2011
Ang Konsepto ng Kasal sa mga Banal sa mga Huling Araw
Hunyo 2011


Mga Klasikong Ebanghelyo

Ang Konsepto ng Kasal sa mga Banal sa mga Huling Araw

Si Hugh B. Brown ay isinilang noong Oktubre 24, 1883, sa Granger, Utah. Siya ay inorden na Apostol noong 1958. Naglingkod siya bilang tagapayo ni Pangulong David O. McKay sa loob ng walong taon. Ang kasunod na artikulo ay hango sa kanyang aklat na You and Your Marriage.

President Hugh B. Brown

Ang kasal ay sakramento na siya namang nararapat. Iba’t iba ang kahulugan ng salitang sakramento, ngunit sa mga Kristiyano ito ay sagisag ng isang gawain o seremonya ng relihiyon, na pinagtibay ng isang taong may wastong karapatan. Ito ay pangako, o sagradong tipan, isang espirituwal na tanda o bigkis sa pagitan ng dalawang taong ikinasal at sa pagitan nila at ng Diyos. Na ang kasal na iyan ay pinasimulan at pinabanal mismo ng Panginoon ay nakasaad sa kasunod na mga quotation o siping-banggit:

“At sinabi ng Panginoong Dios, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya’y ilalalang ko ng isang katulong niya. …

“Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila’y magiging isang laman” (Genesis 2:18, 24).

Nang umalis si Jesus sa Galilea at pumaroon sa mga baybayin ng Judea sa kabila ng Jordan, maraming tao ang sumunod sa Kanya, at nagtanong sa Kanya ang mga Fariseo tungkol sa diborsiyo.

“At siya’y sumagot at sinabi, Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila’y nilalang niya na lalake at babae,

“At sinabi, Dahil dito’y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa: at ang dalawa ay magiging isang laman?

“Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao” (Mateo 19:4–6).

Isinasakatuparan ng Kasal ang mga Layunin ng Diyos

Malinaw na hangad ng Diyos na pag-isahin ang lalaki at babae. Sa pagpapatibay mismo sa unang kasal na ito, pinabanal Niya ang institusyon ng kasal. Ito ay normal, maganda, at kasiya-siya at pinasimulan upang isakatuparan ang layunin ng Diyos sa mundo.

Ito ang pangunahing elemento sa pagbuo ng tahanan. Ito ay higit pa sa institusyong itinatag ng tao na pinamamahalaan lamang ng kaugalian at batas. Higit pa ito sa isang kasunduan na pinagtibay ng batas. Higit pa ito sa isang seremonyang pangrelihiyon na taimtim na isinasakatuparan ng kalalakihan at kababaihan upang makiisa sa Diyos sa Kanyang inihayag na layunin na maisilang sa mundo at maging mortal ang Kanyang mga espiritung anak at maisakatuparan ang kanilang kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan.

May mga nagsasabi na ang pinakamaganda, pinakamaayos, at kanais-nais na buhay ay makakamtan sa labas ng tipan ng kasal. Sa madaling salita, hahadlangan nila ang mga taong naghahangad ng pinakamataas na kaluwalhatian para “madungisan ng pisikal at makalaman na pakikipagrelasyon.” Walang itinuturong gayong doktrina sa mga banal na kasulatan. Sa aklat ng Mga Kawikaan mababasa natin, “Sinomang lalaking nakakasumpong ng asawa ay nakasumpong ng mabuting bagay, at nagtatamo ng lingap ng Panginoon” (Mga Kawikaan 18:22). …

At sa Doktrina at mga Tipan mababasa natin, “At muli, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sinuman ang nagbabawal ng pagkakasal ay hindi inorden ng Diyos, sapagkat ang kasal ay inorden ng Diyos sa tao” (D at T 49:15).

Ang Kasal sa Templo ay Nagdudulot ng Tunay na Kaligayahan

Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na upang maging napakainam ng buhay at kamtin ang pinakamalaking kaligayahan sa mundong ito at sa kabilang-buhay, ang kalalakihan at kababaihan ay dapat ikasal sa templo para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Kung walang mga ordenansa ng pagbubuklod ng kasal sa templo, hindi maaaring matamo ng tao ang kalagayang tulad ng sa Diyos o matanggap ang lubos na kagalakan. …

Sa isang Banal sa mga Huling Araw, may isang uri lamang ng kasal na lubos na tinatanggap: kasal sa templo o selestiyal na kasal, na naisasagawa lamang sa mga templo ng Simbahan. Ang mga templo ay itinayo at inilaan sa kabanalan sa Panginoon upang maglaan ng lugar kung saan maisasagawa ang espirituwal at walang-hanggang mga seremonya at ordenansa. Bagamat kinikilala natin ang mga kasal na sibil na isinagawa ng mga ministro ng ibang simbahan at ng mga opisyal ng batas o ng iba pang may legal na karapatang isagawa ang mga ito, naniniwala tayo na tanging sa templo ng Diyos maisasagawa ang kasal para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan at tanging ng taong may karapatan na ibinigay ni Cristo kay Pedro nang sabihin Niya, “Anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit” (Mateo 16:19).

