2015
Mga Alitaptap
Enero 2015


Pagmumuni-muni

Mga Alitaptap

Ang awtor ay naninirahan sa Florida, USA.

Nakatuon ba ang ating mga mata sa mga walang-hanggang gantimpala—o sa iba pang bagay?

Illustration of a fireflies in the night sky

Paglalarawan ni Supansa Wongwiraphab

Ilang taon na ang nakararaan nagtrabaho ako sa isang archeological site na tinatawag na Aguateca, na nasa isang maganda at liblib na bahagi ng Guatemala na mararating lamang sa pamamagitan ng pamamangka sa paliku-likong Petexbatún River.

Isang gabi pabalik na kami ng ilang arkeologo sa Aguateca matapos gugulin ang maghapon sa isang kalapit na lugar. Habang namamangka kami sa ilog, na tanging ang mahinang ingay ng motor at huni ng mga insekto ang maririnig, humilig ako sa gilid ng bangka, na nasisiyahan sa payapang paglalakbay at sa gabing hindi pangkaraniwan ang aliwalas at walang nakasilay na buwan. Habang sinusundan ng bangka ang paliku-likong kahabaan ng ilog, sinikap kong manatili sa tamang direksyon sa pamamagitan ng pagtingin sa North Star. Kung minsa’y naglalaho ang North Star sa likod ng maiitim na anino ng mga punong nakahanay sa tabing-ilog, ngunit lagi naman itong lumilitaw kaagad.

Sa isang pagliko sa ilog, muling nagtago ang North Star sa likod ng mga puno. Nang pumihit patimog ang bangka, kaagad ko itong nakitang muli, at para akong isang mahusay na marino, na ipinagmamalaki ang kakayahan kong malaman kung nasaan ang kinalalagyan ko. Gayunman, pagkaraan ng isang minutong pagmamasid dito, natanto ko na nagkamali ako: hindi ko pala muling nakita ang North Star o anumang bituin. Alitaptap pala ang minamasdan ko.

Noon ko lang namalayan na mga alitaptap pala ang karamihan sa “mga bituin” sa ulunan ko na tahimik na umaaligid sa maalinsangang hangin sa gabi. Kamangha-mangha na ang ningning ng napakaraming alitaptap sa aking ulunan ay halos kapareho ng ningning ng malalayong bituin at galaxy, at madali akong nalito sa dalawa dahil sa mga pagliko at pagpihit ng bangka sa ilog.

“Paano ko napagkamalang maningning na bituin ang isang maliit na alitaptap?” naisip ko. Ang sagot ay malinaw: batay lamang ito sa sariling pananaw. Naagaw ng medyo malamlam at aandap-andap na ilaw ng mga alitaptap ang ningning ng mga bituin dahil ilang talampakan lamang ang layo ng mga alitaptap sa ulunan ko samantalang ang mga bituin ay napakalayo. Sa tingin ko, halos pareho ang ningning ng dalawa.

Tulad ng mga alitaptap, mukhang malaki ang mga tukso at pagsubok dahil nasa harapan natin ang mga ito. Samantala, ang ipinangakong mga pagpapala, tulad ng mga bituin, ay maaaring magmukhang napakalayo.

Maaaring maraming ibunga ang kawalan natin ng espirituwalidad. Kapag tila mas malayo ang gantimpala, mas natutukso tayong isipin na maaari nating ipagpaliban ang ating pagsisisi at makakabalik pa rin tayo sa Ama sa Langit upang kamtin ang ating walang-hanggang pamana (tingnan sa Alma 34:33–34). Maaari tayong magduda sa walang-hanggang gantimpala o magpasiya na mas masayang bigyang-kasiyahan ang likas na tao ngayon kaysa maghintay sa mga pagpapalang maaaring kalaunan pa darating. Maaari tayong matakot sa walang-humpay at habambuhay na pakikibaka laban sa kasalanan o kawalan ng pananalig na tutulungan tayo ng ating Tagapagligtas na matiis ang mga pananakit ni Satanas.

Nawawala ang pananaw nating lahat sa kawalang-hanggan paminsan-minsan; ang hamon ay ibalik ito kaagad hangga’t maaari. Bagaman ang mundo ay maaaring mag-alok ng kaakit-akit at huwad na mga gantimpala, maaari tayong umasa kay Jesucristo sa paglalayag natin sa mga pagliko at pagpihit ng buhay at magtiwala na talagang Siya “ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya’y nagsisihanap” (Sa mga Hebreo 11:6).

Ilang taon na mula nang mamangka ako sa ilog, ngunit kahit ngayon ay napapatigil pa rin ako kapag nahaharap ako sa tukso at ipinaaalala ko sa aking sarili na, “Alitaptap lang iyan.”