2015
Ano ang Pipiliin Ninyo?
Enero 2015


Ano ang Pipiliin Ninyo?

Mula sa mensaheng “Youth of the Noble Birthright: What Will You Choose?” ng Church Educational System na ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Setytembre 6, 2013. Para sa buong mensahe, magpunta sa cesdevotionals.lds.org.

Kayo ang inatasan ng inyong Ama sa Langit na itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa sa mismong panahong ito at ihanda ang mga tao na tanggapin ang Tagapagligtas.

Illustration of youth with lanterns deciding on which path to choose.

Mga paglalarawan ni Brandon Dorman

Bilang “mga kabataang pangako,”1 kayo ay literal na mga anak ng Diyos, na isinilang sa panahong ito ng kasaysayan ng mundo para sa isang napakasagradong layunin. Bagama’t tila nanghihina ang pagpapahalaga ng lipunan sa moralidad at relihiyon sa lahat ng panig ng mundo, ang mga kabataan ng Simbahang ito ay dapat maging mga kinatawan ng Panginoon at mga parola ng liwanag na inilalapit ang iba sa Kanya. Ang inyong pagkakakilanlan at layunin ay walang katulad.

Ano ang inyong pagkakakilanlan? Kayo ay mga anak ng tipan na ginawa ng Diyos kay Amang Abraham nang si Abraham ay pangakuan na “sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa” (Mga Gawa 3:25; tingnan din sa 1 Nephi 15:18; 3 Nephi 20:25). Kayo rin ay mga anak na “pag-asa ng Israel,”2 sa panahong ito ng kasaysayan ng mundo kung kailan malaganap na naipapahayag ang ebanghelyo sa buong daigdig.

Ano ang inyong layunin? Kayong kalalakihan ay inorden na magtaglay ng priesthood bago pa kayo isinilang (tingnan sa Alma 13:2–3). At kayong kababaihan ay pinili bago pa nilikha ang mundo na magsilang at mag-aruga ng mga anak ng Diyos; sa paggawa nito, niluluwalhati ninyo ang Diyos (tingnan sa D at T 132:63). Naisip ba ninyong kababaihan kung ano ang tunay na kahulugan ng maging kasamang tagapaglikha ng Diyos?

Bawat isa sa inyong mga kabataang lalaki at babae ay inatasan ng inyong Ama sa Langit na itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa sa mismong panahong ito at ihanda ang mga tao na tanggapin ang Tagapagligtas kapag Siya ay namuno at naghari bilang Mesiyas sa Milenyo. Ang inyong banal na pagkapanganay, pagkakakilanlan, layunin, at banal na atas ang nagbubukod sa inyo sa iba.

Ngunit ang inyong karapatan sa pagkapanganay ni ang mga ordinasyon at atas sa inyo bago kayo isinilang ay hindi magliligtas at magpapadakila sa inyo. Magagawa ninyo iyan sa pamamagitan ng inyong sariling mga desisyon at kapag pinili ninyong gamitin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Panginoon sa inyong buhay. Ang dakila at walang-hanggang alituntunin ng kalayaan ay mahalaga sa plano ng ating Ama. Kaya, kayong mga kabataang pangako, ano ang pipiliin ninyo?

Pipiliin ba ninyong maragdagan ang inyong kaalaman?

Kayo ang mag-aaral. Walang ibang mag-aaral para sa inyo. Saanman kayo naroon, magkaroon ng matinding hangaring matuto. Para sa atin na mga Banal sa mga Huling Araw, ang pag-aaral ay hindi lang isang pribilehiyo; ito’y isang banal na responsibilidad. “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan” (D at T 93:36). Tunay ngang ang pag-aaral natin ay para sa mga kawalang-hanggan.

“Anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli.

“At kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating” (D at T 130:18–19).

Ang gayong pangmatagalang pananaw ay tutulungan kayong gumawa ng mabubuting pagpili tungkol sa pag-aaral.

