Library
Pagsagot sa mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo


mga kabataan na tinatalakay ang mga banal na kasulatan

Pag-aaral ng Doktrina

Pagsagot sa mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo

Hinihikayat tayong lahat ng Panginoon na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Ang panghihikayat na ito ay angkop lalo na kapag may mga tanong o alalahanin tayo tungkol sa mga turo o gawain ng Simbahan. Malinaw na itinuro ng Panginoon, “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan” (Mateo 7:7).

Buod

Hinihikayat tayong lahat ng Panginoon na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118). Ang panghihikayat na ito ay angkop lalo na kapag may mga tanong o alalahanin tayo tungkol sa mga turo o gawain ng Simbahan. Bata pa lang ay natutuhan na ni Joseph Smith sa kanyang buhay na ang pagtatanong nang may pananampalataya ay humahantong sa paghahayag at dakilang kaalaman tungkol sa katotohanan.1 Malinaw na itinuro ng Panginoon, “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan” (Mateo 7:7).

Paminsan-minsan, nagbibigay ang mga lider ng Simbahan ng impormasyon para masagot ang ilan sa ating mga tanong. Ngunit hindi praktikal o posible para sa ating mga lider na sagutin ang lahat ng tanong natin. Kapag nauunawaan natin kung paano maghangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya, nagiging mas self-reliant tayo, mas madali tayong nakakahanap ng mga inspiradong sagot sa ating sariling mga taong at nananatiling tapat kapag nalulutas ang mga alalahanin natin. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang pagiging self-reliant sa espirituwal ang nagpapalakas na kapangyarihan sa Simbahan. … Kung agad kaming kikilos para sagutin ang lahat ng tanong ninyo at magbibigay ng napakaraming paraan para malutas ang lahat ng problema ninyo, baka mapahina namin kayo, sa halip na mapalakas.”

AnItala ang Iyong mga Impresyon

Maghangad na Matuto sa pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya

Bagama’t ang pag-aaral ng ebanghelyo ay hindi nangangailangan ng pormal na academic training, kinapapalooban pa rin ito ng lohikal at masusing pag-iisip. Inaasahan ng Panginoon na “masigasig [tayong] mag[ha]hanap.”3 Sa paghahanap natin ng katotohanan, nagbabasa tayo, pinag-aaralan natin ang impormasyon, sinusuri ang pagiging totoo nito, at nag-uukol ng oras para pag-isipan ito nang mabuti. Sinusuri natin ang mga paniniwala o ideya ng iba, pati na rin ang sa atin, at sinisikap na itugma ang mga pahayag at mga katotohahan sa wastong konteksto nito. Tinatalasan natin ang ating isipan at nag-iingat, palaging inaalala na hindi lubos ang ating kaalaman ngunit nadaragdagan.

Dahil limitado ang ating pananaw at kaalaman, nahahanap lamang natin ang espirituwal na katotohanan kung bahagi ng pagsisikap natin ang pananampalataya. Ang pananampalataya ay nangangailangan ng mental at espirituwal na pagsisikap at nagmumula sa positibong pag-asa, at hindi sa negatibong pag-aalinlangan. Ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa mga salitang sinasambit natin at sa pagkilos ayon sa mga katotohanang natanggap natin. Kapag ginagawa natin ito, lumalago ang ating pananampalataya, at nabibigyan tayo ng higit na kaalaman ng Espiritu at ng ating karanasan. Ang pag-asang ibinunga ng ating pananampalataya ay nagsisilbing angkla sa ating kaluluwa, nagbibigay sa atin ng katiyakan at katatagan habang patuloy tayong natututo.4

Lakip ang pag-asa sa panalangin at patnubay ng Espiritu Santo para mapalakas ang ating pananampalataya, ang mga sumusunod na alituntunin ay makatutulong sa atin na maging mas self-reliant sa paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.

Huwag kang mahiya o hindi ka dapat makadama na hindi ka karapat-dapat kapag mayroon kang mga tanong o alalahanin.

