2015
Payo ng Propeta at mga Pagpapala ng Templo
Enero 2015


Payo ng Propeta at mga Pagpapala ng Templo

Pinatototohanan ko na kapag nanalangin tayo na patnubayan tayo, sinunod ang mga buhay na propeta, at inuna ang templo sa ating buhay, aakayin at pagpapalain tayo ng Ama sa Langit.

Exterior of the Salt Lake Temple.

Noong binatilyo pa ako, si Elder Spencer W. Kimball (1895–1985), na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay bumisita sa Japan at nagsalita sa isang kumperensyang dinaluhan ko. Naaalala ko pa ang payo niya: “Ang mga kabataan ay dapat magpunta sa misyon, at kailangan silang makasal sa templo.”

Nahikayat ako ng Espiritu Santo at nagpasiya akong magmisyon at makasal sa templo, kahit wala pang templo noon sa Japan.

Nang panahong iyon, 19 na taong gulang ako at nasa ikalawang taon sa kolehiyo. Ang mga magulang ko, na hindi mga Banal sa mga Huling Araw, ay kontrang-kontra sa desisyon kong magmisyon. Araw-araw ipinagdasal ko na ibigay nila sa akin ang kanilang pahintulot at basbas. Pagkaraan ng anim na buwan sinagot ng Panginoon ang aking panalangin.

“Kapos tayo sa pera, at hindi na namin matutustusan ang pag-aaral mo at araw-araw na gastusin,” sabi sa akin ng mga magulang ko. “Mula ngayon kailangan mo nang mamuhay nang mag-isa. Hindi rin kami tututol kung magmimisyon ka!”

Pinayagan na ako ng mga magulang ko, kaya huminto ako sa pag-aaral, nagserbisyo sa isang construction mission ng Simbahan, at nagsimulang maghanap ng trabaho para makaipon ng pera para sa isang proselyting mission. Sa tulong ng Panginoon, nakakita ako ng tatlong trabaho! Araw-araw maliban sa araw ng Linggo nang sumunod na taon, nag-deliver ako ng mga diyaryo mula alas-3:00 n.u. hanggang alas-7:00 n.u., naglinis ng mga gusali mula alas-9:00 n.u. hanggang alas-4:00 n.h., at nagtrabaho bilang tagaluto mula alas-5:00 n.g. hanggang alas-7:30 n.g. Pagkatapos ay nagpapalit ako ng damit at naglilingkod sa gabi bilang district missionary.

Sa edad na 22, tinawag akong maglingkod sa Northern Far East Mission. Sa paglilingkod ko sa misyon, naranasan ko ang pinakamalaking kagalakang nadama ko sa buong buhay ko, nagkaroon ako ng maraming pagkakataong malaman ang pagmamahal ng Diyos, at nakatanggap ako ng maraming pagpapala. Nabiyayaan din ang pamilya ko habang nasa misyon ako nang malutas ng mga magulang ko ang problema nila sa pera.

Pagsunod sa Propeta

Nang matapos ko ang aking misyon, hinikayat ako ng Espiritu na sundin ang pangalawang bahagi ng payo ni Pangulong Kimball at huwag ipagpaliban ang pagpapakasal sa templo. Isang taon bago iyon, nagsimulang magplano ang mga miyembro ng Simbahan sa Japan na magpunta sa Salt Lake Temple. Dahil aalis na sila pagkaraan ng tatlong buwan, nagdasal ako at nag-ayuno na makilala ko ang isang karapat-dapat na dalaga na madadala ko sa templo.

Bago iyon dumalo ako sa isang aktibidad ng Simbahan sa aking bayang sinilangan na Matsumoto City. Habang naroon ako nakita ko si Shiroko Momose, na kaeskuwela ko noong high school nang panahong sumapi ako sa Simbahan. Agad na ipinadama sa akin ng Espiritu na siya ang babaeng inihanda para sa akin.

