Ligtas na Paglalayag Pauwi
Kahit mahirap ang buhay kung minsan, alam ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw sa Visakhapatnam, India, na ang tahanan ay kanlungan ng kapayapaan.
Araw-araw ay pumapalaot sa dagat ang mga mangingisda ng Visakhapatnam, India. Kadalasan ay mahina ang mga alon, payapa ang karagatan, at nagbabalik ang mga bangka na puno ng mga isda. Gayunman, paminsan-minsan ay nagngangalit ang mga alon. Madilim ang kalangitan, mataas ang nakakatakot na mga alon, at natutuwa ang mga mangingisda makabalik lang nang ligtas sa kanilang daungan.
Araw-araw ay naglalayag sa mundo ang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw ng Visakhapatnam. Kadalasan ay maganda ang buhay nila. Nagtatamo sila ng kaalaman, nakikipagkaibigan, at umuuwing masaya. Gayunman, paminsan-minsan ay nagiging malupit ang mundo. Ang kawalang-pag-asa ay parang hampas ng mga alon, matindi ang nakabantang tukso, at pinadidilim ng pagdududa ang espirituwal na kalangitan. Sa mga araw na iyon nagagalak silang makauwi nang ligtas sa kanilang kanlungan ng kapayapaan, mga daungan na tinatawag nilang tahanan.
Mga Larawan sa Dingding
Dalawa sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw na iyon, sina Naga Bushan Ratnam at Pavani Kotala Ratnam, ang nakatira sa piling ng kanilang mga magulang sa isang maliit na apartment na malayo sa bayan ngunit malapit sa tunawan ng bakal na pinagtatrabahuhan ng kanilang ama. Makikita ninyo sa mga larawang nakasabit sa apartment kung ano ang kanilang mga prayoridad. Puno ng mga retrato ng pamilya ang estante ng mga aklat malapit sa pintuan sa harapan, at sa mga tulugan, makikitang nakasabit ang mga larawan ng Tagapagligtas, ng templo, at ng Unang Panguluhan sa mga dingding.
“Pagkagising ko, ang mga larawang iyan ang una kong nakikita,” sabi ni Pavani. “Bago ako matulog sa gabi, ang mga iyan ang huli kong nakikita.”
Naniniwala si Pavani na kaya nating lumikha ng mga kanlungan ng kapayapaan sa ating tahanan. “Kaya palagi ko itong nililinis,” sabi niya. “Isang paraan iyan para maanyayahan ang Espiritu na pumarito.” At sa paaralan, “Lagi kong dala ang Para sa Lakas ng mga Kabataan sa bag ko, kaya tuwing kukuha ako ng isang aklat, lagi kong nakikita ito.”
Napapayapa naman si Naga kapag kausap niya ang kapatid niyang babae. “Siyempre kinakausap namin ang mga magulang namin at hinihingan sila ng payo sa maraming bagay,” sabi niya. “Ang tatay namin ang district president, kaya lagi niya kaming kinakausap bilang lider ng Simbahan at bilang ama. At gustung-gusto naming kausap ang aming ina. Pero iba talaga kapag kami ng kapatid ko ang nagkukuwentuhan.” Kapag nagagalit si Naga, inaaliw siya ni Pavani. May pagkamahiyain si Naga, kaya tinutulungan siya ni Pavani na makihalubilo.
“Pero higit sa lahat, pinalalakas namin ang isa’t isa sa pagsunod sa mga pamantayan,” sabi ni Naga. Halimbawa, tatanungin ni Pavani si Naga tungkol sa disenteng pananamit. “Kapag sinabi niyang hindi iyon tugma sa mga pamantayan ng Simbahan, hindi ko iyon isusuot,” sabi niya. At madalas silang mag-usap tungkol sa paglilingkod, kapwa sa Simbahan at sa komunidad. May kinalaman ang pag-uusap na iyon sa pangarap ni Naga na maging cardiologist (doktor sa puso) balang-araw. “Ang gusto kong trabaho ay iyong makapaglilingkod din ako,” sabi niya.
Ipinaliwanag din ng mga kabataang Ratnam na ang pagkakaroon ng priesthood sa kanilang tahanan ay nakaragdag sa kaayusan ng kanilang pamilya. Ginunita nila kung paano sila dinalang lahat ng kanilang ama sa Simbahan walong taon na ang nakararaan, kahit na kinailangan nilang bumiyahe—lahat silang apat—nang 40 kilometro (25 milya) papunta pa lang sakay ng iisang motorsiklo para lang makadalo sa kanilang mga miting sa Simbahan. Ikinuwento nila noong ipagdasal nila nang buong pananampalataya si Pavani nang magkasakit ito sa araw na binyagan si Itay, nang binasbasan ni Itay si Naga na malubha ang sakit bago ito kumuha ng eksamen sa paaralan, at nang sumangguni si Itay kay Inay, sa kanilang magkapatid, at sa pagdarasal nito sa Ama sa Langit kapag gumagawa ng mabibigat na desisyon.