Ang karapatang ito ay tinukoy sa mga banal na kasulatan bilang “mga susi ng kaharian ng langit” (Mateo 16:19), at sa selestiyal na kasal ang mga susing iyon ang nagbubukas ng pinto sa kahariang iyan.

Lubos na Natutugunan ang mga Pangangailangan

Ang tao ay may mga pangunahing pangangailangan—moral, panlipunan, biolohiko, at espirituwal—at ang mga ito ay lubos lamang na matutugunan sa walang-hanggang kasal na inorden ng Diyos.

Upang mamuhay nang sagana dito sa lupa at sa buhay na walang-hanggan, dapat magmahal at mahalin ang tao, maglingkod at magsakripisyo, magkaroon ng responsibilidad at gamitin ang kapangyarihang lumikha na ibinigay ng Diyos. “Ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito (Juan 10:10).

Ngunit marahil ang pinakamahalaga sa kasal ay hindi ang nakukuhang kapakinabangan dito ng isang lalaki at babae. Ang layunin ng pagsasama nila sa simula ay nakasaad sa kautusan ng Panginoon: “Kayo’y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin” (Genesis 1:28). Sa kasal, may pagkakataong matugunan ng tao ang kanyang likas na kakayahang magkaroon ng mga anak. Ito ay lubos na maisasakatuparan at matatamasa lamang sa ugnayan ng mag-asawa, sa pagkakaroon ng anak at pagpapalaki ng anak. Dapat tandaan ng mga magulang na ang mga batang isinilang sa kanila—ang kanilang mga anak—ay mga anak din ng Diyos. Siya ang Ama ng kanilang mga espiritung katawan, at sa buhay bago pa ang buhay na ito buong katalinuhan Siyang naglaan ng paraan para hindi mapaghiwalay ang walang-hanggang elemento at walang-hanggang espiritu at makatanggap ng lubos na kagalakan. Samakatwid naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang Diyos ay talagang kasama sa ugnayang ito at ang pagsilang ng mga bata sa mundo sa loob ng pinagtibay na sagradong kasal ay bahagi ng Kanyang plano na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ng tao.

Ang Kawalang-Hanggan ng Kasal

Nang ituro ng Panginoong Jesus ang pag-ibig ng Diyos at pag-ibig sa kapwa-tao bilang dalawang dakilang utos, niluwalhati Niya ang pag-ibig. Katunayan, sinasabi sa atin na ang Diyos ay pag-ibig. Kung gayon, dahil ang Diyos ay walang hanggan, walang-hanggan din ang pag-ibig, at ang mga bunga nito at pagpapala ay nilayong magpatuloy sa darating na kawalang-hanggan. Ngunit para matamasa ang mga pribilehiyo at kagandahan ng walang-hanggang pag-ibig ng mga mag-asawa, mga magulang at anak, ang ordenansa na nagbibigay ng karapatan at nagpapatibay sa pinakamagandang ugnayan sa lahat ay hindi kasiya-siya kung nakapaloob dito ang limitasyong “hanggang kayo ay paghiwalayin ng kamatayan.” Upang maging walang-hanggan ang mga ugnayan ng pamilya at mag-asawa, kailangang buong karapatang maipag-utos ng kasunduan sa kasal na ito ay “para sa buhay na ito at para sa buong kawalang-hanggan.”

Dapat maunawaan ng lahat ng tao ang kanilang responsibilidad sa kanilang mga anak at sa mga tipang ginawa nila kaugnay nito. Nang sabihin ng Panginoon, “Tayo kung wala sila ay hindi magagawang ganap (D at T 128:18), tinutukoy Niya ang isang kawing na nag-uugnay sa hinaharap gayon din sa nakalipas. Katunayan, maaaring mas marami tayong tuwirang responsibilidad sa mga taong ipinagkatiwala sa atin sa buhay na ito kaysa sa ating mga ninuno. Hindi tayo ang mananagot sa mga kasalanang ginawa ng ating mga ninuno o sa hindi nila paggawa ng dapat nilang gawin, ngunit nagbabala Siya na kung hindi natin gagampanan ang responsibilidad natin sa ating mga inapo, tayo ang mananagot sa kanilang mga kasalanan.

