Paisa-isang Hakbang
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ibinahagi ng mga kabataan sa Italy kung paano nila pinaglilingkuran ang Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas.
Ngayong alam na ninyo, na ang tema ng Mutwal sa taong ito ay tungkol sa paglilingkod, ano ang gagawin ninyo? Hinihiling sa inyo ng Panginoon na paglingkuran ninyo Siya “nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas” (tingnan sa D at T 4:2). Matindi iyan, at maaaring isipin ninyo na mahirap. Pero hindi kailangang magkagayon.
“Para itong pag-akyat sa bundok,” sabi ni Marco D., ng Taranto, Italy. “Mahirap kapag inisip mo na aakyatin mo nang biglaan ang buong bundok, pero kung paisa-isang hakbang lang, mas madali. Ihakbang mo muna ang isang paa mo, at kapag naihakbang mo na, isipin mo, ‘Nagawa ko!’ at pagkatapos ay ihakbang mo naman ang isa pang paa mo.”
Sa gitna ng pizza, pasta, at cobblestones ng Italy, nakahanap ang mga kabataan ng southern Italy ng ilang makakatulong na hakbang na mapagtutuunan sa pagsisikap nilang maglingkod nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas.
Maghangad ng Espirituwal na Patnubay
Ang pagtanggap ng espirituwal na patnubay ay mahalagang hakbang sa paglilingkod sa Panginoon, at alam ni Davide C., 15, na hindi ito mangyayari kung hindi niya pagsisikapan. “Kailangan kong maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos,” wika niya. “Dapat handa akong tumanggap at sumunod sa mga pahiwatig ng Espiritu. Para magawa iyan, kailangan kong patuloy na palibutan ang aking sarili ng mga bagay ng Panginoon.”
Si Davide at kanyang pamilya ay nabinyagan sa Simbahan. Bago pa man siya nabinyagan, alam na ni Davide kung gaano kahalaga ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang kapatid niyang lalaki ang unang nabinyagan, at hindi nagtagal sumunod na ang kanyang mga magulang. Alam ni Davide na kailangan niyang magkaroon ng sariling patotoo. Nang pag-aralan niya ang Aklat ni Mormon, nadama niya ang Espiritu. Nakatulong ang masayang damdaming ito sa kanyang desisyong sumapi sa Simbahan.
Apat na taon kalaunan, umaasa pa rin si Davide sa patnubay ng Espiritu. “Kailangan nating magpatuloy. Hindi tayo dapat magpabaya sa pag-aaral ng banal na kasulatan at pagdarasal,” sabi niya.
Manatiling Dalisay
Binigyang-diin ni Marco D., 17, ang kahalagahan ng pagsunod sa mga kautusan, lalo na sa batas ng kalinisang-puri. “Tinutukso tayo ng kaaway sa lahat ng bagay, at pinipilit na magkamali tayo,” sabi ni Marco. “Maaari ding maging masamang impluwensya ang mga kaibigan.” Ilang taon na ang nakararaan kinailangang palitan ni Marco ang mga kaibigang sinasamahan niya dahil nakita niya ang masamang impluwensya nila sa mga desisyon niya. “Kailangan kong maghanap ng mga kaibigang tatanggapin ako kung ano ako at hindi kung ano ang gusto ng mundo na kahinatnan ko.”
Kung minsan sa pag-akyat natin sa bundok, nadarapa tayo. Kapag nangyari ito, “magpunta sa bishop at tapat na makipag-usap sa kanya,” paghihikayat ni Marco. “Ang bishop ay ating kapatid. Mapagkakatiwalaan natin siya.”
Ang kanyang mga pagsisikap na maging masunurin at manatiling dalisay ang nagbigay ng mga pagkakataon kay Marco na maglingkod sa Diyos ngayon, at inihahanda rin siya nito na maging karapat-dapat na maglingkod sa full-time mission balang araw.
Mag-ukol ng Oras
Alam ni Manuel M., 17, na hindi laging madaling maglingkod sa Diyos. “Madalas ay sinusubok tayo,” sabi ni Manuel. “Kung minsan mas gusto nating gumawa ng ibang bagay. Kung minsan mas gusto kong matulog, manood ng football game, o sumama sa mga kaibigan ko. Pero laging itinuturo sa akin ng nanay ko na kailangan naming piliing maglingkod sa Panginoon. Maganda rin namang gumawa ng iba pang mga bagay, pero kailangan nating unahin ang paglilingkod sa Panginoon.”