Halos lahat ay may mga tanong o nagkaroon na ng mga alalahanin paminsan-minsan. “Sa buhay natin sa araw-araw,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “halos walang pagsalang susubukin ang ating pananampalataya.”5 Itinuro rin ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Maaaring nahihiya ang ilan o nadarama nilang hindi sila karapat-dapat dahil mayroon silang seryosong mga tanong tungkol sa ebanghelyo, ngunit hindi dapat ganito ang madama nila. Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan; simula ito ng pag-unlad.”6

Gayunman, tandaan na ang salitang tanong ay hindi kasingkahulugan ng salitang alinlangan. Ang pananampalataya at pag-aalinlangan ay magkaiba. Hindi naghihikayat ang Panginoon at ang Kanyang mga propeta ng pag-aalinlangan—kundi ng pananampalataya. Ang pag-aalinlangan ay hindi binabanggit nang positibo sa mga banal na kasulatan. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Ang pag-aalinlangan ay hindi kailanman nagpapalakas ng pananampalataya.”7 Kaya nga mariing sinabi ng Panginoon na “[huwag tayong] mag-alinlangan.”8 Alam Niya na makakaapekto ang pag-aalinlangan sa pananampalataya natin sa Kanya. Itinuro ng Tagapagligtas, “At sinuman ang maniniwala sa aking pangalan, nang walang pag-aalinlangan, patutunayan ko sa kanya ang lahat ng aking salita.”9 Sa pagsasalita sa mga taong hindi naniwala kay Cristo, ipinayo ni Moroni, “Huwag mag-alinlangan, kundi maging mapagpaniwala.”10

Bagama’t hindi tayo dapat mahiya o makadama na hindi tayo karapat-dapat dahil mayroon tayong mga tanong o alalahanin, dapat nating sikaping malutas ang mga ito, na inaalala na sasagutin ang ating mga tanong sa takdang panahon ng Panginoon at kinakailangan nating maghintay at magtiis. Ang pag-aalinlangan ay hindi humahantong sa pananampalataya, ngunit ang paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya ay nagdaragdag sa ating kaalaman at sa ating pananampalataya.

Manatiling tapat sa nalalaman mo na totoo sa pamamagitan ng Espiritu.

Kapag mayroon tayong mga tanong o alalahanin tungkol sa isang aspeto ng mga turo o gawain ng Simbahan, maaari nating hanapin ang mga sagot nang hindi isinasantabi ang patotoong natamo na natin. Matalinong pinayuhan ni Pablo si Timoteo na manatili sa mga bagay na “matatag [niyang] pinaniwalaan.”11 Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Kapag hindi tayo nakatitiyak tungkol sa ilang mga alituntunin ng ebanghelyo o sa mangyayari sa hinaharap, ang palaging pinakamabuting gawin ay kumilos ayon sa ating nalalaman at magtiwala sa mapagmahal na Ama sa Langit na bibigyan Niya tayo ng karagdagang kaalaman kapag talagang kailangan natin ito.”

Ang pag-aalinlangan ay hindi nagbubunga ng pananampalataya. Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Apostol Pedro ay nakalakad sa ibabaw ng tubig hanggang sa mag-atubili siya sa paghakbang dahil sa takot at pag-aalinlangan, at nagsimula siyang lumubog sa tubig.13 Itinuro sa mga lider at miyembro sa mga unang araw ng Pagpapanumbalik: “Kung saan mayroong pag-aalinlangan at kawalang katiyakan ay walang pananampalataya, ni magkakaroon nito.”

Itinuro rin ni Elder Jeffrey R. Holland: “Sa mga sandali ng takot o pag-aalinlangan o problema, panindigan ang inyong pananampalataya, kahit limitado pa iyon. … Pagdating ng mga sandaling iyon at magkaroon ng mga problema, at hindi ito malutas kaagad, manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman. … Hindi mahalaga ang laki ng inyong pananampalataya o antas ng inyong kaalaman—ang mahalaga ay ang katapatan ninyo sa inyong pananampalataya at sa katotohanang alam na ninyo.”15