Kabilang sa mga pagpapala ng mga taong nagtamo ng pinakamataas na antas sa kahariang selestiyal ay ang walang-hanggang pag-unlad, na, kasama ng iba pang mga bagay, ay nangangahulugang kahit sa kabilang-buhay ang tao ay maaaring patuloy na makiisa sa Diyos sa pagsasakatuparan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ng tao.

Pag-unlad Bilang Walang-Hanggang Mag-asawa

Ang konsepto ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa walang-hanggang pag-unlad ay kinapapalooban ng walang hanggang pagsulong, walang-hanggang pag-unlad sa kaalaman, kapangyarihan, katalinuhan, kabatiran, at lahat ng katangian at kakayahan upang maging diyos. Ngunit sa plano ng Diyos, hindi mararating ng tao ang kalagayang ito na patuloy na pagiging perpekto kung hindi siya kasal. Kailangang may pag-unlad at pagsulong ang ganap na tao—sa madaling salita, ang taong natagpuan at ikinasal sa kanyang kabiyak o asawa.

Ang konseptong ito ng kasal, lakip ang banal na pananaw nito, ay nagbibigay ng bagong kahulugan at nagdaragdag ng kahalagahan, dignidad, at kaluwalhatian sa ideya ng kasal. Sa konseptong ito ang mapag-isip na tao ay magiging mas maingat at mapili sa makakasama niya nang walang-hanggan. Tunay ngang bago pumasok sa gayong walang-hanggang kasunduan, ang kalalakihan at kababaihan ay dapat maging mapagpakumbaba at maingat at dapat hangarin nang may panalangin ang banal na patnubay.

Ang kasagraduhan at katibayan ng pagsasama [ay] lubos na nag-iibayo at napahahalagahan kapag ang mag-asawa, bago ikasal—at kailangang iisa ang relihiyon nila,—ay nagsimula na iisa ang kanilang mithiin. Kailangang handa sila at karapat-dapat upang matanggap ang sagradong ordenansa sa mga templong tanging ang mga karapat-dapat lamang ang makapapasok. Dito ay tumatanggap sila ng tagubilin, gumagawa ng mga tipan, at pagkatapos sa altar ay nagsusumpaan ng walang-hanggang pag-ibig at katapatan, sa isa’t isa, sa harapan ng Diyos at ng mga anghel. Tunay ngang ang gayong konsepto at gawain, lakip ang mga obligasyon nito, ay ginawa upang patatagin ang tahanan, luwalhatiin ang kasal, at maligtas ang kaluluwa ng mga tao.

Isang Pagpapakita ng Pananampalataya

Ang gayong kasal ay tunay na pagpapakita ng pananampalataya, na pinagtibay sa harap ng butihing kabiyak. Kailangang may pananampalataya at lakas ng loob na patatagin ito, na magtiis hanggang wakas, sa kabila ng mga problema, pagsubok, kabiguan, at paminsan-minsang pangungulila na maaaring maranasan sa pagpanaw ng mga mahal sa buhay.

Kapag tinanggap ng tao ang mga kondisyon at obligasyon ng walang-hanggang pagsasamahang ito, dapat niyang matanto na ang pagkabigo rito ay halos kabiguan sa lahat ng bagay. Anuman ang maging tagumpay niya sa iba pang mga larangan, kung bigo ang isang tao na gampanan ang mga obligasyong nakasaad sa walang-hanggang tipan, ang nakapanlulumong kabayaran ay ang pagkawala ng kaluwalhatiang selestiyal, lakip ang responsibilidad sa kabiguang natamo ng taong pinakasalan niya at responsibilidad niya.

“Ang kasal ay inorden ng Diyos sa tao.

“Samakatwid, naaayon sa batas na siya ay magkaroon ng isang asawa, at silang dalawa ay magiging isang laman, at lahat ng ito ay upang matupad ng mundo ang layunin ng kanyang pagkakalikha;

“At nang ito ay mapuno ng tao, alinsunod sa kanyang pagkakalikha bago ginawa ang mundo” (D at T 49:15–17).

Paglalarawan ni Jerry Garns

Itaas: paglalarawan ni Jerry Garns; ibaba: paglalarawan ni April Newman