“Pananampalataya kay Jesucristo,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Gabay sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Pananampalataya kay Jesucristo
Pagtitiwala sa Kanyang kapangyarihan, Kanyang karunungan, at Kanyang pagmamahal
Normal lang na kung minsa’y makadama ng kakulangan, panghihina ng loob, at maging ng pagkalito. Ang paghingi ng tulong kay Jesucristo ang palaging solusyon sa gayong damdamin. Kapag sumasampalataya tayo kay Jesucristo, umaasa tayo sa Kanya—nagtitiwala sa Kanyang walang hanggang kapangyarihan, katalinuhan, at pagmamahal. Naniniwala tayo na kahit hindi natin nauunawaan ang lahat, nauunawaan Niya. Dahil naranasan Niya ang lahat ng ating pasakit, at kalungkutan, alam Niya kung paano tayo tutulungan na makayanan ang ating mga problema. (Tingnan sa Alma 7:11–13.)
Bahagi 1
Ang Pagpapalakas ng Ating Pananampalataya kay Jesucristo ay Tutulong sa Atin na Madaig ang mga Hamon sa Buhay
Sinabi ng Tagapagligtas, “Kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa, … sa inyo ay walang hindi maaaring mangyari” (Mateo 17:20). Napakaliit ng binhi ng mustasa, ngunit nagiging malaking puno ito.
Kaya paano mo palalakasin ang iyong pananampalataya sa Tagapagligtas? Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang pagpapalakas ng inyong pananampalataya at tiwala [kay Jesucristo] ay nangangailangan ng pagsisikap.” Sinabi niya: “Ang Panginoon ay hindi humihingi ng perpektong pananampalataya para magamit natin ang Kanyang perpektong kapangyarihan. Ngunit hinihingi Niya na maniwala tayo.”1 Ang paniniwala kay Jesucristo ay tumutulong sa iyo na mahikayat na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga propeta sa mga huling araw at manalangin para sa banal na patnubay. Kapag nalaman mo ang tungkol kay Jesucristo at nadama ang Kanyang pagmamahal at Kanyang Espiritu, lalakas ang pananampalataya mo sa Kanya.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Panoorin ang video na “Exercise Faith in Christ” (1:43). Ano ang itinuturo ni Elder David A. Bednar tungkol sa pagkilos nang may pananampalataya? Ano ang gagawin mo para manampalataya kay Jesus?
-
Hindi madaling manampalataya kay Jesucristo, at hindi mo laging magagamit nang perpekto ang iyong pananampalataya. Isipin ang karanasan ni Apostol Pedro sa Mateo 14:25–33. Paano ka matutulungan ni Jesucristo kapag nanampalataya ka sa Kanya nang kahit bahagya lang?
-
Itinuro ng propetang si Alma sa Aklat ni Mormon na kung itatanim natin ang binhi ng ebanghelyo sa ating puso at pangangalagaan ito ng ating pananampalataya, unti-unti nating mapapalakas ang ating patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Pag-aralan ang Alma 32:21–43 at pag-isipan kung paano ka mananampalataya para magkaroon ka ng sarili mong patotoo.
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Maaaring naisin ninyo na sama-samang gumawa ng ilang pisikal na ehersisyo at pag-usapan kung ano ang nagagawa ng ehersisyo para sa katawan. Pagkatapos ay basahin ang ilang bahagi ng mensahe ni Elder Juan Pablo Villar na “Paggamit ng Ating mga Espirituwal na Kalamnan,”2 mula sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2019, at talakayin kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya kay Jesucristo.
Alamin ang iba pa
-
Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 101-4
-
Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley(2016), 373–83
Bahagi 2
Ang Pananampalataya ay Alituntunin ng Kapangyarihan
Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, magagamit natin ang kapangyarihan ng Diyos, na nagbibigay ng kakayahan na magawa natin ang iniuutos sa atin ng Diyos. Ang tunay na pananampalataya ay makagagawa ng mga himala ayon sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng pananampalataya ay nakatatanggap tayo ng lakas na magawa ang mahihirap na bagay at espirituwal na umunlad. Mas natutugunan din natin ang ating temporal na mga pangangailangan at mahihirap na kalagayan kapag naniniwala tayo sa Panginoon at nagtitiwala sa Kanyang mga pangako. Ang taimtim na panalangin ang paraan para matamo ang kapangyarihan ng Diyos—humihingi tayo nang may pananampalataya para sa banal na tulong at patnubay na kailangan natin (tingnan sa Enos 1:15).