Patungkol sa mga taong nababagabag ng mga pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan o nakaranas nang di-maganda sa ibang mga miyembro, ipinayo ni Elder David A. Bednar: “Umaasa ako, lalo na para sa mga taong nababagabag sa gayong mga pangyayari, na itatanong nila sa kanilang sarili ang ganito: ‘Handa ko bang isuko o handa ba akong mawala sa akin ang kabuuan ng ipinanumbalik na katotohanan dahil sa mga pangyayari sa kasaysayan na maaaring hindi natin alam ang lahat ng impormasyon na may kaugnayan dito o dahil sa di-magandang karanasan sa ibang miyembro ng Simbahan?’ Upang makapagpasiya nang matalino, pag-isipan ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo—lahat ng mga katotohanang inihayag sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon.” Malinaw na sinabi ni Elder Neil L. Andersen, “Hindi natin binabalewala ang isang bagay na alam nating totoo dahil lamang sa isang bagay na hindi pa natin nauunawaan.”17

Suriin ang mga tanong nang may walang-hanggang pananaw ng plano ng kaligtasan.

Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, sinabi ng Panginoon, “Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip.”18 Itinuro rin ni Apostol Pablo na ang ating pananampalataya ay “huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.”19

Itinuro rin ni Elder Dallin H. Oaks: “Ang mga tanong tulad ng, “Saan tayo nanggaling? Bakit tayo narito? at Saan tayo pupunta pagkatapos ng buhay na ito? ay sinagot sa ebanghelyo ni Jesucristo. Tinawag ito ng mga propeta na plano ng kaligtasan at ‘dakilang plano ng kaligayahan’ (Alma 42:8). Sa pamamagitan ng inspirasyon mauunawaan natin ang detalyadong planong ito ng kawalang-hanggan at magagamit ito para magabayan tayo sa paglalakbay natin sa mortalidad.”

Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer: “Karamihan sa mahihirap na tanong na kinakaharap natin sa Simbahan ngayon, at maaari nating ilista ang mga ito—aborsiyon at ang lahat ng iba pa, lahat ng tanong tungkol sa kung sino ang mayhawak ng priesthood at kung sino ang wala nito—ay hindi masasagot nang walang kaalaman sa plano bilang mapagkukunang impormasyon.” Kapag naharap tayo sa mga tanong o alalahanin, dapat nating pagsikapang malutas ang mga ito sa konteksto ng plano ng kaligtasan. Tutulungan tayo nito na maunawaan ang mga bagay-bagay nang may walang-hanggang pananaw.

Maaari nating itanong sa ating sarili: Paano umaakma ang isyu o turo na ito sa plano ng kaligtasan? Paano ito makakaapekto sa aking kaligayahan sa buhay na ito at sa aking walang-hanggang kaligtasan? Ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatan o ng mga buhay na propeta tungkol dito?

Pagsikapang malutas ang mga alalahanin sa pamamagitan ng taimtim na panalangin.

Tinuturuan tayo ng mga propeta na dumulog sa Diyos at manalangin nang taimtim, hindi nang may pag-aalinlangan. Ipinaalala ni Nephi sa kanyang mga kapatid, na nagugulumihanan dahil sa mga tanong at pag-aalinlangan, ang sinabi ng Panginoon: “Kung hindi ninyo patitigasin ang inyong mga puso, at magtatanong sa akin nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, nang may pagsusumigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan, tiyak na ipaaalam sa inyo ang mga bagay na ito.”22 Bagama’t ang pag-aaral ay mabuting paraan para malutas ang mga alalahanin, hindi ito magiging epektibo hangga’t hindi nagsisikap ang naghahanap ng katotohanan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos at manalangin sa Kanya para magtanong.

Ipinaliwanag ni Apostol Santiago kung paano makatatanggap ng mga sagot sa mga tanong. Ipinayo niya sa mga naghahanap ng katotohanan na unawain na mayroong pagsubok sa pananampalataya, na maging matiisin, at “humingi … sa Diyos.” Humihingi tayo ng mga sagot sa Diyos “[nang] may pananampalataya, na walang pag-aalinlangan.”23 Sa madaling salita, dapat tayong magsimula nang may positibong inaasahan, puno ng pag-asa, sa halip nang may negatibong disposisyon na puno ng pagdududa, pangungutya, at pag-aalinlangan.

