Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Ang Bisa ng Mabuting Halimbawa
Noong Abril 1992 tumira kami ng aking pamilya sa Provo, Utah, kung saan kami lumipat mula sa Canada para tapusin ko ang kurso sa engineering sa Brigham Young University. Naging kaibigan ng aking anak na si Jase, na 17 noon, ang isang dalagitang nagngangalang Krista.
Sa Sabado ng gabi ng pangkalahatang kumperensya, pinuntahan ako ni Jase sa sala at tinanong kung puwede niyang mahiram ang kotse para yayain si Krista na kumain ng milk shake. Ibinigay ko sa kanya ang susi, at pumunta siya sa kusina para tawagan si Krista. Narinig ko na sinabi ni Jase ang ganito:
“Hi, Krista, si Jase ito. Itatanong ko lang kung gusto mong lumabas tayo para mag-milk shake.” Katahimikan. “Ibig mong sabihin pagkatapos ng priesthood meeting? OK, sige, tatawagan na lang kita. Ingat.”
Ibinaba ni Jase ang telepono at bumalik sa sala.
“Pumayag ba siyang sumama sa iyo?” tanong ko.
“Gusto raw po niyang sumama,” sagot niya, “pero tawagan ko raw siya ulit pagkagaling ko sa priesthood session.” Malungkot ang mukhang pumunta siya sa kuwarto niya.
Para akong binagsakan ng isang toneladang bato. Lumaki ako sa southern Alberta, halos 80 milya (130 km) ang layo sa stake center. Hindi na inasahan ninuman na magpakita pa ako o kahit mga magulang ko, na mga lider sa aming branch, sa mga sesyon ng kumperensya, kahit sa priesthood session pa. Ngayon ay may umaasang magagawa ito.
Ano ang isasagot ko sa kalungkutan ng anak ko habang papasok siya sa kanyang silid? Alam ko na tutularan ng iba ang desisyon ko sa darating pang mga taon.
Tumayo ako mula sa aking upuan at sinabihan ko si Jase at ang aking pangalawang anak, na kaoorden pa lang na deacon, na “Magpalit kayo ng damit. May 10 minuto pa tayo para makaabot sa sesyon ng priesthood sa stake center.” Nagmamadali akong naghanda, at paglabas ko ng silid, handa na ang dalawa, at pumunta na kami sa kotse.
Hindi ko gaanong matandaan ang mga mensahe, pero natatandaan ko na nadama namin ang Espiritu. Masaya akong makapunta sa priesthood session kasama ang aking mga anak. Pag-uwi namin, masaya si Jase sa ginawa niya, na nagpasaya sa akin. Tinawagan niya si Krista, at lumabas sila para mag-milk shake.
Sa nakalipas na dalawang dekada mula noong araw na iyon, lahat ng maytaglay ng priesthood sa aming pamilya ay walang pinalampas kahit isang sesyon ng priesthood sa pangkalahatang kumperensya. Dahil pinanindigan ng isang matwid na dalagita ang kanyang paniniwala, nagkaroon ng pagkakataong magbago ang aming pamilya, at patuloy naming pinakikinggan ang mga propeta ngayon at nadarama ang Espiritu sa sesyon ng priesthood sa pangkalahatang kumperensya.