Pag-aaral ng Doktrina
Pang-aabuso
Buod
Ang pang-aabuso ay ang pagmamalupit o pagpapabaya sa iba (tulad sa isang bata o sa asawa, matatanda, o may kapansanan) na nagiging sanhi ng pisikal, emosyonal, o seksuwal na pinsala. Ang paninindigan ng Simbahan ay hindi nito mapahihintulutan ang anumang uri ng pang-aabuso at ang mga nang-aabuso ay mananagot sa harap ng Diyos (tingnan sa Mateo 18:6; Marcos 9:42; Lucas 17:2).
Inaasahan ng Panginoon na gagawin natin ang lahat upang pigilan ang pang-aabuso at protektahan at tulungan ang mga biktima. Walang sinuman ang dapat magtiis sa mapang-abusong pag-uugali.
Ang mga report tungkol sa pang-aabuso ay hindi dapat balewalain. Lahat ay dapat magpakita ng habag at pagiging sensitibo sa mga biktima at kanilang pamilya. Ang mga naapektuhan ng pang-aabuso ay kailangang pakinggan at suportahan.
Kapag may nalaman o may hinala ang mga bishop at stake president na may pang-aabuso, dapat na kaagad nilang tawagan ang abuse help line ng Simbahan na itinatag sa kanilang bansa o ang kanilang area office. Tatanggap sila ng mga partikular na tagubilin kung paano tulungan ang mga biktima, magprotekta laban sa mangyayari pang pang-aabuso, at gawin ang anumang obligasyon sa pagrereport.
Ang pang-aabuso ay labag din sa mga batas ng lipunan. Hinihikayat ng Simbahan na ireport ang pang-aabuso sa mga awtoridad, at dapat gawin ng mga lider at miyembro ang lahat ng legal na obligasyon na ireport ang pang-aabuso. Sa ilang lugar, ang mga lider at guro na naglilingkod sa mga bata ay may legal na resposibilidad na ireport sa mga awtoridad ang pang-aabuso sa mga bata. Sa ibang lugar, ang sinumang tao na nakakaalam na may pang-aabusong ginagawa sa mga bata, matatanda, o mga may kapansanan ay may legal na responsibilidad na sabihin sa mga awtoridad ang pang-aabuso.
Dapat gawin ng mga lider, miyembro ng pamilya, at mga kaibigan ang lahat ng makakaya nila para mapatigil ang pang-aabuso, gawing ligtas ang biktima, at tulungan ang biktima na humingi ng tulong para mapagaling. May mga biktima na kailangan ng tulong sa pagreport ng pang-aabuso sa pulisya o sa protective services. Maaaring kailangan din ng mga biktima ng tulong mula sa mga propesyonal, kabilang na ang mga doktor at mga tagapayo para sa paggaling.
Karamihan sa mga biktima ay inaabuso ng mga taong kilala nila. Ang mga taong iyon ay maaaring asawa, kapamilya, kadeyt, kaibigan, o iba pang kakilala. Dapat maipadama sa mga biktima na hindi sila kailanman dapat sisihin sa masasamang ginawa ng iba—kahit sino pa ang umaabuso sa kanila. Ang biktima ay hindi nagkakasala.
Bagama’t ang ilang uri ng pang-aabuso ay maaaring magdulot ng pisikal na pananakit, lahat ng uri ng pang-aabuso ay nakakaapekto sa isip at espiritu. Ang mga biktima ng pang-aabuso ay kadalasang nakadarama ng pagkalito, pagdududa, pagkabagabag, kahihiyan, kawalan ng tiwala, at takot. Maaaring madama nila na wala na silang magagawa, na mahina sila, malungkot, at nag-iisa. Maaaring pagdudahan pa nila ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ang kanilang banal na kahalagahan. Ngunit ang mga biktima at ang mga taong sumusuporta sa kanila ay makatitiyak na sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, maibibigay ng Tagapagligtas ang tulong, paggaling, at lakas (tingnan sa Alma 7:11–12; 34:10).
Ang mga biktima ng pang-aabuso ay mapapanatag kapag humingi sila ng espirituwal na patnubay at suporta mula sa mga lider ng Simbahan habang sila ay nagpapagaling. Ang unang responsibilidad ng mga lider ng Simbahan ay tulungan ang mga naabuso at protektahan ang mga maaaring maabuso sa hinaharap. Maaaring sumangguni ang mga lider sa counselingresources.ChurchofJesusChrist.org para sa karagdagang impormasyon.
Ang mga alituntunin sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay nagtakda ng pamantayan kung paano natin dapat pakitunguhan ang isa’t isa. Ang pagsunod sa mga alituntuning ito ay naghihikayat sa atin na bumuo ng matibay at magandang mga ugnayan. Magagamit ng mga magulang, asawa, at mga miyembro ng pamilya ang mga alituntuning ito upang malamang mabuti kung paano sila makikipag-usap at makikitungo sa isa’t isa.
Tingnan ang abuse.ChurchofJesusChrist.org para sa karagdagang impormasyon.
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Kaugnay na Paksa
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Karagdagang Mensahe
Resources sa Pag-aaral
Mga Magasin ng Simbahan
“Naalis ang Pasanin,” Liahona, Marso 2014