Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo
Pinasan Niya ang Aking mga Kalungkutan
“Tunay na kanyang pinasan ang ating mga dalamhati, at dinala ang ating mga kalungkutan” (Mosias 14:4).
Hinding-hindi ko malilimutan ang tag-init at taglagas ng 2009. Noong Hunyo 9 pumanaw ang tatay ko matapos magkasakit ng dementia sa loob ng mahigit 10 taon. Noong Hunyo 25 ang aming 22-taong-gulang na anak ay namatay nang biglaan, at wala pang isang buwan ang nakaraan, ang pinsan ko naman ang namatay. Noong Agosto 13 ang aking 82-taong-gulang na ina ay inoperahan sa puso at matagal bago siya gumaling. Noong Oktubre 18 ang aking 41-anyos na kapatid na lalaki ay namatay. Noong Oktubre 31 nagkaroon ng matinding atake sa puso ang aking asawa at tumigil ang pagtibok ng puso niya sa loob ng walong minuto. Ang mga bumbero, paramedic, at basbas ng priesthood ang nagbalik sa kanya sa amin.
Madalas akong tanungin ng mga tao kung paano namin nakayanan ang mga pangyayaring ito. Ang palagi kong sagot ay bumabaling kami sa Tagapagligtas, at pinangalagaan Niya kami. Hindi Niya kami pinabayaan sa aming mga pagsubok. Dama kong tinulungan at sinuportahan ako ng kalangitan. Totoong Kanyang “dinala ang aking mga kalungkutan” (Mosias 14:4).
Dinamayan din kami ng aming pamilya, mga kaibigan, at miyembro ng aming ward at stake. Pinagmalasakitan nila kami sa maraming paraan. Ang aking 13-anyos na apo, si Krystal, ay sumulat sa amin pagkamatay ng aming anak na si Michael. Ipinaalala niya sa amin na hindi kami nag-iisa nang isulat niyang, “Binubuhat po kayo ng Diyos.” Ang sulat niya ay nagpaalala sa akin ng talata sa Doktrina at mga Tipan 84:88: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”
Napalakas ako nang basahin ko ang mensahe ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol na may pamagat na “Trust in the Lord.” Sabi niya: “Kung kailan tila maayos ang lahat, saka naman kadalasang dumarating nang sabay-sabay ang maraming pagsubok. Kapag ang mga pagsubok na iyon ay hindi bunga ng inyong pagsuway, ang mga ito ay katibayan na nadarama ng Panginoon na handa kayong umunlad pa. Kaya binibigyan Niya kayo ng mga karanasan na magpapaunlad, magpapalawak ng pang-unawa at magdaragdag ng pagkahabag, na magpapabuti sa inyong pagkatao para sa inyong walang hanggang kapakinabangan. Upang maialis kayo sa inyong kinalalagyan at maging tulad ng nais Niya kinakailangang subukan kayo nang husto, at iyan ay karaniwang nagdudulot ng lungkot at hirap” (Ensign, Nob. 1995, 16–17).
Sinabi Niya na ang mga tanong tulad ng “Bakit kailangang mangyari ito sa akin?” o “Bakit kailangan ko pang danasin ito ngayon?” ay nagdadala sa atin sa madilim na daan. Sa halip, iminungkahi ni Elder Scott na ganito ang itanong “Ano ang matututuhan ko sa karanasang ito?” “Kanino ako makakatulong?” at “Paano ko maaalala ang maraming pagpapala sa akin sa panahon ng pagsubok?”
Napaglabanan ko ang tuksong magtanong ng, “Bakit?” Sa halip, hinihingi ko ang patnubay ng Ama sa Langit sa mga pagsubok na dumarating sa aking buhay. Biniyayaan Niya ako ng pag-asa sa hinaharap, pinagaling ang nabibigatan kong puso, dinagdagan ang kabatiran ko sa kabutihang nakapaligid sa akin, binigyan ako ng mga pagkakataong maglingkod, pinalalim ang pagkahabag ko sa kapwa, at pinalaki ang pagmamahal ko sa pamilya at mga kaibigan.
Sa lahat ng ito, nagkaroon ako ng patotoo na ang hamon ay isuko ang ating kalooban sa ating Ama sa Langit dahil sa paggawa lamang nito tayo madadalisay sa mga paraang nilayon Niya para sa bawat isa sa atin.
Labanan ang Kalungkutan
-
Hindi tayo nag-iisa sa ating kalungkutan dahil pinasan ni Jesucristo—“isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman” (Isaias 53:3)—ang ating mga kalungkutan bilang bahagi ng Pagbabayad-sala.
-
Mapaglalabanan natin ang tuksong magtanong ng, “Bakit?” Sa halip, makahihingi tayo ng patnubay sa Panginoon.
-
Matatanggap natin ang hamon na isuko ang ating kalooban sa ating Ama sa Langit.