Nagpatotoo si Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Sinasabi ko sa inyo: May malasakit ang Diyos sa inyo. Siya ay makikinig, at sasagutin Niya ang inyong mga personal na tanong. Ang mga sagot sa inyong mga panalangin ay darating sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang sariling panahon, at samakatwid, kailangan ninyong matutong makinig sa Kanyang tinig.”24

Mahalagang alalahanin din na ang paghahayag para sa buong Simbahan ay nagmumula lamang sa mga lider na pinili ng Panginoon, hindi sa bawat miyembro. Sa isang paghahayag kay Oliver Cowdery, sinabi ng Panginoon, “Walang sinuman ang itatalagang tatanggap ng mga kautusan at paghahayag sa simbahang ito maliban sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun.”25 Itinuro minsan ni Joseph Smith na “Salungat sa pamahalaan ng Diyos na ang sinumang miyembro ng Simbahan, o sinuman, na makatanggap ng tagubilin para sa mga taong may awtoridad na mas mataas kaysa sa kanila; samakatwid makikita ninyong hindi angkop na pakinggan sila.”26

Isentro ang iyong buhay sa Tagapagligtas.

Bilang ama, ipinaalala ni Helaman sa kanyang dalawang anak, sina Nephi at Lehi, na isalig ang kanilang buhay sa Tagapagligtas nang sa gayon kapag naranasan nila ang mahihirap na panahon, hindi sila matitinag. “Sa bato na ating Manunubos,” sabi niya, “na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”27

Minsan ay hiniling ni Pangulong Howard W. Hunter sa isang grupo ng mga estudyante na tandaan ang isang bagay: “Kung ang ating buhay at pananampalataya ay nakasentro kay Jesucristo at sa kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, walang anumang bagay na mananatiling mali kailanman. Sa kabilang banda, kung ang buhay natin ay hindi nakasentro sa Tagapagligtas at sa kanyang mga turo, walang anumang tagumpay na mananatiling tama kailanman.”28

Itinuro ni Elder Richard G. Scott na “isinilang tayo sa mundo para umunlad mismo mula sa mga pagsubok. … At ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagtutulot sa atin na makayanan ang mga hamong iyon [tingnan sa 2 Nephi 2:2]. … Kapag tayo ay masigasig na lumapit sa Kanya, makakayanan natin ang bawat tukso, bawat dalamhati, at bawat hamon na kinakaharap natin.”29

Maisesentro natin ang ating buhay sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsisikap na alalahanin Siya sa tuwina, pagdarasal araw-araw, pag-aaral at pagninilay ng salita ng Diyos, pagsunod sa Kanyang mga kautusan, at paglilingkod sa ating pamilya at kapwa.

Pag-aralan nang madalas ang salita ng Diyos.

Ang regular, maging ang araw-araw na pag-aaral ng ebanghelyo ay magpapatibay ng ating patotoo sa lahat ng panahon—at lalo na sa mga pagkakataong binabagabag tayo ng mga tanong, alalahanin, o pag-aalinlangan. Sinabi ni Nephi kina Laman at Lemuel na “sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, kailanman sila ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol.”30

Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Apostol noon, “Sinuman ang magpapahalaga sa aking salita ay hindi malilinlang.”31 Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring na “pinahahalagahan natin ang salita ng Diyos hindi lamang sa pagbabasa ng mga salita ng mga banal na kasulatan kundi sa pag-aaral ng mga ito. Maaaring mas mapangalagaan tayo sa pagninilay-nilay ng ilang mga salita, na hinahayaan ang Espiritu Santo na gawin itong mga kayamanan natin, kaysa sa mabilis at mababaw na pagbabasa ng lahat ng mga kabanata ng banal na kasulatan.”

Ang salita ng Diyos ay hindi lamang “ilawan sa [ating] mga paa, at liwanag sa [ating] landas,”33 maaari din tayong pangalagaan nito kapag nanganganib ang ating mga patotoo dahil sa mga alalahanin o nakababagabag na mga tanong. “Ang salita ng Diyos,” itinuro ni Elder Quentin L. Cook, “ay naghihikayat ng katapatan at nagsisilbing balsamo na nagpapagaling ng nasaktang damdamin, galit, o lungkot.”34

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na matatagpuan ang salita ng Diyos “sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng buhay na mga propeta, at sa personal na paghahayag” at na ito “ay may kapangyarihang patatagin ang mga Banal at proteksyunan sila sa pamamagitan ng Espiritu upang mapaglabanan nila ang kasamaan, makapanangan sila sa mabuti, at magkaroon ng kagalakan sa buhay na ito.”

