2015
Paano Makakamit ang mga Walang-Hanggang Mithiin
Enero 2015


Paano Makakamit ang mga Walang-Hanggang Mithiin

Mula sa isang mensahe sa pagtatapos na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Disyembre 11, 2004.

Teen aged sisters looking at photo albums.

Nais kong magmungkahi ng ilan sa pinakamahahalagang mithiin sa buhay na magpapasaya sa inyo sa pagsasagawa ng inyong misyon dito sa lupa—mga walang-hanggang mithiin na tutulong sa inyo na makabalik nang marangal sa inyong Ama sa Langit. Kabilang dito ang:

  1. Magpakasal sa templo at pangalagaan ang mga walang-hanggang ugnayan ng pamilya sa pamamagitan ng pagbalanse sa maraming aspeto ng buhay, tulad ng pamilya, trabaho, patuloy na pag-aaral, mga interes, at libangan.

  2. Tapat at masunuring ipamuhay ang inyong relihiyon at maging tapat sa iyong mga tipan sa binyag at sa templo, na laging pinagyayaman ang mabubuting bagay sa buhay.

  3. Manangan sa walang-hanggang pananaw, na isinasaisip na ang mga bagay ng kaharian ay walang hanggan at ang mga bagay ng mundo ay temporal o pansamantala lamang.

  4. Alalahaning magbigay ng tapat na paglilingkod sa buong buhay ninyo at laging kalingain ang mga dukha na maaaring mangailangan ng inyong pagmamahal at iba pang tulong.

Ito ay panghabambuhay na mga mithiin na nangangailangan ng pansin at panahon para makamit. Ang pagtatakda ng mga mithiing ito ay hindi sapat; kailangan nating pagplanuhang isakatuparan ang mga ito.

Ngayong gabi o bukas, pag-isipan kung ano ang gusto ninyong makamit sa inyong buhay at ano dapat ang inyong mga mithiin. Mag-ukol ng panahong isulat ang mga ito at basahing muli ang mga ito sa susunod na mga taon. Pagkatapos ay mag-ukol ng ilang oras na tinatanong ang inyong sarili kung ano ang magagawa ninyo para maisakatuparan ang mga mithiing ito ngayon, bukas, sa susunod na linggo, at sa mga darating na buwan.

Paano ninyo pipiliin at ilalarawan ang mahahalaga at walang-hanggang mithiing ito? At, ang isa pang mahalaga, paano ninyo paplanuhing isakatuparan ang mga ito? Tandaan: panahon ang mahalaga—at kritikal—na sangkap sa inyong kalkulasyon. Sa sitwasyon ninyo ngayon, tila wala pa kayong itinakdang tiyak na panahon para isakatuparan ang mga bagay na pangwalang-hanggan.

Bawat isa ay may panahon; totoo iyan. Pero hindi ibig sabihin na dahil lumilipas ang panahon ay umuunlad na tayo.

“Sapagkat masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain” (Alma 34:32).

Ang sikreto ay piliing mabuti ang mga aktibidad na iyon na tutulong sa atin na makamit ang mga mithiing may patnubay ng langit at pagkatapos ay magkaroon ng katatagan ng pagkatao at pananalig na ipagwalang-bahala ang anumang maglilihis o hahadlang sa atin tungo sa ating walang-hanggang tadhana.

Pinatototohanan ko na ang inyong panahon sa mundo ay magiging sapat para maisakatuparan ninyo ang inyong paghahanda at maisagawa ang inyong misyon sa buhay—kung inyong gagamitin nang matalino ang inyong panahon. At walang mas mabuting panahon upang magawa iyan kundi sa ngayon, sa inyong kabataan (tingnan sa Alma 37:35).