2015
Sundin ang mga Propeta
Enero 2015


Mensahe ng Unang Panguluhan

Sundin ang mga Propeta

Nagsilbi ako sa United States Navy noong patapos na ang World War II. Seaman ako noon, na siyang pinakamababang ranggo sa navy. Pagkatapos ay naging Seaman First Class ako, at kasunod nito ay naging YeomanThird Class ako.

Natapos ang World War II, at na-discharge ako kalaunan. Subalit nagdesisyon ako na kung babalik man ako sa militar, gusto kong maglingkod bilang commissioned officer. Naisip ko, “Hindi na ako kakain sa mga mess area, hindi na ako magkukuskos ng mga kubyerta, kung maiiwasan ko ito.”

Matapos akong ma-discharge, pumasok ako sa United States Naval Reserve. Kasama ako noon sa drill tuwing Lunes ng gabi. Nag-aral ako nang husto para makapasa ako. Kinuha ko ang lahat ng klase ng pagsusulit na maaaring kunin: mental, pisikal, at emosyonal. Sa huli, dumating ang magandang balita: “Natanggap ka na magserbisyo bilang ensign sa United States Naval Reserve.”

Masaya kong ipinakita ito sa aking asawang si Frances, at sinabing, “Natanggap ako! Natanggap ako!” Niyakap niya ako at sinabing, “Pinaghirapan mo iyan kaya mo nakamit.”

Ngunit may nangyaring hindi inaasahan. Tinawag akong maging counselor sa aming ward bishopric. Nagkasabay ang bishop’s council meeting at navy drill meeting ko nang gabing iyon. Alam ko na malaking problema ito. Alam ko na hindi ko maaaring pagsabayin ang mga tungkulin ko sa Naval Reserve at sa bishopric. Ano ang dapat kong gawin? Kailangan kong magdesisyon.

Ipinagdasal ko ito. Pagkatapos ay nakipagkita ako sa dati kong stake president noong bata pa ako, si Elder Harold B. Lee (1899–1973), na noo’y nasa Korum ng Labindalawang Apostol. Umupo ako sa silyang nasa harapan ng mesa niya. Sinabi ko sa kanya kung gaano kahalaga sa akin ang appointment na iyon sa militar. Sa katunayan, ipinakita ko sa kanya ang kopya ng letter of appointment na natanggap ko.

illustration of Thomas Monson with President Harold B. Lee

Paglalarawan ni Paul Mann

Matapos pag-isipan sandali ang bagay na ito, sinabi niya sa akin, “Ito ang dapat mong gawin, Brother Monson. Sumulat ka sa Bureau of Naval Affairs at sabihin mo sa kanila na dahil sa tungkulin mo bilang miyembro ng bishopric, hindi mo matatanggap ang appointment na iyan sa United States Naval Reserve.”

Nalungkot ako nang labis. Dagdag pa niya, “Pagkatapos ay sumulat ka sa commandant ng Twelfth Naval District sa San Francisco at sabihin mo sa kanila na gusto mong ma-discharge mula sa reserve.”

Sabi ko, “Elder Lee, hindi ninyo naiintindihan ang militar. Siyempre hindi po nila ibibigay sa akin ang appointment kung tatanggihan ko ito, pero hindi ako ire-release ng Twelfth Naval District sa aking tungkulin. Dahil may sumisiklab na digmaan sa Korea, tiyak na tatawag ng isang noncommissioned officer. Kung pababalikin ako, mas gugustuhin kong bumalik bilang commissioned officer, pero hindi iyon mangyayari kung hindi ko tatanggapin ang appointment na ito. Sigurado ba kayo na ito ang gusto ninyong ipayo sa akin?”

Inakbayan ako ni Elder Lee at tulad sa isang mapagmahal na ama ay nagsabing, “Brother Monson, dagdagan mo ang pananalig mo. Hindi para sa iyo ang militar.”

Umuwi ako. Ibinalik ko sa sobre ang letter of appointment na basa ng luha kalakip ang liham na hindi ko ito tinatanggap. Pagkatapos ay sumulat ako sa Twelfth Naval District at hiniling na ma-discharge ako sa Naval Reserve.

Ang pagka-discharge ko mula sa Naval Reserve ay kasama sa huling grupong nai-proseso bago nagsimula ang Korean War. Pinakilos na ang grupo ko sa militar sa headquarters. Anim na linggo matapos akong matawag bilang counselor sa bishopric, tinawag akong maging bishop ng aking ward.

Hindi ko mahahawakan ang katungkulan ko ngayon sa Simbahan kung hindi ko sinunod ang payo ng propeta, kung hindi ko ipinagdasal ang desisyong iyon, kung hindi ko pinahalagahan ang isang mahalagang katotohanan: ang karunungan ng Diyos ay kadalasang kamangmangan lang sa tao.1 Ngunit ang pinakamalaking aral na matututuhan natin sa mortalidad ay na kapag nangusap ang Diyos at sumunod ang Kanyang mga anak, lagi silang magiging tama.

Nasabi na noon pa, na ang kasaysayan ay umiikot sa maliliit na bisagra, at gayon din ang buhay natin. Mga desisyon ang nagpapasiya ng tadhana. Ngunit hindi tayo pababayaang mag-isa sa ating mga pagdedesisyon.

Kung gusto ninyong makita ang liwanag ng langit, kung gusto ninyong madama ang inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos, kung gusto ninyong madama sa inyong puso na ginagabayan kayo ng inyong Ama sa Langit, sundin ninyo ang mga propeta ng Diyos. Kapag sinunod ninyo ang mga propeta, kayo ay nasa ligtas na teritoryo.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Hindi lahat ng mga miyembro ng Simbahan ay tatanggap ng personal na payo mula sa isang Apostol, na tulad ng nangyari kay Pangulong Monson. Ngunit mapagpapala pa rin tayo kapag sinunod natin ang mga turo ng mga propeta at apostol. Isiping basahin ang mga mensahe ni Pangulong Monson sa huling pangkalahatang kumperensya (alalahaning basahin din ang kanyang pambungad at pangwakas na pananalita). Hanapin ang partikular na mga tagubilin o panawagang kumilos. Maaari ninyong talakayin ang natutuhan ninyo sa mga taong binibisita ninyo at umisip kayo ng mga paraan para masunod ang payo ni Pangulong Monson.

Para sa mga ideya sa pagtuturo ng mensaheng ito sa mga kabataan at bata, tingnan sa pahina 6.