Paglilingkod nang Inyong Buong Kaluluwa
Tulad ng natutuhan natin sa tema ng Mutwal para sa 2015, isang sagradong pribilehiyo ang maglingkod sa Diyos. Inaasahan namin na sa taong ito bawat isa sa atin ay matututong maglingkod nang may mas matinding katapatan sa paraang itinuro ng Tagapagligtas—nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Paano natin magagawa iyon? Narito ang ilang ideya.
Una, naglilingkod tayo nang buong puso. Nauunawaan natin na ang ibig sabihin nito ay pinaglilingkuran ninyo ang Diyos dahil mahal ninyo Siya at ang Kanyang mga anak. “Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad.”1 Ipinapakita ninyo na mahal ninyo ang Panginoon kapag sinusunod ninyo ang Kanyang mga utos (tingnan sa D at T 42:29). Naglilingkod kayo sa inyong tahanan at pinatatatag ninyo ang inyong pamilya. Ginagampanan ninyong mabuti ang inyong tungkulin at tinutulungan ang mga taong nangangailangan ng isang kaibigan. Naghahanap kayo ng mga pangalan ng mga kapamilya na dadalhin sa templo.
Ikalawa, naglilingkod tayo nang buong kakayahan. Kailangang gumawa at masigasig na magsikap. Ang gawaing misyonero ay nangangailangan ng katatagan at pagtitiis. Naglilingkod kayo nang may kakayahan kapag inaasikaso ninyo ang mga pangangailangan ng iba, “gaya ng pagpapakain sa nagugutom, pagpapanamit sa hubad, pagdalaw sa may karamdaman, at pangangasiwa sa kanilang ikagiginhawa, kapwa espirituwal at temporal” (Mosias 4:26).
Ang susunod, naglilingkod tayo nang buong pag-iisip. Ang inyong mga iniisip ay kailangang maging malinis at dalisay, at nakasentro sa Tagapagligtas. Kayo ay nakipagtipan na lagi Siyang aalalahanin. Hinahangad ninyo ang patnubay ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at panalangin. Kapag inayon ninyo ang inyong mga iniisip, sinasabi, at ginagawa sa isipan at kalooban ng Diyos, nauunawaan ninyo ang mga pangangailangan ng iba at kayo ay karapat-dapat at handang maglingkod.
Sa huli, naglilingkod tayo sa Diyos nang buong lakas. Ang isang paraan para magtamo ng lakas ay sumampalataya sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Nagsisisi kayo at pinababanal ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Nadarama ninyo ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Tagapagligtas at nakakakita kayo ng mga himala kapag naglilingkod kayo sa lakas ng Panginoon (tingnan sa Alma 26:12).
Kapag naglilingkod kayo sa Diyos nang buong kaluluwa, nangangako Siya na kayo ay malilinis mula sa kasalanan at magiging handang tumayo sa Kanyang harapan at tatanggapin ninyo ang Kanyang walang-hanggang kaluwalhatian.