Ang Ating Paniniwala
Ang Priesthood ay ang Karapatang Kumilos sa Pangalan ng Diyos
Ang ating Ama sa Langit ang namamahala sa langit at lupa. Sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang kapangyarihan nananatiling ganap na maayos ang sansinukob. Para mapamahalaan ang Kanyang Simbahan sa lupa, ibinigay Niya ang bahagi ng Kanyang kapangyarihan at awtoridad sa karapat-dapat na kalalakihan ng Simbahan. Ang itinalagang awtoridad na ito ay tinatawag na priesthood. Nakikita natin sa Bagong Tipan ang ganitong pagtatalaga ng responsibilidad, nang bigyan ni Jesucristo ng awtoridad ang Kanyang mga Apostol na kumilos sa Kanyang pangalan (tingnan sa Mateo 16:19).
Ito ang huwaran ng pamamahala ng Diyos. Nasa mundo ito ngayon. Ang mga mayhawak ng priesthood ay awtorisadong kumilos sa pangalan ng Diyos sa pamumuno sa Kanyang Simbahan at mangasiwa sa mga sagradong ordenansang kailangan para sa kaligtasan, tulad ng binyag, kumpirmasyon, pangangasiwa ng sacrament, at kasal sa templo. Bawat tapat na lalaki, babae, at batang Banal sa mga Huling Araw ay kailangan ng mga ordenansa ng priesthood at pinagpapala sa pagtanggap nito.
Mga Katungkulan sa Priesthood
May dalawang pangkat ang priesthood: Melchizedek at Aaronic. Mas malawak ang awtoridad ng Melchizedek Priesthood kaysa sa Aaronic Priesthood.
Ang dalawang pangkat na ito ay may partikular na mga katungkulan, o sakop na responsibilidad. Ang mga katungkulan sa Aaronic Priesthood ay deacon, teacher, priest, at bishop. Sa Melchizedek Priesthood, ang mga katungkulan ay elder, high priest, patriarch, Pitumpu, at Apostol. Ang mga nasa katungkulang ito ay inorganisa sa mga korum, o grupo. Bawat katungkulan ay may ilang nakaatas na tungkulin.
Mga Susi ng Priesthood
Ang katagang mga susi ay tumutukoy sa awtoridad na mamuno sa partikular na mga yunit o sinasakupan ng Simbahan. Sa mga stake at ward, halimbawa, stake president, bishop, at mga quorum president lang ang mayhawak ng mga susi ng priesthood. Ang mga susi ay ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng isang maytaglay ng priesthood na awtorisadong magbigay nito.
-
Ang mga pangulo sa mga korum ng Melchizedek Priesthood ay tumatanggap ng mga susi ng panguluhan at ng pangangasiwa sa mga espirituwal na bagay (tingnan sa D at T 107:10, 18–19).
-
Ang mga pangulo sa mga korum ng Aaronic Priesthood ay tumatanggap ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel at pagsasagawa ng mga ordenansang tulad ng binyag at sacrament (tingnan sa D at T 107:20).
-
Hawak ng Pangulo ng Simbahan ang lahat ng susi ng priesthood para sa buong Simbahan (tingnan sa D at T 81:1–2).
Ang mga katungkulan at ilan sa mga tungkulin ng Melchizedek Priesthood:
-
Tungkulin ng mga elder na “pagtibayin ang mga yaong bininyagan sa simbahan, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay para sa pagbibinyag ng apoy at ng Espiritu Santo” (D at T 20:41).
-
Mga high priest ang “mangangasiwa sa mga bagay na espirituwal” at may “karapatang gumanap” sa mga katungkulan ng elder, priest, teacher, at deacon (D at T 107:12).
-
Mga Patriarch ang nagbibigay ng mga patriarchal blessing (tingnan sa D at T 107:53; 124:91–93).
-
Mga Pitumpu ang nangangaral ng ebanghelyo at mga natatanging saksi ni Jesucristo sa ilalim ng pamamahala ng Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa D at T 107:25, 34).
-
Mga Apostol ang nagsisilbing “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23).
Ang mga katungkulan at ilan sa mga tungkulin ng Aaronic Priesthood:
-
Mga deacon ang nagpapasa ng sacrament.
-
Tungkulin ng mga teacher na “pangalagaan ang simbahan tuwina, at makapiling at palakasin sila” (D at T 20:53).
-
Tungkulin ng mga Priest na “magturo, … magbinyag, at pangasiwaan ang sakramento, at dumalaw sa bahay ng bawat kasapi” (D at T 20:46–47).
-
Mga bishop ang mga pangulo ng priests quorum at, bilang mga high priest, sila ang namumuno sa lahat ng miyembro sa ward (tingnan sa D at T 107:87–88).