Kaya Ko Kayang Magtapat?
Hindi ibinigay ang pangalan
Habang nakaupo ako sa tapat ng isang miyembro ng stake presidency, nagsimulang kumabog ang puso ko. Kinabahan na ako simula noong tawagan ako ng stake clerk para makipag-appointment. Malalaman kaya niya na hindi ako karapat-dapat maglingkod?
Nakapagpasiya na ako na mas madaling iharap ang ilang kasalanan sa hukuman ng Diyos kaysa magtapat dito sa lupa, na iniisip na makasarili ang ibunyag ang mga bagay na magdudulot ng sakit o kahihiyan sa asawa ko. Mas makabubuting paglabanan ko ito nang mag-isa at pasanin ang bigat nito. Ang problema lang ay hindi ko kayang paglabanan ito nang mag-isa.
Nakaupo ako roon nang tawagin ako ng counselor sa stake presidency na maglingkod. Tanong niya, “Brother, tatanggapin mo ba ang tungkuling ito?” Gusto ko sanang sumagot ng malakas na, “Opo!” Sa halip, nang halos hindi nag-iisip, narinig kong sinabi ko mismo na, “Hindi po puwede, may ilang kasalanan pa akong dapat pagsisihan.”
Nakadama ako nang labis na pag-aalala at ginhawa nang ipagtapat ko ang uri ng aking kasalanan. Itinanong niya kung nakausap ko na ang bishop ko. “Hindi pa po.” Ang asawa ko? “Hindi pa po.” Kinamayan niya ako, ngumiti, at sinabing ipinagmamalaki niya ako dahil sa aking pagtatapat, at tinagubilinan akong kausapin ang bishop at ang asawa ko.
Sumunod ako, at nagtapat muna sa asawa ko—sa gayon ay naalis ang pinakamalaking takot ko. Minahal pa rin niya ako! Oo, nagalit siya, at kailangan naming ayusin ang ilang bagay, pero minahal niya ako at hinikayat akong kausapin ang bishop.
Nang puntahan ko ang bishop, pinapasok niya ako kaagad sa kanyang opisina. Kahit hirap, sinikap kong ipaliwanag ang dahilan kung bakit ako naroon. Matapos itago nang napakatagal ang aking mga kasalanan, hindi ko alam kung saan magsisimula. Mapagmahal niya akong hinikayat na lubos na ipagtapat ang lahat. Ipinaliwanag ko ang uri ng aking mga kasalanan at hiniling na bigyan ako ng panahon na ilista ang lahat ng kamalian ko. Pumayag siya kaagad.
Hindi pa ako lubos na nakakapagtapat, pero gumaan na ang pakiramdam ko. Nakadama rin ako ng panibagong pag-asa ng paglaya, sa wakas, mula sa pasaning ito.
Ginugol ko ang sumunod na mga linggo sa pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at paggawa ng listahang ipapakita sa bishop ko at sa aking Ama sa Langit. Ipinakita ko muna ang listahan sa aking Ama sa Langit, nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, upang ipaalam sa Kanya na humihingi ako ng tawad at taos-puso kong hangad na magbago. Nakipag-appointment akong muli sa bishop at ipinakita ko ang buong listahan. Hindi niya ako sinimangutan, sinigawan, o pinagalitan; sa halip, niyakap niya ako nang mahigpit. Ipinaalam niya sa akin ang kanyang pagmamahal at ang pagmamahal ng Panginoon, at ipinaalam sa akin na nasa landas na ako ngayon ng tunay na pagsisisi. Alam kong ito ay totoo.
Ang pagtatapat ng aking mga kasalanan, na labis kong kinatakutan noon, ay naging isa sa pinakamagagandang karanasan ko sa buhay. Ito ang unang hakbang para sa akin upang tunay na maunawaan ang kaloob at kapangyarihang magpagaling ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.