patuloy na itinataguyod ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang sarili at pinangangalagaan ang mga maralita at nangangailangan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo ng Tagapagligtas at sa halimbawang ipinakita ng nagdaang mga henerasyon.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 387.

  2. Tingnan sa Howard W. Hunter, “Fast Day,” Ensign, Nob. 1985, 72.

  3. Tingnan sa Glen L. Rudd, Pure Religion (1995), 2, 4.

Ang mga Banal sa Central Valley sa California ay nagtatrabaho sa ubasang pag-aari ng Simbahan sa Madera, California, USA. Ang ubasan ay nakagagawa ng daan-daang tonelada ng mga pasas na magagamit ng mga maralita sa iba’t ibang dako ng mundo.

Kaliwa, itaas: Ang mga Banal na Dutch ay nag-ani at nagkarga ng mga patatas para sa mga Banal na Aleman noong 1947. Itaas: Ang food-production training sa Ecuador ay nakatulong sa mga miyembro na maragdagan pa ang kanilang aning pananim.

Itaas, mula kaliwa: mga larawang kuha ni Cornelius Zappey, sa kagandahang-loob ng Church History Archives; nina Howard Collett; at Peter Evans