Si Flora at Ako: Magkatuwang sa Gawain ng Panginoon
Nang malaman namin ang pagsuporta at mapagmahal na pagtulong ni Pangulong Ezra Taft Benson sa kanyang asawang si Flora, nagkaroon kami ng mas malalim na pang-unawa sa kanyang ministeryo.
Kung minsan, kung makikinig tayong mabuti, ang isang maikling pahayag ay maaaring maging mabisang katulad ng isang sermon. Gayon ang nangyari noong Nobyembre 11, 1985. Ang pahayag ay “Si Flora at Ako.”
Binasa ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ang mga salitang iyon bilang bahagi ng isang pahayag na inihanda para sa mga mamamahayag noong araw na italaga siya bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pumanaw na si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) anim na araw bago iyon, at naiwan si Pangulong Benson bilang senior Apostle.
Magkasama si Pangulong Benson at ang kanyang asawang si Flora nang matanggap nila ang balita na pumanaw na si Pangulong Kimball, at “agad silang lumuhod” para manalangin.1 Ngayon, sa unang talata ng pahayag na ilalathala sa buong mundo, muling binanggit ni Pangulong Benson si Flora. Sabi niya: “Hindi ko inasahan ang araw na ito. Ang asawa kong si Flora at ako ay walang-humpay na nanalangin na pahabain pa ang buhay ni Pangulong Kimball dito sa lupa at mangyari ang isa pang himala sa kanya. Ngayong nangusap na ang Panginoon, gagawin namin ang lahat, sa ilalim ng kanyang patnubay, na isulong ang gawain sa lupa.”2
Pagkaraan ng 59 na taon ng pagsasama, ang pahayag na “si Flora at ako” ay natural na kay Pangulong Benson. At nang sabihin niyang, “gagawin namin ang lahat, sa ilalim ng kanyang patnubay, na isulong ang gawain,” hindi niya ginamit ang salitang namin para tukuyin ang kanyang sarili at ang iba pang mga General Authority, bagama’t tiyak na nakikiisa siya sa kanila. Sa pahayag na ito, binanggit ng propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Simbahan ang tungkol sa pakikiisa nilang mag-asawa sa gawain ng Panginoon.
At bakit naman hindi? Sila ni Flora ay nagkaisa sa gawain ng Panginoon nang halos anim na dekada. Kahit nagbago na ang maraming aspeto ng kanilang buhay sa paglipas ng mga taon, ang pagtutulungan nila ang laging pinagmumulan ng lakas nilang dalawa.
Sa taong ito kabilang sa kurso ng pag-aaral para sa kababaihan ng Relief Society at mga Melchizedek Priesthood holder ang pagkakataong matuto mula kay Pangulong Ezra Taft Benson. Habang pinag-aaralan ninyo ang kanyang mga turo, maaaring gustuhin ninyong malaman ang tungkol sa kanyang pagkatao. Ang artikulong ito ay pagsulyap sa kanyang buhay at ministeryo, sa pananaw ng kanyang asawang si Flora Amussen Benson. Lahat ng kabanata at pahina sa artikulo ay tumutukoy sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson.
“Gusto Kong Makapag-asawa ng Isang Magsasaka”
Noong taglagas ng 1920, naglakbay ang 21-taong-gulang na si Ezra Taft Benson mula sa sakahan ng kanyang pamilya sa Whitney, Idaho, USA, papuntang Logan, Utah, kung saan siya nag-enrol sa Utah Agricultural College (na ngayo’y Utah State University). Isang araw kasama ang ilang kaibigan sa kampus ng paaralan, naakit siya sa isang dalaga. Kalaunan ay ginunita niya:
“Nasa labas kami noon malapit sa mga pagawaan ng gatas, nang magdaan ang isang dalaga—na kahali-halina at maganda—sakay ng kanyang maliit na kotse papunta sa dairy para bumili ng gatas. Nang kawayan siya ng mga binatilyo, kumaway rin siya. Sabi ko, ‘Sino ang babaeng iyan?’ Sabi nila, ‘Si Flora Amussen.’
