Mga Kabataan
Payo para sa Mahihirap na Pagpapasiya
Ikinuwento ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang tungkol sa isang pagkakataon na sinunod niya ang payo ng propeta. Sa isang pangkalahatang kumperensya, hinikayat ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ang mga miyembro na huwag mangutang—lalo na ang magsangla.
Sabi ni Pangulong Eyring: “Bumaling ako sa aking asawa pagkatapos ng miting at nagtanong, ‘Sa palagay mo ba may paraan para magawa natin iyon?’ Wala kaming maisip sa simula.” Ngunit kinagabihan naisip niya ang bahay na maraming taon na nilang ibinibenta pero walang bumibili. “Nagtiwala kami sa Diyos at … sa mensahe ng Kanyang tagapaglingkod, [kaya] tinawagan namin ang isang tao. … Narinig ko ang sagot na hanggang sa ngayon ay nagpapatatag sa aking tiwala sa Diyos at sa Kanyang mga tagapaglingkod.” Nang araw ding iyon isang tao ang bumili ng bahay ng mga Eyring sa halagang mas malaki pa sa halaga ng kanilang pagkasangla. Hindi nagtagal at nawalan na ng utang ang mga Eyring (tingnan sa “Magtiwala sa Diyos, Pagkatapos ay Humayo at Gumawa,” Liahona, Nob. 2010, 72).
Maaaring wala kayong isinangla na tutubusin, ngunit ang payo ng propeta ay gagabay sa inyo ngayon sa mahihirap na desisyon tungkol sa trabaho, edukasyon, pagmimisyon, at pakikipagdeyt. Pag-usapan ninyo ng inyong pamilya o mga kaibigan kung paano ninyo masusunod ang propeta kapag kailangan ninyong magdesisyon.