2011
Dumaraming Sapat na Kabuhayan sa Ecuador
Hunyo 2011


Dumaraming Sapat na Kabuhayan sa Ecuador

Ang kalayaan ng tao at responsibilidad bilang mamamayan ay nakasalalay sa alituntuning tulungan ang tao na tulungan ang kanyang sarili,” sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), ikalabintatlong Pangulo ng Simbahan, sa kanyang mensahe noong 1975 sa pasinaya ng Benson Institute Agriculture and Food Institute and Corporation, isang Latter-day Saint Charities program.

Sa pilosopiya ng self-reliance o pagtustos sa sariling pangangailangan, nakipagtulungan ang Benson Institute sa libu-libong katao upang mapagbuti ang produksyon ng pagkain, nutrisyon, at kalusugan, mapaganda ang kalidad ng pamumuhay sa ilang mahihirap na bansa.

Noong 2009 nagpunta ang mga miyembro ng Benson Institute sa Ecuador, isang bansang mayaman sa agrikultura. Gayunman, ayon sa World Health Organization, sa bansang ito na halos 15 milyon ang mamamayan, 23 porsiyento ng mga batang edad lima pababa ang matindi ang kakulangan sa nutrisyon. Sinikap ng Benson Institute na makatulong na mapababa ang istadistikang iyan sa pagtulong sa mga taong ito na makaahon sa nakagisnang kahirapan.

Sinabi ng isang ina na may anim na anak, bago dumating ang Benson Institute, na kadalasan ay hirap siyang pakainin ang kanyang pamilya: “Napakalungkot na maging isang ina at kapusin nang husto at hindi mo mabigyan ang iyong mga anak ng pagkain o tinapay sa bawat araw,” sabi niya.

Natuto ang mga pamilyang nakipagtulungan sa Benson Institute ng mas mahusay na paraan ng pagtatanim, pagsasali’t sali’t ng itatanim, pag-aalaga ng mga hayop, balanseng nutrisyon, kalinisan ng sarili at wastong paghahanda ng pagkain.

Ang pagkagutom na problema sa araw-araw para sa marami ay naging madalang na dahil sa implementasyon ng bagong paraan ng pagsasaka. Nakita ng mga pamilya ang malaking pagtaas sa produksyon ng pagkain kaya nakapag-imbak sila ng sariling pagkain at nakapagbenta rin ng kanilang mga ani para kumita. Bukod pa rito, gumanda ang kalusugan ng mga pamilya roon dahil sa masustansiyang pagkain at sanitasyon. Ang pagkain ng itinanim nilang mga prutas sa kanilang hardin ay nakapagbigay sa kanila ng sustansiya na wala noon sa kanilang mga kinakain.

“May mga estudyante kami noon na hindi nakikibahagi sa klase,” sabi ng isang guro sa lugar. “Pagkatapos ng programa, ang mga bata ay mas mabilis nang matuto. Dati, may mga batang sakitin; ngayon, hindi na sakitin ang mga bata. Dati nakakatulog sila sa klase; ngayon, hindi na sila natutulog sa klase. At parang nanghihina sila noon, ngunit nang maisagawa na ang programa mas malusog na sila at masigla.”

Lahat ng mga proyektong pangkapakanan ng Simbahan ay batay sa napatunayang tuntunin ng pagtustos sa sariling pangangailangan. Iyan kasama ang tulong ng Benson Institute sa maraming taon ng karanasan at kaalaman ay patuloy na nagpala sa libu-libong tao sa iba’t ibang dako ng mundo.

Ang mga pamilyang nakipagtulungan sa Benson Institute ay nagkaroon ng mas magandang kalusugan dahil sa mas masustansyang pagkain at sanitasyon.