“Sabi ko sa kanila, ‘Alam ’nyo, naramdaman ko na siya ang pakakasalan ko.’
Pinagtawanan ng mga kaibigan ni Ezra ang kanyang sinabi. Sabi nila, “Napakasikat niya para sa isang magbubukid.” Ang sagot niya? “Mas maganda kung gayon.”3
Maling-mali ang akala ng mga kaibigan ni Ezra kay Flora Amussen. Simula pa noong tinedyer siya, nakita na niya na may kakaiba sa mga lalaking nagsasaka. Isang araw nang sabihin sa kanya ng kanyang inang si Barbara “na hindi niya matatamo ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatian nang walang selestiyal na kasal, sumagot si Flora, nang marahil ay walang kamuwang-muwang ngunit may kaunting ideya, ‘Kung gayo’y gusto kong makasal sa isang lalaking salat sa materyal na pag-aari, ngunit sagana sa espirituwal, para matamo namin nang sabay ang matatamo namin.’ Matapos tumigil sandali idinagdag niya, ‘Gusto kong makapag-asawa ng isang magsasaka.’”4
Nagkakilala sina Flora at Ezra kalaunan noong 1920, at agad nauwi sa ligawan ang kanilang pagkakaibigan. Kay Ezra Taft Benson, natagpuan ni Flora ang isang binata na nakapagsimulang mag-ipon ng espirituwal na kayamanan na labis niyang pinahalagahan. At tulad ng kanyang inasahan, malalim ang pagkakaugat ng kanyang espirituwal na lakas sa sakahan ng kanyang pamilya.
Nagtutulungan na Unahin ang Diyos
Nagsisimula pa lang mapalapit sa isa’t isa sina Flora at Ezra, nalaman na nila na magkakawalay sila nang dalawang taon. Natawag si Ezra na maglingkod sa British Mission. Tuwang-tuwa sila ni Flora sa kanyang oportunidad na maglingkod, at “pinag-usapan nila ni Flora ang kanilang relasyon. Gusto nilang magpatuloy ang pagkakaibigan nila, ngunit alam din nila na kailangan ni Ezra na maging tapat na missionary. ‘Bago ako umalis, ipinasiya namin ni Flora na minsan lang magsulatan sa isang buwan,’ sabi niya. ‘Ipinasiya rin namin na ang aming mga liham ay may panghihikayat, tiwala at balita. Iyon mismo ang ginawa namin.’”5
Sa pagtugon sa tawag sa misyon sa ganitong paraan, ipinakita nila ang isang katotohanang ituturo ni Ezra sa mga Banal maraming taon kalaunan: “Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad.”6
Nang malapit nang matapos si Ezra sa kanyang misyon, inasam nila ni Flora na makita ang isa’t isa. Ngunit “hindi lamang pag-asam na makasama kaagad si Ezra ang nasa isip [ni Flora]. Talagang umasam siya—sa kanyang kinabukasan at potensyal. … Natuwa siya na tila determinado si Ezra na manirahan sa bukid ng pamilya sa Whitney, Idaho. Gayunman, nadama niya na kailangan muna nitong tapusin ang kanyang pag-aaral.”7 Sa pagsisikap ni Flora na tulungan si Ezra na magawa iyon, inuna rin niya ang Diyos. Wala pang isang taon na nakakauwi si Ezra mula sa misyon, ginulat niya ito nang sabihin niyang magmimisyon din siya. Para malaman ang iba pa tungkol sa desisyon niyang ito, tingnan sa mga pahina 10–12.
