Magtiwala sa Panginoon
“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo” (Mga Kawikaan 3:5).
Noong bata pa ako ay sinusundan ko si Itay kahit saan siya magpunta. Noon pa man ay hanga na ako sa kanyang katapatan sa Panginoon. Ipinakita niya sa akin ang isang mataas na pamantayan ng taos-pusong paglilingkod. Nagbabakasyon siya ng isang linggo sa trabaho kada taon. Gayunman, sa halip na magbiyahe, hihilingin niya sa kanyang pamilya na tulungan siyang pinturahan ang bahay ng kapitbahay naming biyuda. Ito ay isa lamang halimbawa ng maraming paglilingkod. Palagi niyang iniisip ang kanyang kapwa.
Noong nasa hayskul ako, nagkasakit nang malubha si Itay. Nagdasal ako palagi at hiniling sa Ama sa Langit na basbasan si Itay para gumaling. Naospital siya nang isang buwan, at pagkatapos ay pumanaw siya.
Ito ay isang trahedya para sa aming pamilya. Para sa amin hindi namin ito maunawaan dahil kailangan namin ang aming Itay. Nagdasal ako na maunawaan kung bakit nangyari ito at bakit hindi sinagot ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin. Parang tahimik ang kalangitan. Hindi nasagot ang aking mga dasal. Pakiramdam ko ay iniwan akong mag-isa ng Ama sa Langit. Ngunit patuloy akong nagdasal.
Makalipas ang isang taon dumalo ako sa sacrament meeting kung saan binasa ng tagapagsalita ang banal na kasulatan mula sa Mga Kawikaan:
“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.
“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas” (Mga Kawikaan 3:5–6).
Pinatotohanan sa akin ng Espiritu na ito ang sagot sa aking dasal! Kinailangan kong magtiwala sa Panginoon. Matagal bago ko natanggap ang sagot na iyon, at hindi iyon ang nais ko, ngunit iyon ang pinakamagandang sagot sa panalangin. Hindi ko kailangang maunawaan kung bakit ito nangyari. Kailangan ko lang magtiwala sa Panginoon.
Kapag nagtiwala kayo sa Panginoon, magagawa ninyo ang anumang bagay—kahit napakahirap nito—dahil ginagabayan Niya ang landas ninyo. Siya ay lalakad na kasabay ninyo. Hahawakan Niya ang inyong kamay. Isusugo Niya ang Kanyang mga anghel upang paligiran kayo. Iyan ang aking patotoo. At totoo ito sa lahat sa atin.