Ang Kagila-gilalas na Gawaing Ito
Kapag narinig ninyo ang salitang lumulan, ano ang naiisip ninyo? Isang barkong maglalayag? Pakikiisa sa isang dakilang adhikain? Simula ng isang paglalakbay?
Kapag kayo ay “humaharap sa paglilingkod sa Diyos,” nakikiisa kayo sa pinakadakilang paglalakbay sa lahat. Tinutulungan ninyo ang Diyos na mapabilis ang Kanyang gawain, at ito’y isang dakila, masaya, at kagila-gilalas na karanasan.
Huwag lang ninyo basta paniwalaan ang aming sinasabi. Noong nakaraang taon sa isang munting bayan sa Utah, binisita ng mga binatilyo sa isang teachers quorum ang website ng mga aktibidad para sa mga kabataan (lds.org/youth/activities) para humanap ng mga ideya sa paggawa ng aktibidad. Isa roon ang napagtuunan ng kanilang pansin: “Seven Days of Service [Pitong Araw na Paglilingkod].”
Nagpasiya ang mga binatilyong ito na higitan pa ito: maglilingkod sila bawat araw sa buong isang linggo sa sinuman sa ward na hihiling nito. Nang 19 na pamilya ang humiling ng serbisyo, medyo nagulat ang mga binatilyo at siguro ay medyo nabigla rin sa dami nito. Paano nila mapaglilingkuran ang gayon karami sa loob ng napakaikling panahon? Pero nakapangako na sila, kaya nagpasiya silang paglingkuran ang lahat ng pamilyang iyon.
Sa loob lang ng isang linggo, nagbigay sila ng mahigit 250 oras na pinagsamang serbisyo, sa paggawa ng mga proyektong tulad ng paglilipat ng malaking bunton ng mga bato, paghuhukay ng sandbox, paglilinis ng mga alulod, at pagsasalansan ng mga kahoy. At nabago rin nito ang mga binatilyo.
Namangha sila sa lakas na nadama nila at sa mga pagpapalang natanggap nila. Ikinuwento nila ang nadama nilang pagkakaisa bilang korum at ang pagtanggap nila ng tulong ng langit para magawa ang takdang-aralin at iba pang mga responsibilidad. Ngayon, kapag kailangan ng ward nila ng serbisyo, masiglang tumutugon ang teachers quorum. Hindi lang sila naglingkod nang isang linggo—sinisikap nilang maglingkod araw-araw.
Ang paglilingkod at pagtatayo ng kaharian ng Diyos ay tunay na isang kagila-gilalas na gawain. Nagdulot ito ng kagalakan sa mga binatilyong ito, at magdudulot ito ng kagalakan sa inyo kapag tinulungan ninyo ang iba at nakita ninyong binago ng dalisay at tapat na paglilingkod ang buhay nila. Tulad ng sinabi ng Young Women general presidency sa pahina 48, isang pribilehiyo ang maglingkod sa Diyos.
Simulan na ngayon ang inyong paglilingkod sa Diyos “nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (D at T 4:2) Gusto naming malaman ang mga karanasan ninyo sa paglilingkod! Gumawa ng mga video at kunan ng retrato ang inyong paglilingkod, i-upload ang mga ito sa mga social media site, ibahagi ang mga ito sa inyong pamilya at mga kaibigan, at i-email ito sa liahona@ldschurch.org. Maaari din ninyong ikuwento sa iba ang tungkol sa mga ito sa site ng mga aktibidad para sa mga kabataan. Anyayahan ang iba na makiisa sa inyo sa kagila-gilalas na gawaing ito, at tingnan natin kung gaano natin mababago ang mundo.