Isang Magaspang na Diyamante
Sina Flora at Ezra ay ibinuklod sa Salt Lake Temple noong Setyembre 10, 1926. Sa kabila ng likas na kabutihan ni Ezra at ng tagumpay niya sa pag-aaral, “may mga tao pa ring hindi sang-ayon sa pasiya ni Flora. Hindi nila maunawaan kung bakit pipili ng isang magsasaka ang isang taong may pinag-aralan, mayaman, at sikat. Ngunit patuloy pa rin niyang sinabi na noon pa man ay ‘gusto niyang makapag-asawa ng isang magsasaka.’ Si Ezra ay ‘praktikal na tao, matalino at matatag,’ sabi niya. At, sabi pa niya, ‘Magiliw siya sa kanyang mga magulang, at alam ko na kung iginalang niya sila, igagalang niya ako.’ Nakita niya na si Ezra ay ‘magaspang na diyamante,’ at sinabi niya, ‘Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para tulungan siyang maging tanyag at madama ng mga tao ang kanyang mabuting impluwensya, hindi lang sa maliit na komunidad na ito kundi ang makilala siya sa buong mundo.’”8
Sa pananaw na ito sa potensyal ng kanyang asawa, masayang nagtungo si Flora saanman nila kinailangang magtungo para matustusan ang kanilang mga anak at maglingkod sa Simbahan, sa kanilang komunidad, at sa kanilang bansa. Kung minsan ay kinailangan niyang mamuhay nang mas simple kaysa nakasanayan niya, ngunit tinanggap niya ang hamon.
Halimbawa, sa araw ng kanilang kasal, “ang tanging salu-salo … ay isang almusal para sa pamilya at mga kaibigan. Pagkatapos ng almusal, umalis kaagad ang bagong kasal sakay ng kanilang Model T Ford pickup truck patungong Ames, Iowa,” kung saan mag-aaral si Ezra ng master’s degree sa agricultural economics. “Habang naglalakbay, walong gabi silang natulog sa isang toldang may butas. Nang makarating sila sa Ames, umupa sila ng apartment na isang kanto ang layo mula sa kampus. Maliit ang apartment, at kasama ng mga Benson ang malaking pamilya ng mga ipis, ngunit sinabi ni Ezra na ‘di-nagtagal at nagmukha itong pinaka-komportableng dampang maiisip ng sinuman.’”9
Nang maging tila “diyamante” na si Ezra at hindi na gaanong “magaspang,” mas nakibahagi siya sa paglilingkod sa labas ng tahanan. Napadalisay rin nito si Flora. Kapag nasa malayo ang asawa, nalulumbay rin siya at pinanghihinaan ng loob kung minsan. Ngunit gustung-gusto niya ang pagiging asawa at ina, at pinasasalamatan niya ang kabutihan ng kanyang asawa at ang katapatan nito sa pamilya. Para malaman ang iba pa tungkol sa mga unang taon ng pagsasama nina Flora at Ezra bilang mag-asawa at mga magulang, tingnan sa mga pahina 15–18.
Dalawang Tawag sa Telepono na Nagpabago ng Buhay
Noong Hulyo 27, 1943, tinawagan si Flora ng kanyang asawa. Nasa Salt Lake City, Utah, ito at naghahandang bumalik mula sa isang business trip na kasama ang kanilang anak na si Reed. Nasa bahay siya noon malapit sa Washington, D.C., mga 2,000 milya (3,200 km) ang layo. Pagkaraan ng isang magdamag na walang-tulog at puro panalangin at pagluha, tumawag ito upang ipaalam sa kanya na noong nakaraang araw ay tinawag siyang maglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Hindi nagulat sa balita si Flora. “Malakas ang pakiramdam niya na may mahalagang mangyayari sa paglalakbay [ng kanyang asawa].”10 Nagpahayag siya ng tiwala kay Ezra, at napanatag ito sa kanyang sinabi. Kalaunan ay ginunita niya: “Napanatag ang kalooban ko nang makausap ko siya. Noon pa man ay mas malaki na ang tiwala niya sa akin kaysa sa tiwala ko sa sarili ko.”11
Kahit may tiwala si Flora sa kanyang asawa, alam niyang hindi nito magagampanan ang kanyang tungkulin nang mag-isa—kailangan nito ng suporta ng kanyang pamilya at ng lakas mula sa langit. Sa isang pangkalahatang kumperensya, namalas sa isang pabulong na mensahe ang pagmamahal ni Flora sa kanyang asawa at ang kanyang pag-unawa sa pagsalig nito sa Panginoon (tingnan sa mga pahina 55–56).
