2011
Sa Buong Mundo
Hunyo 2011


Sa Buong Mundo

Maging Liwanag sa Mundo, ang Sabi ng mga Apostol sa mga Banal sa Gitnang Amerika

Ang bawat miyembro ng Simbahan ay dapat magkaroon ng malalim na pananampalataya kay Cristo, ang sabi nina Elder M. Russell Ballard at Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga miyembro sa Guatemala, Honduras, at Nicaragua sa pagpunta nila sa Gitnang Amerika noong Enero 2011. Kasama ang iba pang mga lider ng Simbahan, pinayuhan nila ang mga miyembro na palakasin ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod sa templo, family home evening, pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, pagsunod sa mga utos ng Panginoon, at pagbabahagi ng kanilang pananampalataya sa mga nakapaligid sa kanila.

Sina Elder Christofferson at Elder Ballard ang nangulo sa mga kumperensya sa ilang stake at nakibahagi sa mga fireside para sa mga lokal na lider ng priesthood, mga magulang at mag-asawa, young single adult, at mga kabataan. Nakipagpulong din sila sa 1,100 misyonero sa apat na mission, sa mga stake presidency, bishop, at branch president.

Bumalik si Elder Scott sa Mozambique

“Kayo ay ilan sa natatanging mga anak sa mundo, at mahal kayo ng Diyos,” sabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Mozambique habang siya ay nasa Africa Southeast Area. Labing-isang taon matapos mailaan ang bansang ito para sa pangangaral ng ebanghelyo, si Elder Scott ay bumalik noong Enero 2011 at nakitang malaki ang iniunlad ng Simbahan dito.

Sa unang pagbisita ni Elder Scott, 40 lamang ang miyembro ng Simbahan sa Mozambique, at ang bansa ay bahagi ng South Africa Johannesburg Mission. Sa pangalawa niyang pagbisita, naging mahigit 5,000 na ang mga miyembro ng Simbahan na naninirahan sa 2 district, 19 na branch, at 3 group meeting sa buong bansa. Ang Mozambique ay headquarters din ng Mozambique Maputo Mission, na sumasakop sa buong Mozambique at Angola.

Bago umalis, nag-ukol ng panahon si Elder Scott para makausap at pasalamatan ang mga doktor na nasa Mozambique na kasama ng humanitarian aid program ng Simbahan.

Pinalakas nina Elder Bednar at Elder Andersen ang mga Banal sa Pacific

Ang mga miyembro at misyonero ng Simbahan sa Pacific ay tinagubilinan, pinasigla, at pinalakas kamakailan ng dalawang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na sina Elder David A. Bednar at Elder Neil L. Andersen.

Pinulong ni Elder Bednar ang mga misyonero at miyembro sa Tonga, New Zealand, Hawaii, at Marshall Islands. Para sa mga miyembro sa Marshall Islands, ang pagbisita ni Elder Bednar ay mahalaga, dahil pinaniniwalaang ito ang kauna-unahang pagkakataon na may bumisitang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Ginampanan ni Elder Andersen ang mga gawain sa Australia, Papua New Guinea, New Zealand, at French Polynesia.

“Sa paglalakbay namin sa mga pulo ng dagat at sa kadulu-duluhang mga bahagi ng mundo, nakikita naming nasa lahat ng dako ang Simbahan,” sabi ni Elder Bednar. “Ito ay matatag na nakatayo, umuunlad, at may matatapat at mabubuting miyembro. Talagang isang himala ito.”

Si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nakipagpulong sa mga miyembro at misyonero sa Pacific Area.

Larawan sa kagandahang-loob ni Elder Neil L. Andersen