Sundin ang mga tagapaglingkod na hinirang ng Panginoon, ang mga propeta.

Pumili ang Tagapagligtas ng mga propeta at mga apostol na namumuno sa Kanyang Simbahan ngayon. Pinagkakatiwalaan Niya sila at kinikilala ang kanilang mga salita: “Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili; at bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”36 Noong Abril 6, 1830, ang araw na opisyal na naorganisa ang Simbahan, ganito ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal hinggil kay Propetang Joseph Smith, “Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.”37 Ang alituntuning iyan ay angkop sa bawat kasunod na propeta hanggang sa kasalukuyang panahon.

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen, “Makatwiran din naman na pag-alinlanganan ninyo ang naririnig ninyo sa balita, ngunit huwag ninyong pagdudahan kailanman ang patotoo ng mga propeta ng Diyos.”38 Ito ay sa kadahilanang hindi tayo kailanman ililigaw ng mga propeta. Tiwalang ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson, “Kapag sinunod ninyo ang mga propeta, kayo ay nasa ligtas na teritoryo.”39 Hinggil sa alituntuning ito, ipinangako ni Elder M. Russell Ballard, “Maaari nating itanong, ‘Mayroon bang isang maliwanag, dalisay, walang kinikilingang tinig na maaasahan natin? Mayroon bang tinig na laging magbibigay sa atin ng malinaw na direksyon upang matagpuan natin ang tamang daan sa magulong mundong ito ngayon?’ Ang sagot ay oo. Iyon ang tinig ng buhay na propeta at mga apostol. … Ngayo’y mangangako ako sa inyo. Simple ito, pero totoo. Kung makikinig kayo sa buhay na propeta at mga apostol at diringgin ang aming payo, hindi kayo maliligaw.”40

Matutong kilalanin at sundin ang Espiritu.

Kapag kilala natin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo at sinusunod ang mga ito, hindi tayo malilinlang ng katusuhan na laganap na sa ating kultura ngayon. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol sa panahon ng Bagong Tipan na kapag natanggap nila “ang Mangaaliw, ang Espiritu Santo,” ang Mang-aaliw na iyan ang magtuturo sa kanila ng “lahat ng mga bagay” at “magpapaalala” sa kanila ng lahat ng mga turo ng Tagapagligtas.41 Itinuro pa ng Tagapagligtas na papatnubayan tayo ng Espiritu Santo “sa buong katotohanan.”42

Sinabi sa atin ni Pangulong Henry B. Eyring kung bakit kailangan natin palagi ang impluwensya ng Espiritu Santo:

“Tulad sa pagpapalakas sa atin ng Espiritu laban sa kasamaan, binibigyan Niya rin tayo ng kakayahang makahiwatig sa pagitan ng katotohanan at kabulaanan. Ang katotohanang pinakamahalaga sa lahat ay napapatunayan lamang sa paghahayag ng Diyos. Ang ating katalinuhan at paggamit ng mga pandama ay hindi sasapat. Nabubuhay tayo sa panahon na maging ang pinakamatalino ay nahihirapang makita ang kaibhan ng katotohanan sa tusong panlilinlang. … Dahil ang mga kabulaanan at kasinungalingan ay maaaring malahad sa atin anumang oras, kailangan natin palagi ang impluwensya ng Espiritu ng Katotohanan upang hindi tayo mag-alinlangan.”43

Paunti-unting natututuhan ang katotohanan, kaya iwasang magbigay agad ng konklusyon.

