2015
Isang Oras ng Pakikipagpuyat sa Kanya
Enero 2015


Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo

Isang Oras ng Pakikipagpuyat sa Kanya

Ang awtor ay naninirahan sa Ica, Peru.

Priest kneeling in prayer at the sacrament table.

Isang araw naghahanda akong magbigay ng mensahe sa sacrament meeting. Pinag-aaralan ko ang artikulong “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Liahona ng Marso 2008. Sa kanyang artikulo, ikinuwento ni Elder Holland ang isang panaginip ni Elder Orson F. Whitney (1855–1931) kung saan nakita nito ang Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani. Inilarawan ni Elder Whitney ang hirap at pagdurusang pasan ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay isinulat niya:

“Pagkatapos ay tumayo Siya at nagpunta sa lugar kung saan nakaluhod ang mga Apostol—na nangatutulog! Marahan Niya silang niyugyog, ginising sila, at sa malumanay na pagsasalita, na wala ni kaunting bakas ng galit, ay tinanong sila kung hindi ba sila makikipagpuyat sa Kanya kahit isang oras lang. …

“Pagbalik Niya sa Kanyang lugar, nanalangin Siyang muli at nagbalik at nadatnan silang natutulog muli. Muli ginising Niya sila, pinayuhan, at nagbalik at nanalangin gaya noong una. Tatlong beses nangyari ito.”1

Habang binabasa ko ito, pumasok sa isip ko ang diwa ng paghahayag. Sa sandaling iyon, natanto ko na ang paraan para ako ay “[makipagpuyat] sa Kanya kahit isang oras lang” ay sa pagpapakita ng pagpipitagan sa sacrament meeting bawat Linggo. Simula noon, nalaman ko na ito ang oras na makapagdarasal tayo sa ating Ama sa Langit sa mas makabuluhang paraan. Mahalaga ang panalangin sa lahat ng oras, ngunit ang Espiritung naroon sa oras ng sakramento ay isang pagkakataon para mas mapalapit tayo sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Kapag itinuon natin ang ating isipan sa Panginoon, kahit paano ay sinasamahan natin Siya sa sandali ng matinding paghihirap na tiniis Niya nang akuin Niya ang ating mga kasalanan. Ito ang panahon upang pahalagahan ang hirap na dinanas Niya para sa atin.

Napakahalaga ng sacrament meeting sa akin. Para sa akin ito ang oras ng walang-hanggang kaligtasan. Naging sagradong oras na ito kung kailan inaalala at ipinapangako ko sa panalangin at sa puso ko na igagalang ko ang aking mga tipan at tutularan ang sakdal na halimbawa ng aking Tagapagligtas. Alam kong Siya ay buhay at mahal Niya ako. Alam ko na maliligtas tayong lahat sa pamamagitan lamang ng Kanyang sakripisyo at dugong itinigis para sa atin. Alam kong totoo ito dahil nang sikapin kong “makipagpuyat sa Kanya,” luminaw ang aking pang-unawa, napagpala ang aking buhay, at lumalim ang aking pananaw tungkol sa buhay na walang hanggan sa piling Niya.

Tala

  1. Orson F. Whitney, binanggit sa Jeffrey R. Holland, “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2008, 33.

  2. Tingnan sa Don R. Clarke, “Mga Pagpapala ng Sakramento,” Liahona, Nob. 2012, 104–06.