Mensahe sa Visiting Teaching
Ang mga Katangian ni Jesucristo: Masunuring Anak
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano mapag-iibayo ng pag-unawa sa buhay at mga tungkulin ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at mapagpapala ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Ang pagtulad sa halimbawa ng pagkamasunurin ni Jesucristo ay nagpapalakas ng ating pananampalataya sa Kanya. “Nakapagtataka ba,” sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “na pinili ni Cristo una sa lahat na liwanagin niya ang kaugnayan niya sa kanyang ama—na minahal at sinunod niya ito bilang isang tapat na anak? … Pagsunod ang unang batas ng langit.”1
Itinuturo sa mga banal na kasulatan na “kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (D at T 130:21). Lumalago ang ating espirituwalidad kapag napapalapit tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod at pag-anyaya sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay.
“Kapag sinusunod natin ang mga alituntunin at kautusan ng ebanghelyo ni Jesucristo,” sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “natatamasa natin ang patuloy na pagdaloy ng mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa Kanyang tipan sa atin. Ang mga pagpapalang iyon ay nagbibigay ng kakayahang kailangan natin upang kumilos sa halip na pakilusin habang tayo ay nabubuhay. … Sa pagsunod ay higit nating nakokontrol ang ating buhay, higit [ang ating] kakayahang umangkop, gumawa at lumikha.”2
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Mula sa mga Banal na Kasulatan
“Ang espirituwal na kalakasan ba na bunga ng pagkamasunurin sa tuwina sa mga kautusan ay maaaring ibigay sa ibang tao?” tanong ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang malinaw na sagot … ay hindi.”3.
Ang talinghaga ng sampung dalaga ay isang halimbawa ng alituntuning ito. Kahit dinala ng lahat ng dalaga ang kanilang mga ilawan upang “salubungin ang kasintahang lalake,” lima lamang ang matatalino at nangagdala ng langis sa kanilang mga ilawan. Ang natirang lima ay mga mangmang dahil “hindi sila nangagdala ng langis.”
Pagkatapos ay may sumigaw pagsapit ng hatinggabi: “Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya.” Inayos ng lahat ng dalaga ang kanilang mga ilawan, ngunit ang mga mangmang na dalaga ay walang langis. Sinabi nila sa matatalinong dalaga, “Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagka’t nangamamatay ang aming mga ilawan.”
Nagsisagot ang matatalinong dalaga, “Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo … at magsibili kayo ng ganang inyo.” At habang wala ang mga mangmang na dalaga, dumating ang kasintahang lalake at ang matatalinong dalaga ay nagsipasok na kasama niya at “inilapat ang pintuan”