Pagbibigay ng Pinakamagandang Regalo
Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.
Ibinigay ko sa kaibigan ko ang pinakamagandang regalo sa lahat ng natanggap na niyang mga regalo.
Noong ako ay 13 taong gulang, hiniling ng propeta sa mga miyembro ng Simbahan na basahin ang Aklat ni Mormon sa loob ng limang buwan, bago matapos ang taong iyon, at nangako ng mga pagpapala sa paggawa niyon. Isang araw habang nagbabasa ako sa bus, isang babaeng nagngangalang Cynthia ang umupo sa tabi ko at nagtanong kung anong aklat ang binabasa ko. Sinabi ko na iyon ay Aklat ni Mormon at na espesyal na aklat iyon. Sinabi ko na gusto kong tapusing basahin iyon bago matapos ang taon para makatanggap ako ng mga pagpapala.
Nagsimula siyang magtanong nang mas marami pa, at sinabi ko sa kanya na puwede siyang pumunta sa bahay namin para makapag-usap pa kami tungkol dito. Tinanggap niya ang paanyaya ko, at gumugol kami ng ilang oras sa sumunod na mga araw sa pag-uusap tungkol sa Aklat ni Mormon at sa Simbahan.
Pagsapit ng Lunes, inanyayahan ko siya sa family home evening, kung saan ipinakilala ko siya sa mga missionary. Sinimulan nilang turuan siya ng mga lesson, at nagsimula siyang magsimba at dumalo sa lahat ng aktibidad ng mga kabataan at iba pang mga pulong ng Simbahan.
Nagpasiya siyang magpabinyag, at sa pahintulot ng kanyang mga magulang, nabinyagan siya sa kanyang kaarawan noong taong iyon. Iyon daw ang pinakamagandang regalo sa lahat ng mga regalong natanggap na niya. Dumalo sa binyag ang kanyang ina at mga kapatid. Hinilingan niya akong kantahin ang “Espiritu ng Diyos” (Mga Himno, blg. 2), at hiniling niya na ang tatay ko ang magbinyag sa kanya. Pag-ahon niya mula sa tubig, nagyakap kami at nag-iyakan. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na iyon dahil napakasaya ko.
Pagkaraan ng isang taon lumipat ng tirahan ang pamilya namin. Napakahirap niyon dahil kami ni Cynthia ay naging mabuting magkaibigan at magkapatid sa ebanghelyo.
Kahit malayo na ang tirahan namin sa isa’t isa, matalik pa rin kaming magkaibigan. Madalas kaming mag-usap sa telepono, at kamakailan ay tinawagan niya ako para sabihing nakikinig na sa mga missionary lesson ang nanay niya. Natuwa ako dahil noon ayaw makinig ng nanay niya sa mga lesson. Sabi sa akin ni Cynthia, sana raw ay makasimba siyang kasama ang kanyang buong pamilya balang-araw. Pinasalamatan niya ako dahil sinabi ko sa kanya ang tungkol sa Simbahan.