Huwag matakot na kamtin ang inyong mga mithiin—maging ang inyong mga pangarap! Ngunit dapat ninyong malaman na walang shortcut sa pagtatamo ng kahusayan at kagalingan. Edukasyon ang nagiging kaibhan sa pagitan ng pangangarap na makatulong kayo sa ibang tao at pagkakaroon ng kakayahang tulungan sila.

Anong klaseng pamumuhay ang pipiliin ninyo?

Kayo ay inaasahang mamuhay nang naiiba kaysa ibang tao. Nalalaman ninyo ang sinabi ni Pablo sa bata pang si Timoteo, “Maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan” (I Kay Timoteo 4:12).3 Piliing mag-isip at kumilos nang naiiba sa mga makamundo. Piliing magmukhang kaiba at tingnan ang kabutihang maidudulot ng inyong impluwensya. Tulad ng sinabing minsan ni Sister Ardeth G. Kapp, dating Young Women general president, “Hindi kayo makapagliligtas ng buhay, kung kamukha kayo ng lahat ng lumalangoy sa tabing-dagat.”4

Bilang mga kabataang pangako, maganda ang simula ninyo sa buhay, ngunit mayroon din kayong karagdagang responsibilidad. “Sapagkat sa kanya na siyang binigyan ng marami ay marami ang hihingin” (D at T 82:3; tingnan din sa Lucas 12:48). Bahagi ng hinihinging iyan ang maging miyembro kayo ng Simbahan. Nang mabinyagan kayo, talagang muli kayong napaanib sa hukbo ng Panginoon.5 Bago kayo isinilang, pumanig kayo kay Jesucristo sa Digmaan sa Langit. At ngayo’y patuloy ang labanan ng mga puwersa ng kabutihan at kasamaan dito sa lupa. Ito ay totoo! (Tingnan sa Apocalipsis 12:7–9; D at T 29:40–41). Nasa panig ng Diyos si Jesucristo, inorden bago pa isinilang upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan (tingnan sa 1 Nephi 10:4). Sa kabilang panig ay si Satanas—mapanghimagsik, mangwawasak ng kalayaan (tingnan sa Moises 4:3).6

Sa plano ng Diyos tinutulutan ang kaaway na tuksuhin kayo upang magamit ninyo ang inyong kalayaan na piliin ang mabuti kaysa masama, piliing magsisi, piliing lumapit kay Jesucristo at maniwala sa Kanyang mga turo at tularan ang Kanyang halimbawa. Kaylaking responsibilidad at pagtitiwala!

Ang kalayaan ninyong kumilos para sa inyong sarili ay napakahalaga sa inyong walang-hanggang pag-unlad at kaligayahan kaya lalo itong pinagsisikapang pahinain ng kaaway (tingnan sa 2 Nephi 2:27; 10:23).

Magtatakda ba kayo ng mga priyoridad na tutulong sa inyong mga pagpili?

Ang inyong mga pagpili ay hindi pawang sa mabuti at masama lamang. Marami ang mga pagpili sa pagitan ng dalawang bagay na parehong mabuti. Hindi lahat ng katotohanan ay magkakapareho ng kahalagahan, kaya kailangan ninyong magtakda ng mga priyoridad. Sa pagtatamo ninyo ng kaalaman, dapat ninyong malaman na ang pinakamahalagang katotohanang matututuhan ninyo ay nagmumula sa Panginoon. Sa Kanyang Panalangin ng Pamamagitan sa Kanyang Ama, pinagtibay ito ng Tagapagligtas mismo. Sinabi Niya, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3). Higit pa sa lahat ng bagay na nais ninyong malaman, hangaring makilala ang Diyos, ang inyong Ama sa Langit, at ang Kanyang Anak na si Jesucristo Kilalanin Sila at mahalin Sila, tulad ng ginagawa ko.

Ang isa pang banal na kasulatan tungkol sa priyoridad na nakatulong sa buong buhay ko ay ito, “Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaharian [ng Dios], at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33).

