2015
Ang Daan Tungo sa Pagiging Walang-Hanggang Pamilya
Enero 2015


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Ang Daan Tungo sa Pagiging Walang-Hanggang Pamilya

Ang mga awtor ay mula sa Alaska, USA, at nagmimisyon sa Tonga.

Nang mabinyagan na sila, naging determinado ang mga ‘Akau‘ola na makapunta sa templo.

The Road to a Forever Family

Paglalarawan ni James L. Johnson; larawan sa kagandahang-loob ng mga awtor

Isang Linggo ng umaga, matapos ang halos magdamagang inuman ng alak at kava nilang magkakaibigan, pauwi na si Siope ‘Akau‘ola ng Tonga nang makita niya ang isang pamilya na nakasuot ng kanilang damit-pangsimba. Nagtatawanan at nag-uusap sila habang sama-samang naglalakad. Nagtaka si Siope kung bakit napakasaya nila, kaya sinundan niya sila para makita kung saan sila papunta.

Nakita ni Siope na pumasok ang pamilya sa isang gusali ng Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sumilip siya sa bintana habang nagdaratingan pa ang iba. Bakas ang kaligayahan sa kanilang mukha habang magkakatabing nakaupo ang mga pamilya at nagkakantahan ng mga awit ng pagsamba.

Naisip ni Siope ang kanyang asawang si Liu. Ang pag-iibigan nila noong ikasal sila ay naglalaho na. Gustong ibalik ni Siope ang pag-iibigang iyon. Nagmadali siyang umuwi at sinabi niya sa kanyang asawa na nakakita na siya ng paraan para mabuo ang kanilang pamilya: kailangan nilang sumapi sa Simbahan.

Noong araw ding iyon nagtungo si Siope sa bahay ng bishop sa kanyang nayon. Nakilala ng bishop si Siope, na nakita niyang lasing sa kalsada. Habang nag-uusap sila, nakita ni Siope ang pagdududa sa mukha ng bishop, ngunit buo na ang kanyang pasiya; buong tapang niyang sinabi sa bishop na gusto niyang magpabinyag. Natigilan ang bishop, pinapasok niya si Siope, at sinimulan niyang ituro dito ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Atubili si Liu noong una ngunit namasdan niya ang unti-unting pagbabago ng kanyang asawa. Sinimulang pag-ukulan ni Siope ng mas maraming panahon ang kanyang mga anak at nagpakita ng higit na pagmamahal sa kanyang asawa at pamilya sa kanyang mga kilos. Kaya nagpaturo na rin si Liu sa mga missionary, at di-naglaon ay kapwa sila nabinyagan.

Nang papalapit na ang unang anibersaryo ng kanilang binyag, pinagbulayan ng pamilya ‘Akau‘ola ang magagandang pagpapala ng templo. Sabi ni Siope, “Kung mas dakila ang mga pagpapala ng templo kaysa mga natanggap natin sa pagpapabinyag, napakaganda siguro ng mga pagpapala ng templo.” Sa kabila ng hangarin nilang mabuklod, ang templo sa Tonga ay sumasailalim sa renobasyon, kaya kailangan nilang maghintay nang mahigit isang taon o magbiyahe papuntang New Zealand o Fiji para makapasok sa templo.

Pinag-isipang mabuti at ipinagdasal ng pamilya kung ano ang gagawin. Kalaunan ay nagpasiya silang mangutang. Habang hinihintay itong maaprubahan, nasunog ang bangko na nagpoproseso ng kanilang inuutang. Maaantala ang lahat ng pautang hanggang sa susunod na taon.

Nanlumo sina Siope at Liu. Magkatabi silang naupo sa maliit nilang sala at nanalangin na magkaroon ng milagro. Habang nagdarasal at nag-uusap, dumating ang sagot: “Nakinita ko ang van ng pamilya na tila nakangiti sa amin at nalaman namin na ito ang sagot sa aming mga dalangin,” sabi ni Siope. Naibenta nila ang van kinabukasan at bumili sila ng tiket sa eroplano para sa kanilang lima.

Gabi na silang dumating sa Nadi, Fiji, kasama ang tatlong batang pagod at mahaba pa ang lalakbayin nila patungong templo sa Suva. Sabi ni Liu, “Nalaman ko na kapag mas nagsisikap tayong mapalapit sa bahay ng Panginoon, mas lalong nagsisikap si Satanas na pasukuin tayo bago pa natin matanggap ang pagpapala.”

Habang nakaupo sa airport at pinagpapasiyahan kung ano ang susunod nilang hakbang, tinulungan sila ng isang babae na makakuha ng matutuluyan at sasakyan patungong Suva kinabukasan sa mas mababang halaga kaysa sa karaniwan. Nadama nila na nagpadala ng isang anghel ang Diyos para tulungan sila.

Dumating sila sa templo kinabukasan. “Pagpasok namin sa templo nakadama ako ng kapayapaan at kapanatagan sa puso ko,” sabi ni Liu. “Sa loob ng templo ko lang nakita ang gayong kalinisan at kaputian sa buong buhay ko. May pumasok sa isipan ko: Kung ang templo ay isang bahay na gawa ng tao at napakaganda nito, napakaganda siguro ng bahay na ipinangako sa atin ng Ama sa Langit!”

Ang kanilang mga karanasan sa templo ay nagpabago sa buhay ng pamilya. Sabi ni Liu, “Habang nasa Fiji kami, nadama ko ang pagmamahal sa amin ng ating Ama sa Langit. Kapag pinili nating sundin Siya, pinangangalagaan Niya tayong mabuti.”

Patuloy na dumating ang magagandang pagpapala sa pamilya ‘Akau‘ola pagkauwi nila. Sina Siope at Liu ay kapwa tumanggap ng college scholarship, nagtapos ng teaching degree, at natanggap sa Liahona High School.

Habang nagtuturo, nalaman nila na may mga batang nangangailangan ng matitirhan. Kung minsan paisa-isa, mas madalas ay dala-dalawa at tatlu-tatlo ang mga batang kumakatok sa pintuan nina Siope at Liu. At pinatuloy sila nina Siope at Liu. May 20 katao na ngayong nakatira sa bahay nila. May lima silang “ampon” na nakaalis na para mag-aral sa kolehiyo o magmisyon.

photo of a family standing together in front of chapel

Alam nina Siope at Liu na ang mga batang ito ay uunlad at mamumukadkad kapag sila ay minahal at ginabayan sa kanilang buhay. Tinanggap ng mga hindi miyembro ng Simbahan ang ebanghelyo at ngayo’y nag-iibayo ang hangarin nilang magmisyon. Tinatawag nina Siope at Liu ang lahat ng batang nasa pangangalaga nila na kanilang mga anak, at tinatawag ng lahat ng bata sina Liu at Siope na Inay at Itay. Alam ng mga ‘Akau‘ola na lubos silang pinagpapala at masaya nilang maibabahagi ang mga pagpapalang ito sa iba.