Malinaw na ipinaliwanag ng Tagapagligtas na ang paraan ng pagtuturo Niya sa atin ay paunti-unti:

“Magbibigay ako sa mga anak ng tao [nang] taludtod sa taludtod, [nang] tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at [ipinahihiram] ang tainga sa aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan; at mula sa kanila na nagsasabing mayroon na kaming sapat, mula sa kanila ay kukunin maging ang mga yaong mayroon sila.”44

Itinuro rin ni Joseph Smith kung bakit paunti-unting dumarating ang katotohanan. “Hindi karunungan,” sabi niya, “na dapat nating matamo nang minsanan ang lahat ng kaalamang iniharap sa atin; kundi magtamo tayo nito nang paunti-unti; sa gayon ay mauunawaan natin ito.”

Nagpatotoo si Juan Bautista na bago nalaman ng Panginoong Jesucristo ang lahat ng bagay, paunti-unti Siyang natuto:

“At ako, si Juan, ay nakita na hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit tumanggap nang biyaya sa biyaya;

“At hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit nagpatuloy nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan;

“At sa gayon siya tinawag na Anak ng Diyos, sapagkat hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula.”46

Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas, matututo tayo nang paunti-unti at, para sa mga bagay na hindi pa natin alam, magtiis sa halip na gumawa agad ng konklusyon na maaaring hindi tama at magdulot ng mga tanong o alinlangan na hindi naman kinakailangan.

Tinuturuan tayo ng mga banal na kasulatan na “lumaki … sa kaalaman ng katotohanan.”47 Nagbigay si Joseph Smith ng isang malinaw na paliwanag para umunlad sa ating kaalaman tungkol sa katotohanan:

“Kapag kayo ay aakyat ng hagdan, kailangan kayong magsimula sa ibaba, at umakyat nang paisa-isang baitang, hanggang sa kayo ay makarating sa itaas; gayundin sa mga alituntunin ng ebanghelyo—kailangan kayong magsimula sa una, at magpatuloy hanggang sa matutuhan ninyo ang lahat ng alituntunin ng kadakilaan. Subalit matagal pang panahon matapos na kayo ay magdaan sa tabing bago ninyo matutuhan ang mga ito. Hindi lahat ay mauunawaan sa daigdig na ito; magiging malaking gawain ang matutuhan ang ating kaligtasan at kadakilaan maging sa kabilang buhay.”

Itinuro ni Jacob na malalim ang kaalaman ng Panginoon at “hindi maaaring malaman ng tao ang lahat ng kanyang pamamaraan.” Ipinaalala niya sa atin na ang mga bagay na maaari nating malaman tungkol sa mga pamamaraan ng Diyos ay darating sa pamamagitan ng paghahayag. “Kaya nga,” nagbabala si Jacob, “huwag hamakin ang mga paghahayag ng Diyos.”49 Ang paghahayag ang susi sa pag-unlad ng ating kaalaman tungkol sa katotohanan nang taludtod sa taludtod.

Sumangguni sa mapagkakatiwalaan at maaasahang sources, at pag-isipan ang mga motibo ng mga yaong gumawa ng bawat source na ito.

Sa internet, ang impormasyon na dating hindi nakukuha ng karamihan ng mga tao ay nakukuha na ngayon ng halos lahat. Ipinahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:

“Ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng mundo na mas madali tayong nakakakuha ng maraming impormasyon—ang ilan dito ay totoo, ang ilan ay mali, at karamihan sa mga ito ay bahagyang totoo. Bunga nito, ngayon lang sa kasaysayan ng mundo naging mas mahalagang matutuhan kung paano makikilala nang tama ang katotohanan sa kamalian.”50

Isang mahalagang kasanayan sa pag-aaral ng ebanghelyo ang kakayahang matukoy ang mapagkakatiwalan at maaasahang sources at malaman ang mga motibo ng mga taong gumawa niyon. Magiging hangal tayo kung ituturing natin na mapagkakatiwalan at maaasahan ang lahat ng sources, lalo na ang mga yaong nasa internet. Dapat nating kuwestyunin at suriin ang mga motibo at hangarin pati na rin ang kaalaman ng mga yaong naghihikayat ng pagdududa. Dapat din nating pag-isipan ang ipinahihiwatig ng kanilang mga pahayag at ang resultang nais nilang makamtan. Nagpapalakas ba ito o nagpapahina ng pananampalataya? Tandaan, “sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila.”51