Isa pang tawag sa telepono ang natanggap ni Flora mula sa kanyang asawa noong Nobyembre 24, 1952 na nagpabago ng buhay nila. Sa pagkakataong ito ay bibisita naman si Ezra sa Washington, D.C., area, at siya naman ay nasa bahay nila sa Salt Lake City. Si Dwight D. Eisenhower, na di-magtatagal ay magsisimula nang manungkulan bilang pangulo ng Estados Unidos, ay kahihiling pa lang kay Elder Benson na maglingkod bilang kanyang secretary of agriculture, isang mataas na katungkulang mangangailangan ng malaking sakripisyo at katapatan. Tinanggap ni Elder Benson ang katungkulan, matapos siyang payuhan ng Pangulo ng Simbahan na si David O. McKay (1873–1970) na tanggapin ito.
Nang ikuwento ni Elder Benson kay Flora na inalok siya ni President-Elect Eisenhower ng isang katungkulan at na tinanggap niya ito, sumagot ito, “Alam kong aalukin ka niya. At alam kong tatanggapin mo.” Inamin niya na mahirap iyon para sa pamilya ngunit idinagdag niya, “Mukhang kalooban ito ng Diyos.”12
Naglingkod si Elder Benson bilang secretary of agriculture sa loob ng walong taon. Noong panahong iyon, tiniis ng pamilya ang mga panahon ng pagkawalay, at kinailangang harapin ni Elder Benson ang mga pambabatikos at pagpuri na madalas na kaakibat ng paglilingkod sa publiko. Nagkaroon ang mga Benson ng malalaking oportunidad. Halimbawa, minsan ay dinala ni Elder Benson si Flora at ang mga anak nilang babae na sina Beverly at Bonnie sa apat-na-linggong paglalakbay kung saan nagtrabaho siya upang magtatag ng pakikipagkalakalan sa 12 iba’t ibang bansa (tingnan sa pahina 210). Isang paanyaya mula sa isang mamamahayag ang nauwi sa kakaibang karanasan sa gawaing misyonero para sa pamilya (tingnan sa pahina 28).
Pantay na mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Panginoon
Tulad ng lahat ng Pangulo ng Simbahan, si Ezra Taft Benson ay inorden noon pa man para sa kanyang tungkulin. Ngunit hindi niya kayang gampanan ang pagkaorden na iyon o maglingkod nang gayon kalakas nang mag-isa. Talagang wala nang ibang taong nakaimpluwensya sa kanya na tulad ni Flora. Sa Simbahan at sa kanilang pamilya, nagtulungan sila bilang mabibisang kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.
Tulad noong magkasamang lumuhod sina Pangulo at Sister Benson nang malaman nila na siya ang mangungulo sa Simbahan, pinagtulungan nilang “isulong ang gawain sa lupa.”13 Tulad ng inasam niya noong tinedyer siya, natamo nila ang gusto nila—nang sabay.14
Mula sa pulpito, pinayuhan ni Pangulong Benson ang mga Banal sa mga Huling Araw na punuin ang mundo at ang kanilang buhay ng Aklat ni Mormon (tingnan sa mga kabanata 9–10). Sa bahay, binabasahan siya ni Flora ng Aklat ni Mormon araw-araw, at saka nila tinatalakay ang nabasa nila.15 Mula sa pulpito, hinimok ni Pangulong Benson ang mga Banal na regular na maglingkod at sumamba sa templo (tingnan sa kabanata 13). Magkasamang pumupunta sina Flora at Ezra Benson sa templo tuwing Biyernes ng umaga kapag may pagkakataon.16 Mula sa pulpito, nagbabala si Pangulong Benson tungkol sa kapalaluan at “papuri ng sanlibutan.”17 Ngunit kahit nagtagumpay si Flora sa pagtulong na “makilala siya sa buong mundo,”18 pareho silang kuntento sa “papuri ng langit.”19
Napakaraming sermon ang naibigay ni Pangulong Ezra Taft Benson bilang Apostol at Pangulo ng Simbahan. Mahirap isipin ang alinman sa mga sermon na iyon nang walang impluwensya ng apat-na-salitang iyon na ibinigay niya noong Nobyembre 11, 1985: “Si Flora at Ako.”