Isara at Isumbong
“Maging matapat, at huwag magpadaig sa anumang tukso” (D at T 9:13).
Naupo si Connor sa computer ng pamilya at tiningnan ang website address na ibinigay ng kanyang kaibigan. “Kailangang tingnan mo ito!” sabi ng kanyang kaibigan.
Ngunit nang lumabas na ang website, kinilabutan si Connor. Sinikap niyang agad na maisara ang web page, ngunit kapag kini-klik niya, lalong maraming malalaswang larawan ang lumalabas. Sa kalituhan, pinatay ni Connor ang computer at tumakbo sa kanyang silid.
Nalungkot si Connor dahil nakita niya ang mga larawang iyon. Simula ng binyagan siya ilang buwan na ang nakalilipas, nagsimula niyang madama ang kakaibang kapayapaan na dulot ng Espiritu Santo. Ngunit matapos niyang makita ang mga larawang iyon, balisa na si Connor. Dama niyang nagkasala siya at takot na malaman ng sinuman ang nakita niya.
Tahimik si Connor sa hapunan. Sinikap niyang makinig sa pinag-uusapan ng kanyang pamilya, ngunit ang mga larawang nakita niya ay pabalik-balik na pumapasok sa kanyang isipan. Ang tila pananakit ng kanyang sikmura ay hindi maalis.
Nang manalangin siya nang gabing iyon, sinabi ni Connor sa Ama sa Langit ang tungkol sa mga larawang nakita niya. Humingi siya ng tawad at sinabing hindi na siya uulit. Matapos ang panalangin medyo nakadama siya ng kapanatagan, ngunit dama rin niya na kailangan niyang kausapin ang kanyang Nanay. Hindi talaga gusto ni Connor na sabihin sa kanya ang nangyari. Paano kung magalit siya o malungkot?
Sa wakas, nagpasiya si Connor na kausapin siya. Pumunta siya sa silid ni Inay at naupo sa kama nito, kung saan siya nagbabasa.
“Inay, pwede ko po ba kayong makausap?” tanong niya.
“Oo, anak,” sabi ni Inay. “Tungkol saan?”
Ikinuwento niya lahat. Ikinuwento niya ang sinabi ng kanyang kaibigan, at ang nakita niya nang tingnan niya ang website. Titig na titig sa kanya si Inay, pero tila hindi siya galit.
“Hindi ko po alam ang gagawin ko,” sabi ni Connor. “Kaya isinara ko na lang ang computer at tumakbo palayo. Sori po, Inay. Hindi ko po dapat na-type ang address na iyon sa una pa lang, pero hindi ko po alam na masama iyon.”
Niyakap ni Inay si Connor. “Connor, nalulungkot ako at nakita mo ang mga larawang iyon,” sabi niya. “May ilang tao na niloloko ang mga bata para makita ang malalaswang bagay. Ngunit tama ang ginawa mo. Kapag may nakita kang malalaswang larawan sa computer, kailangang ‘isara at isumbong’ mo ito.Ibig sabihin nito ay isara ang computer at pagkatapos puntahan ako at sabihin agad sa akin. Talagang tama ang ginawa mo.”
Nakahinga nang maluwag si Connor!
“Connor, gusto kong malaman mo na hindi mo ito kasalanan,” sabi ni Inay. “Ito ay pagkakamali, at hindi mo kailangang makonsensya sa nangyari.”
“Pero, Inay, kung ginawa ko po ang tama, bakit di-maganda ang nadama ko?”
“Ipinaaalam sa atin ng Espiritu Santo kapag may panganib,” paliwanag ni Inay. “Ang nadama mo ay ang Espiritu Santo na nagsasabi sa iyo na lumayo ka. Maglalagay ako ng filter sa ating computer na haharang sa malalaswang site, pero baka may makalusot pa rin. Kaya kapag may nangyari pang ganito, alam mo na ang gagawin mo, di ba?”
“Isara po ang computer at magsumbong sa inyo,” sabi ni Connor.
“Tama!” sabi ni Inay.
Bago siya nahiga, nagdasal si Connor upang pasalamatan ang Ama sa Langit sa kapanatagang nadama niya. Nang manalangin siya, nadama niya ang kapanatagan mula sa Espiritu Santo. Alam niya na magiging maayos ang lahat.