Higit sa anupamang bagay sa mundong ito, nais ninyong gumawa ng mga pagpapasiyang hahantong sa pinakamahalaga at maluwalhating tadhana na buhay na walang hanggan. Iyan ang dakilang kaluwalhatian ng Diyos para sa inyo (tingnan sa D at T 14:7; Moises 1:39). Piliin ang buhay na walang hanggan bilang inyong pinakamataas na priyoridad! Pag-aralan ang mga banal na kasulatan, tulad ng mga bahagi 76 at 88 ng Doktrina at mga Tipan, para mas maunawaan ninyo ang iba’t ibang pagpapalang naghihintay sa mga pumipili at hindi pumipili ng buhay na walang hanggan, at pansinin kung paano tumugma ang iba pang mga pagpili sa dapat nitong kalagyan.

Sino ang pipiliin ninyong makahalubilo?

Makikihalubilo kayo sa maraming mabubuting taong naniniwala rin sa Diyos. Sila man ay Jewish, Katoliko, Protestante, o Muslim, alam ng mga nananalig na talagang may lubos at tiyak na katotohanan. May konsiyensya ang mga nananalig sa Diyos. Ang mga nananalig ay kusang sumusunod sa batas ng tao at ng Diyos, maging sa mga batas na maaaring mahirap sundin.

Sa inyong katapatang sundin ang batas ng tao at ng Diyos, tumitigil kayo kapag pula ang traffic light, kahit walang dumaraang sasakyan. Bilang anak ng Diyos, alam ninyo na kahit hindi kayo mahuli ng pulis, na ang pagnanakaw at pagpatay ay mali at na sa huli’y pananagutin kayo ng Diyos. Alam ninyo na ang kahihinatnan ng hindi pagsunod sa mga patakaran ay hindi lamang temporal kundi walang hanggan.

Sa paglalakbay ninyo sa buhay, makakakilala rin kayo ng mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Marami sa kanila ang hindi pa natatagpuan ang banal na katotohanan at hindi alam kung saan ito hahanapin. Ngunit kayong mga kabataang pangako ang sasagip sa kanila. Marami sa inyo ang tumutugon sa pagtawag ng propeta ng Diyos para sa mas maraming missionary. Labis kaming nagpapasalamat sa bawat isa!

illustration of boy with lantern reaching out to someone

Sa pakikihalubilo ninyo sa mga walang pananalig, dapat ninyong malaman na maaaring may ilan na hindi iniisip ang inyong kapakanan (tingnan sa D at T 1:16; 89:4). Kapag nahiwatigan ninyo iyan, agad at tuluyang tumakas mula sa kanila (tingnan sa I Kay Timoteo 6:5–6, 11).

Ang malungkot, may makikilala kayong mga tao na dahil sa desperado nilang paghahanap ng isang bagay na akala nila ay magpapaligaya sa kanila ay hinahatak pala sila pababa sa pagkakasala. Mag-ingat at baka kayo masadlak doon. Anumang kasiyahan sa pagkakasala ay panandalian lamang, at ang malagim na mga alaala ng pagkakasala ay nagpapabalisa at dumudurog sa budhi. Ang pagbaluktot sa ugnayan na itinakda ng Diyos para pagbuklurin ang mag-asawa ay isa lamang hungkag na imitasyon. Bawat gawaing labag sa batas ay nag-aalis ng makabuluhan at matatamis na alaala.

Pipiliin ba ninyo ang kalayaan o pagkaalipin?

Ang mga puwersa ng kasamaan ay nasa lahat ng dako. Literal kayong nabubuhay sa teritoryo ng kaaway.7 Laganap ang kamandag ng pornograpiya. Binibitag nito ang lahat ng bibigay sa kasamaan nito.

Nakinita ito ng Panginoon, na nagsabing, “At ngayon magpapakita ako sa inyo ng isang hiwaga, isang bagay na naroroon sa mga lihim na silid, na magpapangyari maging ng inyong pagkalipol sa paglipas ng panahon, at hindi ninyo ito nalalaman” (D at T 38:13; tingnan din sa talata 28).

