2011
Mga Tanda ng Espiritu
Hunyo 2011


Mula sa Misyon

Mga Tanda ng Espiritu

Full-time missionary ako sa Dominican Republic, at kalilipat ko lang sa bagong area na kilala bilang lugar na mahirap makahanap ng mga taong tuturuan. Pagdating ko, iisa lang ang investigator namin. Ang pangalan niya ay Oriviades. Nakapagsimba na siya dati, pero dahil bingi siya at mga senyas lang ang ginagamit sa pakikipag-usap, hindi siya naturuan ng mga naunang misyonero.

Isang araw nagpasiya kami ng kompanyon ko na mag-ayuno at magdasal na magkaroon ng himala para maturuan namin si Oriviades. Nakipag-appointment kami para mabisita namin siya kapag may isa sa mga kapamilya niya roon na tutulong na magsalin para magkaintindihan kami, dahil pareho kami ng kompanyon ko na hindi marunong ng sign language.

Gayunman, pagdating namin sa bahay ni Oriviades, wala ni isang kapamilya niya roon. Nang umalis sandali si Oriviades para kumuha ng silya, sinamantala namin ng kompanyon ko na magdasal para gabayan kami ng Espiritu. Hindi pa kami natatapos magdasal, lubos ko nang nadama ang Espiritu.

Nagsimula nang sumenyas si Oriviades, pero hindi namin siya maintindihan. Ngumiti lang kami sa kanya at nagtinginan, pilit na iniisip kung ano ang dapat naming gawin. Nagpasiya kaming isulat ang oras ng susunod naming pagpunta, umaasa na sa susunod ay mayroon na kaming tagapagsalin. Pero kapwa namin biglang nadama na hindi kami dapat umalis at subukan naming turuan siya. “Subukan man lang natin—tutulungan tayo ng Espiritu,” sabi ko sa kompanyon ko.

Sinubukan naming gumamit ng mga drowing at simpleng senyas sa pagtuturo ng aralin. Unti-unti naming naintindihan ang mga senyas ni Oriviades at nasagot namin siya ng mga senyas. Parang naintindihan niya kaming mabuti.

Nahikayat kaming ibahagi sa kanya ang aming patotoo. Ipinakita namin sa kanya ang larawan ng Unang Pangitain, at isinulat ko sa papel ang, “Alam kong ito ay totoo.”

Pagkatapos, pasenyas na sumagot si Oriviades, “Alam ko na iyan ay totoo—sinabi sa akin ng Diyos. Nagdasal ako at alam ko na iyan ay totoo.”

Umalis kami ng kompanyon ko na parehong lumuluha. Alam ko na itinulot ng Diyos na patotohanan namin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa investigator na ito at ipinadama sa kanya ng Espiritu Santo ang aming mensahe (tingnan sa 2 Nephi 33:1). Natutuhan ko na hindi natin kailangang magsalita nang perpekto o mahusay kapag nagbahagi tayo ng ebanghelyo—kung minsan, hindi na natin kailangan pang magsalita.

Kamangha-mangha kung paano nagdudulot ng malalaking himala sa buhay natin at ng ating pinaglilingkuran ang mga simpleng bagay na tulad ng pag-aayuno, panalangin, at pananampalataya.

Paglalarawan ni dilleen marsh