2015
Hamon sa Indexing Nagtala ng Rekord
Enero 2015


Hamon sa Indexing Nagtala ng Rekord

Ang mga kalahok sa International Indexing Challenge ay nagtala ng bagong rekord para sa pinakamaraming kalahok sa online indexing sa isang araw. Ang kabuuang bilang ng mga boluntaryo na 66,511 ay gumamit ng Internet noong Hulyo 22, 2014, para tingnan ang mga makasaysayang talaan at i-transcribe ang impormasyon para maisama sa searchable database sa FamilySearch.org. Ang dating isang araw na rekord na 49,025 boluntaryo ay naitala noong Hulyo 2012 sa kasagsagan ng gawain sa 1940 U.S. Census indexing.

Ang hamon ay nagdulot din ng pangalawang pinakamataas na pinagsamang (indexed o arbitrated) kabuuan ng isinumiteng mga talaan, na umabot ng mahigit 5.7 milyon. (Bawat talaan ay na-index ng dalawang boluntaryo at pagkatapos ay nirepaso ng pangatlong boluntaryo, na kilala bilang arbitrator, upang matiyak ang kalidad at katumpakan nito.)

“Ang ating mga miyembro, bata at matanda, ay nakibahagi nang may masayang puso,” sabi ni Bishop Crouet sa Toulouse, France. “Napakagandang karanasan.”

Sinabi ni Christopher Jones ng Wales, “Inayos namin ang aming family home evening para kaming lahat ay makapag-index—dalawang magulang at pitong anak edad 5 hanggang 18. Dahil diyan, kaming pamilya ay nakapag-index ng mahigit 900 na mga talaan!”

Sinabi ni Natalie Terry ng Bangkok, Thailand, na gustung-gusto niyang sumasali sa pandaigdigang araw ng indexing kasama ang kanyang 13-taong-gulang na anak na babae. At sinabi ni Chris Shead ng Chorley, England, na nakakita siya ng mga 30 bagong pangalan ng pamilya, kabilang ang “isang batang babae na namatay kaagad matapos mabinyagan at hindi nakasama sa mga talaan ng census.”