Isipin ninyo kung ilang tao sa mga lihim na silid ang naghahangad na wasakin ang inyong buhay at kaligayahan! Hindi na bago ang tukso ng kahalayan. Nagbabala si Apostol Pedro tungkol dito nang isulat niya:

“Umaakit sila sa masasamang pita ng laman, … doon [sa malilinis]. …

“Na pinangangakuan ng kalayaan, samantalang sila’y mga alipin ng kabulukan: sapagka’t ang nadaig ninoman ay naging alipin din naman niyaon” (2 Ni Pedro 2:18–19).

Iwasan ang pagkaaliping iyon, mahal kong mga kapatid. Kung nanonood kayo ngayon ng pornograpiya, itigil na ito ngayon din! Humingi ng tulong sa bishop ninyo. Walang sinuman ang may sapat na talino para madaig ang kaaway nang mag-isa kapag nalason na sila ng pornograpiya. Naninira ito na parang ketong, nakalululong na parang droga, at nakakatunaw na parang matapang na kemikal.

Pipiliin ba ninyong sundin ang Panginoon o ang mga pilosopiya ng tao?

Pag-aralang mabuti ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”8 Ang pamilya ay sinasalakay na sa iba’t ibang dako ng mundo, gayunpaman ang mga katotohanan sa pagpapahayag tungkol sa pamilya ay magpapatatag sa inyo.

Dapat ninyong maunawaan ang malawak na kahihinatnan ng pagtatalu-talo ng lipunan ngayon tungkol sa mismong kahulugan ng kasal. Ang tanong sa kasalukuyang debate ay kung puwedeng magpakasal ang dalawang taong pareho ang kasarian. Kung may tanong kayo tungkol sa posisyon ng Simbahan tungkol dito o sa anumang mahalagang usapin, mapanalangin itong pag-isipan at pagkatapos ay sundin ang mga mensahe ng buhay na mga propeta. Ang kanilang mga inspiradong salita, kasama ang inspirasyon mula sa Espiritu Santo, ay maghahatid ng mas lubos at tunay na pag-unawa sa inyong isipan. 9

Ang debate tungkol sa kasal ay isa lamang sa maraming kontrobersiyang hahamon sa inyo sa hinaharap. Laban sa malalakas na tinig ng kaaway, kayong mga kabataang pangako, ay pipiliing manindigan para sa Panginoon at sa Kanyang katotohanan.

Ipinropesiya ni Apostol Pablo ang tungkol sa kalagayan ng ating panahon (tingnan sa II Kay Timoteo 3:1–5). Ang kanyang tumpak na paglalarawan tungkol sa espirituwal na pagkawasak ng ating panahon ay sinundan ng kanyang nakapapanatag na pahayag, na sinasabi sa atin kung paano manatiling ligtas: “Mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus” (II Kay Timoteo 3:15).

Magdaragdag ako sa kanyang payo: Patuloy na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Patuloy na gawin ang mga bagay na magpapatatag sa inyong pananampalataya kay Jesucristo. Pagkatapos ay pansinin ang matatalinong pagpili na likas na sa inyo na gawin.

Ang inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay magbibigay sa inyo ng tapang na mag-asawa at magsilang ng mga anak sa inyong pamilya habang bata pa kayo at puwede pang magkaanak. Pagdating ninyo sa edad ko, itatangi ninyo nang lubos ang inyong mga anak, apo, at kaapu-apuhan, nang higit kaysa anumang katanyagan o kayamanang maaaring makamtan.

Paano ninyo paghahandaan ang pag-interbyu sa inyo nang harapan ng Tagapagligtas?

Kayong mga kabataang pangako ay hindi pa perpekto. Walang isa man sa atin ang perpekto. Kaya, kayo, pati na kami, ay lubos na nagpapasalamat para sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, na naglalaan ng ganap na kapatawaran kapag tunay kayong nagsisi. Alam din ninyo na ang buhay ninyo rito sa mundo ay maikli lamang. Pagdating ng panahon, bawat isa sa inyo ay papanaw sa buhay na ito at sasakabilang-buhay.