Alam ni Miriam D., 14, na ang ta-nging paraan para matiyak na makaka- pag-aral siya ng mga banal na kasulatan at makapagdarasal ay ang maglaan ng partikular na oras para magawa ito. “Pakiramdam ko marami akong nagagawa kapag naglalaan ako ng oras,” sabi ni Miriam. “Bukod diyan, kapag naglaan tayo ng mas maraming oras sa Panginoon, hindi tayo madaling matutukso—pinalalakas tayo nito.”
Kusang Maglingkod
Para kay Sabrina D., 15, ang paglilingkod nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas ay paglilingkod na may buona volontà. Ibig sabihin niyan ay paggawa ng mga bagay-bagay nang kusa at masaya.
Sang-ayon dito si Alessio I., 12: “Walang kabuluhan kung gagawin mo lang ito dahil sa ipinagagawa ito sa iyo ng bishop o ng mga magulang mo. Hindi mo dapat isiping inuubliga ka. Nais ng Panginoon na maglingkod tayo sa tamang dahilan.”
Paano tayo magkakaroon ng ibayong buona volontà habang naglilingkod tayo? “Nakakatulong sa akin ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, dahil itinuturo nito sa atin na paglilingkod ang tamang gawin,” sabi ni Sabrina.
Ang higit na kaalaman at pag-unawa sa Pagbabayad-sala ay makakatulong din sa atin na maglingkod nang kusa at masaya. Sabi ni Elvisa D., 17, “Tulad ng pagsugo ng Ama sa Langit sa Kanyang Anak, na isinakripisyo ang lahat para sa atin, kailangan nating magkusang ilaan ang lahat sa paglilingkod sa Panginoon.”
Pagtuunan ng Pansin ang Iba
Alam ng magkapatid na Giulia, 16, at Veronica D., 14, na mahalagang pagtuunan ng pansin ang iba. “Tinutulungan tayo ng paglilingkod na mabago ang tingin natin sa mga tao. Kapag naglingkod ka sa isang tao, pareho kayong pinagpapala,” sabi ni Giulia.
Sabi ni Veronica, “May isang pagkakataon na talagang gusto ko nang ibahagi ang ebanghelyo, pero pakiramdam ko hindi pa ako handa. Natakot ako. Pero nang magtuon ako sa mga taong pinaglilingkuran ko, mas nagkaroon ako ng tiwala sa aking sarili dahil alam kong tutulungan ako ng Panginoon.”
Napaglingkuran din nina Giulia at Veronica ang kanilang kaibigang si Virginia na nagpabago sa buhay nito. Sinimulan nila siyang yayain sa mga aktibidad ng Simbahan. Inanyayahan din nila ang pamilya ni Virginia sa mga aktibidad ng pamilya nila. Di-naglaon nagsimula nang makipag-usap ang pamilya ni Virginina sa mga missionary. Pagkaraan ng isang taon, nabinyagan si Virginia at ang kanyang nakababatang kapatid na babae.
Ngayong miyembro na siya ng Simbahan, humahanap si Virginia ng mga paraan para mapaglingkuran ang mga taong nakapaligid sa kanya. Talagang gusto niyang ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Kung minsan pinagtatawanan siya ng mga kaibigan niya sa eskuwelahan dahil sa bago niyang mga paniniwala, kaya ipinagdarasal niyang malaman kung sino ang dapat niyang kausapin. Isang araw hinikayat siya ng Espiritu na kausapin ang isang babaeng kilala niya. “Binigyan ko siya ng Aklat ni Mormon at niyaya ko siyang magsimba. Dumating siya! At ngayon ay binabasa na niya ang Aklat ni Mormon.”
Naghahanap si Samuele D., 14, ng mga pagkakataong mapalakas ang mga miyembro ng kanyang quorum: “Sinisikap kong tulungan ang ibang mga batang lalaki sa quorum ko sa pamamagitan ng paghihikayat sa kanila sa klase. Kung minsan nahihiya sila o kinakabahang makilahok.” Sabi ni Samuele, ang pagtulong sa iba na magtiwala sa sarili ay isang paraan para mapaglingkuran niya ang Diyos at makapaghanda para sa mga responsibilidad sa hinaharap.
Magsimula Ngayon
Kaya, ano ang gagawin ninyo? Sabi ni Alessio I., “Hindi ko na kailangang hintaying tumanda pa ako bago gumawa ng kaibhan. Kailangan ko nang gawin ito ngayon.”
Ang mga hakbang na ito ay tutulong din sa inyo kapag naunawaan ninyo na kayo ay mahalagang bahagi ng gawain ng Panginoon. Gawin ito sa paisa-isang hakbang. Makakagawa kayo ng malaking kaibhan kapag natutuhan ninyong ibigay ang lahat ng kaya ninyo sa paglilingkod sa Panginoon.