Gusto Mo Ba ng mga Bulaklak?
Cindy Almaraz Anthony, Utah, USA
Isang araw pagkatapos ng mahirap na trabaho sa pediatrics unit ng ospital, pagod na ako at mainit ang ulo. Nang maglakad ako papunta sa security desk, napansin ko ang ilang magagandang bulaklak. Nang sabihin ko sa taong nasa desk na napakaganda at napakabango ng mga bulaklak, sinabi niya na maaari kong kunin iyon.
Napakasaya ko! Naisip ko na siguradong gusto ng Ama sa Langit na mapasaakin ang mga bulaklak para sumaya ang araw ko.
Nang palabas na ako sa ospital, napuna ko na nasa unahan ko ang isang babaeng naka-wheelchair. Nabagalan ako sa kanya pero sa wakas ay nalampasan ko siya paglabas namin ng gusali. Nang malampasan ko siya, tumingala siya at sinabi niyang, “Ang ganda naman ng mga bulaklak.” Pinasalamatan ko siya at nagmadali akong pumunta sa aking asawa, na naghihintay sa aming kotse. Sabik na akong ipakita sa kanya ang aking mga bulaklak.
Bigla kong nadama na sinasabi sa akin ng Espiritu Santo na mas kailangan ng babae ang mga bulaklak. Atubili akong ibigay ang mga ito sa kanya, pero sinunod ko pa rin ang panghihikayat ng Espiritu. Nang tanungin ko siya kung gusto niya ang mga ito, inisip ko na sana ay tumanggi siya.
“Aba, oo,” ang sagot niya. “Gusto ko ang mga ito. Ang gaganda nito.”
Ibinigay ko ang mga iyon sa kanya, pero pagtalikod ko, nagsimula siyang umiyak. Nang itanong ko kung ayos lang siya, sinabi niya sa akin na ilang taon nang yumao ang kanyang asawa at mahigit isang taon na siyang hindi dinadalaw ng sinuman sa kanyang mga anak. Nagsumamo na raw siya sa Diyos na ipakita sa kanya ang tanda ng Kanyang pagmamahal.
“Ikaw ay isang anghel na sugo ng Diyos para ibigay sa akin ang paborito kong mga bulaklak,” sabi niya. “Alam ko na ngayon na mahal Niya ako.”
Nalungkot ako. Napakaramot ko. Kailangan ng babaeng ito ng magiliw na salita, at ni ayaw ko siyang kausapin. Hindi ako anghel. Nang maghiwalay kami, napaiyak na rin ako.
Nang makarating ako sa sasakyan, itinanong ng asawa ko kung ano ang nangyari at bakit ko ipinamigay ang aking mga bulaklak. Tila naguguluhan siya ngunit nakahinga nang maluwag nang ikuwento ko ang nangyari.
“May ipinadala akong mga rosas sa iyo ngayon. Nadama kong kailangan mo iyon,” sabi niya. “Nag-alala ako na baka ipinamigay mo lang ang mga iyon. Kung hindi iyon ang mga bulaklak na ipinadala ko sa iyo, nasaan ang mga iyon?”
Nalimutan pala ng tindahan ng mga bulaklak na ipadala ang mga rosas, kaya nagpunta kami roon. Pumasok ang asawa ko at agad lumabas dala ang isang magandang palumpon ng mga bulaklak.
Hindi ko na naman napigilang umiyak. Hiniling sa akin ng Ama sa langit na ipamigay ko ang mga bulaklak na iyon, batid na may mas magandang bagay na naghihintay sa akin at na nangangailangan din ang Kanyang malungkot na anak ng tanda ng Kanyang pagmamahal.