Mga bagay na pag-iisipan
-
Basahin ang Marcos 5:21–42. Ano ang papel na ginampanan ng pananampalataya sa mga himalang ito? Paano inilarawan sa talang ito ang mga paraan na susubukin ang iyong pananampalataya?
-
Basahin o panoorin ang mensahe ni Elder Brent H. Nielson na “Wala Bang Pamahid na Gamot sa Gilead?”3 Paano nakita ni Elder Nielson ang mga pagpapalang natanggap niya? Isipin kung paano ka makahahanap ng mga pagpapala kahit sa mahihirap na panahon. Paano ito makapagpapalakas ng iyong pananampalataya kay Jesucristo?
Aktibidad sa pag-aaral kasama ang iba
-
Panoorin ang video na “Mountains to Climb” (5:05). Pagkatapos ay maaari kayong magtulungan sa paglilista ng mga paraan na napagpala kayo ni Jesus at ng Ama sa Langit. Paano nakatulong sa inyo ang pagsampalataya kay Jesucristo para makapagtiis at madaig ang mga hamon?
Alamin ang iba pa
-
Dennis E. Simmons, “Nguni’t Kung Hindi …,” Liahona, Mayo 2004, 73–75
Bahagi 3
Ang Pagkakaroon ng Pananampalataya ay Nangangailangan ng Panahon at Pagtitiyaga
Malamang na naranasan mo na ang mga pagkakataon na nadama mo na hindi naririnig ang iyong mga panalangin o ang mga hamon mo sa buhay ay higit pa sa makakaya mo. Isang lalaki ang minsang lumapit kay Jesucristo na may gayong sitwasyon. Kailangang gumaling ng kanyang anak, at hiniling ng lalaki kay Jesus na basbasan ang kanyang anak. Nang ipaliwanag ni Cristo na lahat ng bagay ay posible sa mga naniniwala, sinabi ng lalaki, “[Panginoon], nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya!” (Tingnan sa Marcos 9:14–27.) May sapat siyang pananampalataya na humiling, ngunit alam niyang hindi perpekto ang kanyang pananampalataya. Kapag nagdasal ka na tulungan kang mapalakas ang iyong pananampalataya, ipinapakita mo na alam mong matutulungan ka ni Jesus—at gagawin Niya ito.
Ang karanasan ng bawat tao sa pagpapalakas ng pananampalataya kay Jesucristo ay natatangi. Kung ang mga taong mahal mo ay nahihirapan sa kanilang pananampalataya, alalahaning tumugon nang may kabaitan at habag. Kung lalapit sila sa iyo na may mga tanong, maaari mo silang pakinggan nang may pagmamahal at pagtitiyaga at suportahan sila sa paghahanap nila ng katotohanan. Matutulungan mo rin silang makahanap ng mapagkakatiwalaang mga sanggunian kung saan sila makahahanap ng mga sagot. At masasabi mo sa kanila kung gaano sila kamahal ni Jesus.
Mga bagay na pag-iisipan
-
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland na kapag may mga tanong o pagdududa ka, maaari kang “manangan nang mahigpit sa nalalaman [mo] na at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman.”4 Sa paanong paraan makatutulong sa iyo ang pananampalataya kay Jesucristo sa mga tanong na hindi nasagot?
Alamin ang iba pa
-
“Act in Faith: The Stonemason” (video), ChurchofJesusChrist.org
-
Kung ikaw o ang isang taong mahal mo ay may mga tanong tungkol sa ebanghelyo o sa mga turo ng Simbahan, tingnan ang paksang “Pagsagot sa mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo” para sa mga ideya sa paghahanap ng mga sagot.