Paglilingkod na Nasuklian
Krisi Church Summers, Utah, USA
Noong college freshman ako, sumasama ako sa roommate ko para bisitahin ang kanyang 98-taong-gulang na tiyo-sa-talampakan, na magiliw naming tinatawag na Uncle Joe. Mag-isa siyang namumuhay at malungkot, kaya sinikap naming bisitahin siya nang madalas hangga’t maaari. Tuwing bibisita kami sa kanya, nagkukuwento siya sa amin tungkol sa paninirahan niya sa Mexico at sa ilang bayan sa hangganan ng Arizona, kabilang na ang Nogales.
Nang pansamantalang umuwi ang roomate ko, nadama ko na dapat patuloy kong bisitahin si Uncle Joe. Naging malapit ko siyang kaibigan, at binisita ko siya hanggang sa pumanaw siya isa’t kalahating taon pagkaraan. Nalungkot ako sa pagpanaw ng aking kaibigan pero nagpasalamat ako para sa masayang panahon na nagkasama kami.
Sampung taon matapos pumanaw si Uncle Joe, binasa ko ang journal ng aking lola-sa-tuhod. Nakasaad sa journal ang tungkol sa asawa niya na umalis at iniwan siyang walang pera, at may iniwang $30 na halaga ng babayarang upa, at siyam na anak na pakakainin.
Pagkatapos ay isinulat niya: “Sa Bisbee [Arizona] napakabait ng mga tao sa amin. Kahit nakatira kami sa labas ng bayan sa timog ng Bisbee, inihahatid nila kami pauwi [mula sa simbahan]. Si Brother Joseph Kleinman, na nakatira sa Mexico, ay maraming beses kaming inihatid pauwi, at hindi lang iyan, isinasama pa kaming lahat [ng kanyang pamilya] para maghapunan sa kanila. Nagluluto sila ng pritong kuneho na may kasamang iba pang mga pagkain, na lubos naming ikinatuwa. Lumipat sila sa Nogales … at ibinigay nila sa amin ang kanilang mga kuneho, na magaganda at mapuputi, para may sapat kaming makain noon.”
Nang mabasa ko ito, nalaman ko na si Joseph Kleinman na tumulong sa aking lola-sa-tuhod ay si Uncle Joe pala! Nadama ko ang bulong ng Espiritu na dapat patuloy kong bisitahin si Uncle Joe bilang munting pasasalamat sa kabaitang ipinakita niya sa aking lola-sa-tuhod at sa pamilya nito.
Natuwa ako na naging bahagi ako ng isang kuwento ng pagmamahal at paglilingkod na nasuklian. Alam ko na inaalala ng Panginoon ang Kanyang mga anak. Kung susundin natin ang mga panghihikayat ng Espiritu Santo, mapagpapala natin ang buhay ng ibang tao at bunga nito ay mapagpapala rin tayo.