Gawing Bahagi ng Inyong Buhay ang mga Alituntunin ng Gawaing Pangkapakanan
”Ang pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng gawaing pangkapakanan ay tungkol sa pagpapakita ng ating pananampalataya kay Jesucristo sa ating kilos—halimbawa, sa hindi pag-utang, pamumuhay nang ayon sa kinikita natin, at pag-iimbak ng pagkain ng pamilya sa tahanan at pag-iimpok. Inaakay tayo ng ating pananampalataya na bigyan natin ng kaalaman ang ating isipan at ng kasanayan ang ating mga kamay at magtrabaho araw-araw upang matustusan ang ating pangangailangan. Kapag natustusan natin ang ating sariling pangangailangan, mas mapaglalaanan natin ang ating sarili at makapaglilingkod sa iba. Nawa ay masunod natin ang payo na hindi lamang gumawa ng mabuti kundi magsikap na maging mabuti, hindi lang gumawa ng mas mabuti kundi maging mas mabuti.1 Ang pagsunod sa payo ng Panginoon ay nagdudulot ng mga pagpapalang temporal at espirituwal. Tinutulungan tayo nito na maharap ang mga pagsubok ng buhay nang may katatagan at pagtitiwala sa halip na takot at pag-aalinlangan.
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson ang ating tungkuling bigyang-inspirasyon at tulungan ang iba:
“Mga kapatid, nawa itanong natin ito sa ating sarili … : ‘Ano ang nagawa ko ngayon para sa isang tao?’ Nawa ang mga titik ng pamilyar na himno ay tumimo sa ating kaluluwa at manatili sa ating puso:
“Ako ba’y may kabutihang nagawa?
Ako ba ay nakatulong na?
Nakapagpasaya, nakapagpasigla?
Kundi ay bigong talaga.
May napagaan bang pasanin ngayon
Dahil ako ay tumulong?
Ang mga nanghihina, nalunasan ba?
Nang kailangan ako’y naro’n ba?
“Ang paglilingkod kung saan tinawag tayong lahat ay ang paglilingkod ng Panginoong Jesucristo.”2