2011
Pinagpala ng Priesthood
Hunyo 2011


Pinagpala ng Priesthood

Virginia Gillis, Massachusetts, USA

Sumapi ako sa Simbahan bilang single mother noong 1996, makaraan ang ilang taon matapos sumapi ang aking kakambal na si Theresa. Nang binyagan si Theresa, isang kaibigan ang nagsabi sa akin, “Bakit siya sumapi sa simbahang iyan? Ang mga kababaihan diyan ay palamuti lang.”

Sa pakikisalamuha ko sa mga miyembro ng Simbahan, alam ko na mali ang pagkaunawa ng aking kaibigan—ang mga mag-asawa sa Simbahan ay ilan sa mga pinakamatatag at may pantay na karapatan sa lahat ng nakita ko. Alam ko na kalalakihan lamang sa Simbahan ang mayhawak ng priesthood, ngunit dama ko na ginagamit nila ang priesthood para sa kabutihan ng lahat.

Ang katotohanang iyan ay napagtibay sa akin nang ako ay masuring may breast cancer 11 taon matapos akong mabinyagan. Nang malaman ko ito, nakatanggap ako ng espirituwal na pahiwatig na dapat akong humingi ng basbas ng priesthood, na ginawa ko nang gabing iyon. Sa basbas, ipinangako sa akin na maaalis ang kanser sa katawan ko, na ako ay gagaling, at papatnubayan ng Espiritu ang aking mga doktor.

Ang basbas na iyan ang una sa maraming matatanggap ko sa loob ng susunod na tatlong taon ng gamutan at operasyon. Nagbigay ito sa akin ng pananampalatayang malaman na ang paggaling ay pisikal na darating kung ito ang kalooban ng Panginoon o espirituwal itong darating—at mabibigyan ako ng lakas na harapin ang pagsubok ko sa buhay.

Naranasan ko ang pangalawang uri ng paggaling isang gabi matapos ang isang operasyon. Naalala kong nagising ako sa sobrang sakit. Kaagad pumasok sa isipan ko ito: “Alam mong gagaling ka. Ipinangako sa iyong gagaling ka. Alam mong makakayanan mo ito.”

Sa isa pang pagkakataon nagising ako sa kalagitnaan ng gabi na nag-aalala sa hinaharap. “Ano ang mangyayari sa akin?” naisip ko. Ang pag-aalalang ito ay nagtagal nang dalawang oras, ngunit sa loob ng tatlong taong pakikibaka ko sa kanser ay noon ko lang nadama ang gayong pagkabalisa. Ang kapanatagan mula sa natanggap kong mga basbas ng priesthood ang nagpalakas sa akin at nakayanan ko ang mga bagay na akala ko ay hindi ko na kayang tiisin.

Patuloy akong pinalakas ng priesthood sa isang impeksyon pagkatapos ng operasyon at matinding lagnat. Isang gabi sa panahong ito ay dumating ang bayaw ko sa ospital at binasbasan ako. Buong araw na mataas ang lagnat ko, ngunit pagkatapos ng basbas ay patuloy na itong bumaba. Namangha ako ngunit hindi nagtaka.

Nakita kong natupad ang pangako na papatnubayan ang aking mga doktor. Nang magising ako pagkatapos ng isa sa mga operasyon ko, dumating ang siruhano (surgeon) para kausapin ako.

“Natapos ko na,” paliwanag niya, “ngunit may nagsabi sa akin na tingnan ko pang mabuti, at may nakita akong karagdagang bahagi na may problema, na natanggal ko naman. Suwerte at nakita namin ang mga iyon.”

Hindi siya miyembro ng Simbahan, ngunit natupad ang ipinangakong basbas sa akin noon. Pinatnubayan siya ng Espiritu.

Nagpapasalamat ako sa mabubuting mayhawak ng priesthood sa aking ward at pamilya na tumulong sa akin at ginamit ang priesthood upang pagpalain ang aking buhay. Nagpapasalamat ako sa kanilang mga asawa na sumusuporta at tumutulong sa kanila habang iginagalang nila ang kanilang priesthood at ginagamit ito para pagpalain ang iba. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako na pinagkalooban tayo ng Ama sa Langit ng Kanyang kapangyarihan sa mundo, isang kapangyarihan na nagpapala sa lahat ng Kanyang anak.