“Nakita ko ang magagandang pagbabago habang umuunlad ang aming pamilya sa ebanghelyo,” sabi ni Pavani. “Ang halimbawa ng aking mga magulang at kapatid ang gumabay sa akin bilang bunso sa pamilya. Alam ko na tinutulungan ako ni Jesucristo sa bawat bahagi ng buhay ko. Napapaligiran ako ng mga taong tumutulong at nagmamahal sa akin, at mahal ako ng Tagapagligtas. Mas mahalaga sa akin ang pagmamahal na iyan kaysa anupaman.”
Kitang-kita ang pagmamahalang iyon nang maglakbay ang pamilya sa Hong Kong China Temple para mabuklod. Sa lupa, sabi ni Naga, ang templo ang pinakaligtas na kanlungan sa lahat: “Ito ay banal na lugar. Isipin lang namin ito ay naghahatid na ng kabanalan sa aming tahanan.” At iyan ang nagpapasaya sa apartment ng mga Ratnam.
Ligtas sa mga Banal na Kasulatan
Ayon kina Hepsiba, Sandeep, at Sujith Batha, na nakatira sa piling ng kanilang mga magulang sa bayan ng Visak (ang tawag ng mga tagaroon sa lungsod), ang mga banal na kasulatan ay angkla sa kanilang kanlungan ng kapayapaan. “Sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, inaanyayahan namin ang Espiritu na gabayan kami sa tamang landas, upang makagawa kami ng mabubuting desisyon sa buhay,” sabi ni Hepsiba. “Inaanyayahan din namin ang Espiritu sa aming tahanan kapag nagdaraos kami ng family home evening at nagdarasal ang pamilya.”
Katunayan, sabi ni Sandeep, pinaaalalahanan sila ng kanyang ina na “magdasal araw-araw sa pag-alis at pag-uwi. Kapag sinabi niyang, ‘Magpasalamat ka,’ gusto kong magpasalamat para sa lahat ng bagay.”
Sabi ni Sujith, bukod pa sa kanilang tahanan, nadarama rin nila ang kapayapaan sa mga miting ng branch, kung saan magkakasamang nag-aaral ng ebanghelyo ang mga miyembro at malayang sumamba ang lahat, at sa mga aktibidad kung saan ang mga kabataan na iisa ang mga pamantayan ay mapapalakas at mapapanatag ang isa’t isa. “Sinabi sa atin ng Panginoon na tayo ang ilaw ng sanlibutan,” sabi ni Sujith (tingnan sa Mateo 5:14). “Kapag nagtitipun-tipon kami, pinananatili naming maliwanag ang ilaw na iyon at mas panatag kaming ibahagi ito.”
Masayang Pag-uwi
Ganyan ang pagbabahaging naghatid ng ebanghelyo sa pamilya Butty. Hindi mapigil ng magkapatid na Sandhya at Sudha Butty at ng kanilang ama’t ina ang mapangiti—sabik na sabik silang ikuwento kung paano nila nalaman ang tungkol sa Simbahan.
“Buong pamilya kaming sumapi sa Simbahan,” paliwanag ni Sandhya. “Matagal na naming hinahanap ang tamang simbahan. Alam namin na kailangan kaming mabinyagan. Pagkatapos isang araw ay nakakita ng dalawang elder ang tatay namin. Sabi sa mga name tag nila, ‘Ang Simbahan ni Jesucristo,’ at alam niya na kailangan niya silang makausap.”
Nagsimula ang masinsinang pag-uusap. “Nalaman namin na, para magawa ang kalooban ng Ama, nagdusa si Jesucristo para sa atin, isinakatuparan ang Pagbabayad-sala, at ginawang posible na makabalik tayo sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya,” sabi ni Sudha. Dahil sa matibay na patotoong iyon, ang pagsapi sa Simbahan ay tila paglalayag pauwi sa payapang karagatan, at ikinagalak ng pamilya Butty ang naging desisyon mula noon.
Araw-araw pumapalaot ang mga bangkang gamit sa pangingisda mula sa Visakhapatnam. Araw-araw nakikisalamuha sa mundo ang mga kabataan ng Visakhapatnam First, Second, at Gajuwaka Branch. Lahat sila ay ligtas na makababalik sa daungang pamilyar sa kanila. Ngunit sa mga Banal sa mga Huling Araw, ito ay isang daungang hindi lamang ligtas para sa ngayon kundi maging sa kawalang-hanggan.