2011
Dumarami ang Kailangang Indexer sa Iba’t Ibang Bansa
Hunyo 2011


Dumarami ang Kailangang Indexer sa Iba’t Ibang Bansa

Sa lahat ng dako ng mundo, sinasaliksik ng mga tao ang kanilang mga ninuno.

At sa lahat ng dako ng mundo, ginagawang posible ng ibang tao ang pagsasaliksik na iyan.

Ang FamilySearch indexing, na ipinakilala online noong 2006 at isinasagawa ng mga boluntaryo sa iba’t ibang panig ng mundo, ay ang pagkuha ng mga rekord (tulad ng mga makikita sa microfilm) at pagpapasok ng impormasyong nakapaloob sa mga ito sa isang masasaliksik na online database.

Sa 122,000 LDS at hindi LDS na aktibong indexer na nakatapos ng 547,978,000 rekord mula nang magsimula ito, malaki ang nagawa ng FamilySearch indexing. Gayunman, ang mga coordinator sa indexing ay may bagong mithiin: ma-index ang mga rekord sa ibang mga wika bukod sa Ingles.

“Parami nang parami ang mga pangalan sa indexing na hindi mga pangalang Ingles,” sabi ni Jim Ericson, product marketing manager sa FamilySearch. “Sinisikap naming makakuha ng mas maraming tao na nagsasalita ng iba’t ibang wika at makibahagi sila para mas mapahusay namin ang indexing sa mga pangalang hindi Ingles.”

Bagama’t dumarami ang mga rekord na Ingles para sa indexing, ito ay nahigitan ng pagdami ng mga rekord ng iba’t ibang bansa. Ang mga proyekto sa indexing ay madali nang makuha mula sa iba’t ibang bansa dahil marami na sa mga pamahalaan at tagapag-ingat ng mga rekord ang nakaaalam sa serbisyong ibinibigay ng FamilySearch, sabi ni Brother Ericson.

Para masimulan ito, ang mga empleyado ng FamilySearch ay kumukuha ng mga rekord mula sa mga pamahalaan, aklatan, at iba pang mapagkukunan at lumilikha ng mga digital copy. Pagkatapos ang mga kopyang ito ay tinitipon sa maliliit na grupo na tinatawag na “mga batch,” na makukuha ng mga boluntaryo online. Ang mga boluntaryo ay magla-log sa FamilySearch, magda-download ng isang batch, at ipapasok ang datos na nakikita nila sa screen. Ang datos na iyan ay makukuha kalaunan ng mga nagsasaliksik sa family history. Ang bawat batch ay isang tinipong gawain na maaaring matapos ng isang boluntaryo nang mga 30 minuto, sabi ni Katie Gale, Indexing Project Coordinator sa FamilySearch.

Ang mga boluntaryo na nakikibahagi sa FamilySearch indexing ay maaaring mga taong ang katutubong wika ay hindi Ingles (ang site ay kasalukuyang nasa pitong wika), ngunit ito rin ay maaaring kabilangan ng mga taong mahuhusay sa wikang natutuhan mula sa kanilang paglilingkod bilang misyonero, pag-aaral, o iba pang training.

Kung walang mga proyekto para sa indexing sa bansang tinitirhan o pinaglilingkuran ninyo, may mga proyekto pa ring makukuha sa mga bansang magkatulad ang gamit na wika.

Noong itinatayo pa lamang ang Kyiv Ukraine Temple, ang mga Banal na Ukrainian ay nakibahagi sa proyekto ng paghahanap at pag-iindex ng mga pangalan para madala sa templo kapag natapos na ito. Noong ilalaan na ang templo, 401 indexer mula sa Ukraine, Russia, Hilaga at Timog Amerika, at Europa ang gumagawa na sa proyekto ng Kyiv, at nakapagdala ang mga Banal ng 200,000 pangalan ng mga taga-Ukrain sa templo.

Sa pagdami ng gawain sa indexing sa isang lugar, ang mga empleyado sa FamilySearch na naglalaan ng mga batch para sa indexing ay tutukuyin ang mga lugar na ito at pagkatapos, kapag maaari, pabibilisin ang pagpapalabas ng mga proyekto para sa indexing na may kaugnayan sa rehiyong iyon.

Sa kasalukuyang bilang ng mga pangalan para sa indexing, aabutin ng isang dekada sa ilang bansa para matapos ang ini-release na mga batch—kaya kailangan ang karagdagang mga indexer. Ang kasalukuyang mga batch sa mga wika maliban sa Ingles ay karaniwang dalawa hanggang anim na taon ang kailangan bago matapos.

“Kung ang proyekto para sa indexing ay patuloy sa ganitong sitwasyon na matagal bago matapos, mawawalan ito ng halaga sa kahit sino,” sabi ni Paul Starkey, Indexing Operations Manager sa FamilySearch. “Ang pangkalahatang layunin ng indexing ay ilagay ang mga rekord na ito [sa internet] para mahanap ng mga tao ang kanilang mga ninuno. Sinisikap naming bilisan ang proyekto.”

Ang Simbahan ay nagmamay-ari ng mga 2.4 na milyong rolyo ng microfilm na naglalaman ng mga genealogical record o talaangkanan na nakatago sa Granite Mountain Record Vault. Ang mga ito ay katumbas ng mga 15 bilyong rekord na naghihintay na ma-index. Hindi mabilang ang dami ng iba pang rekord sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Ang paghahanap ng pangalan at personal na mga rekord ay isang karanasan na nagpapabaling sa mga puso ng mga nagsasaliksik sa kanilang mga ninuno,” sabi ni Brother Ericson. “Magagamit ng mga miyembro ng Simbahan ang impormasyon na na-index para idokumento ang angkan ng kanilang mga ninuno at maisagawa ang nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo.”

Bagama’t kahit sinong mayroong access sa computer ay maaaring makibahagi sa simpleng gawain ng indexing, ang kahalagahan nito ay hindi dapat maliitin, sabi ni Sister Gale. “Kung makikita ng mga tao ang indexing bilang mas malaking gawain ng family history, makikita nila ang kahalagahan nito at ang pangangailangan para sa mas marami pang boluntaryo.”

“Kailangan pa namin ng mas maraming tao sa indexing,” sabi ni Brother Ericson, “at hinihiling namin sa mga tao na ibahagi ang programang ito sa kanilang mga kaibigan at kapamilya, sila man ay miyembro o hindi-miyembro ng Simbahan. Hindi lamang ito para sa mga miyembro ng Simbahan. Nakatutuwa kapag ang lahat ay gumagawa sa iisang mithiin.”

Ang mga coordinator ng FamilySearch indexing ay may bagong mithiin para sa mga boluntaryo: gawin ang indexing sa iba pang mga wika maliban sa Ingles.

Larawang kuha ni Welden C. Andersen, © iri