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson: “Sa ilang relihiyon, sinasabi ng mga iskolar nila na ang kanilang awtoridad na magturo ay kapantay ng pamunuan ng relihiyon, at ang mga bagay ukol sa doktrina ay maaaring maging tagisan ng kanilang mga opinyon. Ang ilan ay nakasalig sa malalaking konseho na nagtataguyod ng pagkakaisa ng mga Kristiyano at sa kanilang mga turo. Ang iba naman ay nakatuong mabuti sa pagsisikap ng mga iskolar, pagkaraang mamatay ang mga apostol, na pag-aralan ang paraan ng interpretasyon ng Biblia at paggawa ng interpretasyon nito. Pinahahalagahan natin ang karunungan na nagpapaigi sa pang-unawa, ngunit sa Simbahan ngayon, tulad noon, ang pagbuo ng doktrina ni Cristo o pagwawasto ng mga paglihis sa doktrina ay inihahayag ng langit sa mga taong pinagkalooban ng Panginoon ng karapatan bilang apostol.”52

Nagmungkahi si Pangulong Harold B. Lee ng isang paraan para matukoy ang mga mapagkakatiwalang sources: “Sasabihin ko sa inyo kung ano ang ginagawa ko kapag binabasa ko ang maraming aklat na ito na dumarating (at sa palagay ko dumating na ang panahon na kinakailangang mas mapili tayo sa mga binabasa natin kaysa noon). Hayaan ninyong magmungkahi ako ng isang paraan. Kapag binabasa ninyo ang mga aklat na ito, kahit sino pa man ang nagsulat nito, basahing mabuti ang buong aklat, at kung ang kanilang turo ay lubos na nakaayon sa mga paghahayag ng Panginoon na ibinigay sa atin at sa mga turo ng mga banal na kasulatan, tanggaping totoo ito, ngunit kapag lihis ito at nagsasaad ng mga ideya o haka-haka na hindi lubos na napapatunayan ng mga banal na kasulatan, isulat sa margin ang pangalan ng awtor. Ito ay kanyang ideya, alam mo na. Dapat mong matukoy ang pagkakaiba ng ideya ng indibiduwal at yaong mga pahayag na nakaayon sa mga banal na kasulatan.”

Narito ang ilang maaasahan at mapagkakatiwalaang sources na magagamit para matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya:

  1. Mga Banal na Kasulatan

  2. Mga Mensahe ng Lider

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan

  4. Mga Paksa ng Ebanghelyo

  5. Mga manwal ng estudyante sa institute

  6. Revelations in Context essays

  7. Joseph Smith Papers

  8. history.ChurchofJesusChrist.org

Matutong matukoy ang mga bahagyang katotohahan at kawalan ng konteksto.

Ang mga impormasyong pinagmulan ng anumang makasaysayang pangyayari ay hindi palaging naitatala nang kumpleto at wasto at karaniwang binibigyang interpretasyon ng awtor. Kaya, mahalagang tandaan na maaaring mailahad ang impormasyon nang may bahagyang opinyon at pagkiling ng awtor. Sinabi minsan ni Elder Neal A. Maxwell: “Iginigiit ng ilan na pag-aralan ang Simbahan ayon sa pananaw lamang ng mga tumiwalag dito—na parang kinakapanayam si Judas upang makilala si Jesus.”

Sa kasamaang palad, may mga taong nagtuturo ng mga bagay na hindi totoo o naglalahad ng mga ito sa paraang tila kapani-paniwala ngunit ang totoo talagang mali ito. Si Korihor ay nalinlang ng diyablo at umaming, “Itinuro ko ang kanyang mga salita; at itinuro ko ang mga ito dahil sa kasiya-siya ang mga ito sa makamundong isipan; at itinuro ko ang mga ito, maging hanggang sa makamtan ko ang malaking tagumpay, hanggang sa ako ay katotohanang naniwala na ang mga ito ay totoo; at dahil dito kinalaban ko ang katotohanan.”55

Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ang isang pangyayari kung saan hindi nailahad ang katotohanan sa tamang konteksto nito at sa gayon ay nagbigay ng maling impresyon:

“Naalala ko ang isang personal na karanasan na maaaring matawa kayo. Naglilingkod ako noon bilang consultant sa pamahalaan ng Estados Unidos sa National Center for Disease Control sa Atlanta, Georgia. Minsan habang naghihintay ng taxi na maghahatid sa akin sa airport pagkatapos ng aming mga miting, naupo ako sa damuhan at nag-inat-inat para masikatan ng araw bago ako bumalik sa malamig na klima ng Utah sa buwan ng Enero. Kalaunan nakatanggap ako ng isang retrato sa koreo na kuha ng isang retratistang may telephoto lens, at nakunan niya ang sandali ng pagrerelaks ko sa damuhan. Sa ilalim nito ay may caption na, ‘Consultant ng gobyerno sa National Center.’ Totoo ang retrato, totoo ang nasa caption, ngunit ang katotohanan ay ginamit para lumikha ng maling impresyon. Oo, maaaring magamit maging ang katotohanan para maghatid ng kasinungalingan.”

Malinaw na sinabi ni Joseph F. Smith, “Hindi katalinuhan ang kumuha ng bahagyang katotohanan at ituring ito na parang ito na ang buong katotohanan.”

Pagtulong sa Iba na May mga Tanong o Alalahanin

Maaaring humingi ng tulong sa iyo ang iyong mga anak o kaibigan kapag mayroon silang mga tanong o alalahanin tungkol sa kasaysayan, doktrina, o mga gawain ng Simbahan. Maaari mong isaisip ang mga sumusunod na alituntunin at gabay sa pagtulong sa kanila na lutasin ang kanilang mga alalahanin.

Magpakita ng pagkahabag.

Nagpakita ng pagkahabag ang Tagapagligtas nang mag-alinlangan si Pedro. Itinala ni Mateo na nang lumulubog na si Pedro sa dagat, “Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya.”58 Tulad ng Tagapagligtas, maaari kang magpakita agad ng habag at gawin ang lahat ng iyong makakaya para matulungan ang mga yaong nagtatanong o nag-aalinlangan. Tiyakin sa kanila na minamahal at iginagalang mo sila. Ipaalam sa kanila na hindi kasalanan ang magtanong o magkaroon ng mga alalahanin. Ituro sa kanila na maaaring malutas ang kanilang mga alalahanin sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal, pagninilay ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta sa mga huling araw, at pakikinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.

Makinig na mabuti.

Pakinggang mabuti ang kanilang mga alalahanin at mga paliwanag tungkol sa mga bagay na bumabagabag sa kanila. Huwag bale-walain ang anumang seryosong tanong o alalahanin at ituring ito na walang-halaga, walang-kuwenta, masama, o kasalanan. Tandaan na nagsimula ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa taos-pusong pagtatanong ni Joseph Smith nang may pananampalataya. Pagkakataon ito na matulungan at mapalakas ang iba sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu—na “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw.”59

Patatagin ang pananampalataya.

Sinabi ng Panginoon: “At yayamang lahat ay walang pananampalataya, masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan.”60

Hikayatin ang yaong may mga tanong o alalahanin na patuloy na manalangin araw-araw para sa inspirasyon ng langit; pag-aralan ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon; basahin ang mga mensahe ng mga propeta at mga apostol; magsimba; at maglingkod sa kapwa. Tumulong na itama ang maling impormasyong nalaman nila nang sa gayon ay magkaroon ng matibay na pundasyon ang kanilang pananampalataya na pagmumulan ng pag-unlad nito.

Mga Kaugnay na Paksa

Mga Banal na Kasulatan

Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan

Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

Mga Karagdagang Mensahe

Resources sa Pag-aaral

Mga Magasin ng Simbahan

Keith A. Erekson, “Pag-unawa sa Kasaysayan ng Simbahan sa pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya,” Liahona, Pebrero 2017

Paano ko mabibigyan ng panahon ang mga aktibidad sa Simbahan, family home evening, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan samantalang malaking oras ang ginugugol ko sa homework o takdang-aralin?Liahona, Pebrero 2017

Margaret Willden, “Limang Bagay na Itatanong Kapag Tila Hindi Nasasagot ang mga Dalangin,” Liahona, Enero 2017

Mga Manwal sa Pag-aaral

Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan

Media

Musika