Naghihintay sa bawat isa sa atin ang Araw ng Paghuhukom. Alam ko na “ang Banal ng Israel ang tanod ng pasukan at wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon” (2 Nephi 9:41). Oo, bawat isa sa atin ay personal na iinterbyuhin ni Jesucristo.

Bawat araw sa lupa ay binibigyan kayo ng panahon at pagkakataong maghanda para sa interbyung iyon. Dapat ninyong malaman ito: Kapag pinili ninyong mabuhay sa panig ng Panginoon, hinding-hindi kayo nag-iisa. Makakahingi kayo ng tulong sa Diyos habang tumatahak kayo sa mapanganib na landas ng buhay na ito. Kapag masigasig at taimtim kayong nanalangin sa Kanya araw-araw, isusugo Niya ang Kanyang mga anghel para tulungan kayo (tingnan sa D at T 84:88). Binigyan Niya kayo ng Espiritu Santo para patnubayan kayo kapag namuhay kayo nang marapat. Ibinigay Niya sa inyo ang mga banal na kasulatan para lubos kayong magpakabusog sa mga salita ni Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 9:51; 32:3). Binigyan Niya kayo ng mga salitang susundin mula sa mga buhay na propeta.

Kanino kayo magtitiwala?

Alam ninyo na ang Diyos ang inyong Ama. Mahal Niya kayo. Gusto Niyang lumigaya kayo. Magtiwala sa Kanya (tingnan sa 2 Nephi 4:34; 28:31). Manatiling nakatuon sa Kanyang banal na templo. Maging marapat na matanggap ang inyong endowment at mga ordenansa sa pagbubuklod. Manatiling tapat sa mga tipang iyon, at bumalik nang madalas sa templo. Tandaan, ang pinakamataas ninyong mithiin ay matamo ang pinakadakila sa lahat ng pagpapala ng Diyos, na siyang buhay na walang hanggan (tingnan sa D at T 14:7). Ang mga ordenansa sa templo ay mahalaga para sa pagpapalang iyan (tingnan sa D at T 131:1–3).

Inaanyayahan ko kayong pag-aralan nang may panalangin ang pahayag sa banal na kasulatan tungkol sa inyong pagkakakilanlan, layunin, at pagpapala (tingnan sa D at T 86:8–11). Oo, tunay ngang kayo ay mga kabataang pangako, nilikha sa wangis ng Diyos. Kayo ang mga karapat-dapat na tagapagmana, na susubukan at patutunayan. Nawa ay piliin ninyong maging liwanag sa mundo para makatulong sa pagliligtas ng mga anak ng Diyos, makamtan ang kagalakan, at sa huli’y matamo ang pagpapala ng buhay na walang hanggan.

illustration of 2 lanterns with one lit and another one unlit

Mga Tala

  1. “Adhikain Ninyo’y Ituloy,” Mga Himno, blg. 157.

  2. “Pag-asa ng Israel,” Mga Himno, blg. 161.

  3. Ang ibig sabihin ng salitang Griyegong anastrophe, na pinagmulan ng pagsasalin ng salitang conversation [pag-uusap] ay paangat na pamumuhay.

  4. Ardeth Greene Kapp, I Walk by Faith (1987), 97.

  5. Tingnan sa “Tayo ay Kasapi,” Mga Himno, blg. 152.

  6. Inilalarawan ng ilang tao ang kalayaan bilang kalayaan, ngunit ang paglalarawang iyan ay hindi mula sa banal na kasulatan. Ang binanggit lamang sa banal na kasulatan ay moral na kalayaan (tingnan sa D at T 101:78).

  7. Tingnan sa Boyd K. Packer, “Payo sa Kabataan,” Liahona, Nob. 2011, 16, 18.

  8. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  9. Isinasaad sa pagpapahayag ng Simbahan tungkol sa pamilya: “Ang mag-anak ay inorden ng Diyos. Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa Kanyang walang hanggang plano. Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo at palakihin ng isang ama at isang ina” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129).