2015
Isang Patatas para kay Titser
Enero 2015


Paglilingkod sa Simbahan

Isang Patatas para kay Titser

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Natutuhan ko na hindi ako kailangang magbigay palagi ng bonggang serbisyo. Mainam din namang magpakita ng kaunting pagmamahal.

a red potato

Larawang kuha ng Feng Yu/iStock/Thinkstock

Bilang guro sa elementarya nang mahigit 25 taon, nakatanggap na ako ng maraming nakatutuwang bagay mula sa aking mga estudyante. Nakatutuwang mga sulat, drowing, at magagandang bagay na gawang-kamay ang karaniwan nilang mga regalo. Gayunpaman, noong isang taon ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap ako ng isang patatas.

“Isang patatas para kay titser,” nagmamalaking sabi ng batang si Emma nang lumapit siya sa mesa ko, “kasi po wala akong mansanas.” Katamtaman ang laki ng patatas, makinis, at maganda ang patatas na iyon. Pinasalamatan ko siya at inilagay ko ito sa mesa ko. Nakita ko na nagniningning sa tuwa ang malaki at asul na mga mata ni Emma tuwing titingnan niya ito sa buong maghapon.

Pagkatapos ng klase, nang may ginagawa na ako sa mesa ko, hindi ko maiwasang tingnan nang may ngiti ang patatas. Napakasimple ng tingin ng mga bata sa mga bagay-bagay, at sa karaniwang patatas na iyon, may mahalagang bagay akong natutuhan kay Emma. Iniwan ko iyon sa mesa ko nang mahigit isang linggo dahil nagsilbi itong paalala sa akin.

Bilang visiting teacher at miyembro sa aming ward, gusto kong maglingkod sa iba, pero lagi akong naghihintay ng isang “mansanas” bago ako tumulong. Kung abala ako at hindi makapagluto ng ekstrang pagkain o kung gusto kong magbigay ng espesyal na bulaklak pero hindi ako makapunta sa tindahan ng mga bulaklak, hindi ko na lang pinapansin ang marahan at banayad na tinig ng Espiritu na bumubulong sa akin na may taong nangangailangan ng aking paglilingkod.

“Gagawa ako sa pagtatapos ng linggong ito, kapag may oras ako,” pagkumbinsi ko sa sarili ko. “Walang nangangailangan sa akin ngayon.”

Pero paano kung may tao ngang nangangailangan ng tulong ko? Paano kung hindi ko binale-wala ang mga pahiwatig na dalawin ang isang matandang kapitbahay o batang biyuda na namatayan ng asawa kailan lang? Makakatulong o makapaglilingkod kaya ako, kahit iyon lang ang maibibigay ko noon—isang “patatas?”

Natutuhan ko ang isang magandang aral mula kay Emma na sinisikap kong ipamuhay. Kung wala akong mansanas, nagbibigay na lang ako ng isang patatas, at ginagawa ko ito ngayon. Hindi na ako naghihintay na makapagluto pa ng masarap na pagkain o espesyal na lemon cream pie; bumibili na lang ako ng isang kahon ng cookies. Hindi ako nakakapunta nang madalas sa tindahan ng mga bulaklak, pero maaari akong bumisita sandali nang walang dalang bulaklak. Maganda ang kard na gawang-bahay, pero gayon din naman ang maikling tawag sa telepono. Hindi kailangang magbigay palagi ng bonggang serbisyo. Mainam din namang magpakita ng kaunting pagmamahal.

Iniuwi ko na ang patatas, pero palagay ko hindi ko iyon kakainin kahit kailan. Nagsisilbi itong paalala sa tuwina na maglingkod kapag ako ay nabigyan ng inspirasyon. Ibinibigay ko ang magagawa ko ngayon sa halip na maghintay pa kalaunan. Isang patatas para kay titser ang talagang pinaka-nakasisiyang regalo.