Mensahe sa Visiting Teaching
Patatagin ang mga Pamilya sa pamamagitan ng Pagtuturo sa Kanila na Matustusan ang Temporal Nilang Pangangailangan
Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa mga kababaihang binibisita ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong mga kababaihan at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Ang pagkakaroon ng self-reliance—ang abilidad na matutusan ang ating mga pangangailangan at ng ating pamilya—ay responsibilidad ng bawat babae. Nagiging self-reliant tayo habang natutuhan nating mahalin ang trabaho, kapag humihingi tayo ng inspirasyon na mahanap ang pinakamainam na paraan upang maitaguyod ang ating sarili, at kapag nakikipagtulungan tayo sa mga kapamilya upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan.
Kapag self-reliant tayo, ginagamit natin ang ating mga pagpapala at kabuhayan upang maghanda para sa at maiwasan ang mga problema. Gayunman ang self-reliance ay napag-iigi kapag nanalangin tayo at humingi ng lakas ng loob na maharap nang may pananampalataya ang mga hamon na tiyak na darating sa ating buhay. Sa self-reliance ay natutupad din natin ang ating tipan na pangalagaan ang iba.
Itinuturo sa atin sa Relief Society ang mga prinsipyo ng self-reliance at mga kahusayan sa paggawa. Maaaring matutuhan ng mga kababaihan ang tungkol sa pagbabadyet, pag-iwas sa pag-utang, mga kwalipikasyon sa paghahanap ng trabaho, ang mga banal na kasulatan at ang ebanghelyo, pagtuturo sa iba na magbasa at matuto, teknolohiya, kalusugan ng katawan, pag-iwas at paggaling mula sa adiksyon, kalusugang panlipunan at damdamin, pag-iwas sa sakit, paghahalaman, produksyon ng pagkain at pag-iimbak, kahandaan sa oras ng emergency, at marami pang iba na makatutulong sa ating maging self-reliant.1
Ipinaliwanag ni Julie B. Beck, Relief Society general president, na “ang paglalaan sa ating sarili at sa iba ay katibayan na tayo ay mga disipulo ng Panginoong Jesucristo. … Nang biglang pumanaw [ang biyenan kong babae] noong isang taon, nag-iwan siya ng katibayan ng pag-asa niya sa sariling kakayahan. Mayroon siyang current temple recommend at gamit-na-gamit na mga banal na kasulatan at mga manwal sa pag-aaral ng ebanghelyo. Mapagmahal naming pinaghatian ang mga kaldero, kawali, at pinggan na ginamit niya sa napakaraming pagkakataong naghanda siya ng pagkain. Iniwanan niya kami ng mga quilt na nagawa niya mula sa mga lumang damit. Naniwala siya sa lumang sawikaing ‘Gamitin mo ito, hanggang sa masira, pagtiisan mo ito, o magtiis ka sa wala.’ Nakita namin ang suplay ng pagkaing kanyang itinanim, ipinreserba, at itinago o inimbak. Lubhang nakaaantig ang kanyang mga munting kuwaderno ng mga kuwenta kung saan tapat niyang itinala ang mga gastusin sa loob ng maraming taon. Dahil masinop siyang namuhay, nag-iwan siya ng kaunting perang inipon niya para sa mga biglaang pangangailangan, at walang iniwang utang! Ang pinakamahalaga, marami pa siyang ibang naturuan at nabigyang-inspirasyon sa mga kasanayang natamo niya sa tapat na pamumuhay.”2
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Juan 13:34–35; Santiago 1:27; Mosias 4:26; Doktrina at mga Tipan 29:34–35; 38:30; 44:6
Mula sa Ating Kasaysayan
Ang mga kababaihan ng Relief Society noon pa man ay kasali na sa gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa sa temporal at espirituwal na paraan. Bawat linggo sa pagpupulong ng Female Relief Society ng Nauvoo, inirereport ng mga kababaihan ang mga taong nangangailangan. Ang donasyon ng pera, pagkain at iba pang mga kagamitan, talento, at panahon ay naikalat upang bigyang-ginhawa ang mga nangangailangan. Ang batayang gawain ng pagbibigay-ginhawa sa mga naghihirap ay patuloy na naging gawain ng Relief Society sa maraming henerasyon.
Nang dumating ang mga Banal sa Salt Lake Valley, pinayuhan ni Pangulong Brigham Young (1801–77) ang mga kababaihan na tulungan ang mga nangangailangan at magkaroon ng mga kasanayan o kahusayan upang matustusan nila ang kanilang sarili. Sabi niya, “Matutong buhayin ang inyong sarili; mag-imbak ng butil at arina, at mag-ipon para sa araw ng kasalatan.”3 Sa ilalim ng patnubay ng priesthood, patuloy na itinuturo ng Relief Society ang self-reliance, upang mapangalagaan ang pamilya, at mahikayat ang personal na kabutihan at mga pagkakawanggawa o pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.