Agad kong niyayang magpakasal sa akin si Shiroko matapos kaming magsimulang magdeyt. Pinasaya niya ako nang pumayag siya, pero ginulat niya ako sa sumunod niyang sinabi.

“Napakasaya ko na malaman na ang iyong Panginoon ay aking Panginoon,” sabi niya. “Nang ibalita nila ang pagpunta sa Salt Lake Temple, gusto kong sumama. Maraming beses kong ipinagdasal na tulungan ako ng Panginoon na makita ang taong mapapakasalan ko roon. Mga isang taon na ang nakaraan nalaman ko sa pamamagitan ng Espiritu habang nagdarasal ako na dapat kitang hintayin at na yayayain mo akong magpakasal pag-uwi mo mula sa misyon.”

Napakagandang espirituwal na karanasan iyon para sa amin, at pinatibay nito ang aming desisyon na makasal sa Salt Lake Temple. Kakaunti ang pera namin para makabiyahe, pero hindi kami pinanghinaan ng loob. Alam na namin noon na kapag umasa kami sa Panginoon at sinunod namin ang Kanyang mga utos, tutulungan Niya kaming isakatuparan ang mga bagay na hindi namin kakayaning mag-isa.

Nanalangin kami sa ating Ama sa Langit at ginawa namin ang lahat para makaipon ng kailangang pondo. Sa mga pagsisikap na iyon, at sa perang itinulong ng isa mga kaibigan ni Shiroko, nakasama kami sa mga Japanese Saint na nagpunta sa Salt Lake Temple.

Hindi mailalarawan ang kagalakang nadama namin na mabuklod doon bilang mag-asawa hanggang sa kawalang-hanggan. Hinding-hindi namin malilimutan ang karanasang iyon. Naragdagan pa ang aming kagalakan nang masaliksik namin ang limang henerasyon ng aming mga ninuno at maihanda ang kanilang mga pangalan para sa templo. Habang nasa Salt Lake City nagsagawa kami ng mga ordenansa para sa mga ninunong iyon. Ang paggawa ng mga ordenansang iyon ay nakatulong para mapalapit ang aming damdamin sa kanila. Alam namin na lubos silang nagalak dahil sa mga pagsisikap namin.

Bagong kasal kami at mahirap lamang, ngunit ginawa naming priyoridad ang pagpunta sa templo, at kalaunan ay nagpunta kami sa Laie Hawaii Temple nang madalas hangga’t kaya namin itong tustusan.

Pinagpala ng Templo

“Higit nating kailangan ang templo kaysa anupaman,” sabi ni Propetang Joseph Smith.1

Sa plano ng kaligtasan ng Diyos, ang templo ay mahalaga sa ating walang-hanggang kaligayahan dahil nagsasagawa tayo ng sagradong mga seremonya at ordenansa ng kaligtasan doon. Sinasabi sa atin sa Bible Dictionary na ang templo ang pinakabanal na pook na pinagsasambahan sa mundo at “isang lugar na maparoroonan ng Panginoon.”2

Kung igagalang natin ang ating mga tipan sa templo at pupunta tayo sa templo “nang may pagpapakumbaba, kalinisan, at karangalan, at integridad,”3 madarama natin ang Banal na Espiritu at tatanggap tayo ng karagdagang liwanag at kaalaman. Kapag nilisan natin ang templo, hahayo tayo na sakbit ang kapangyarihan mula sa Panginoon at mapapasaatin ang Kanyang pangalan, babalutin tayo ng Kanyang kaluwalhatian, at babantayan tayo ng Kanyang mga anghel (tingnan sa D at T 109:13, 22).

Pagbalik namin sa Japan matapos kaming ikasal, natupad ang mga pangako ng Panginoon sa buhay ko nang maghanap ako ng full-time na trabaho.

Tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga Pangako

Part-time lang ang trabaho ko nang isilang ang panganay namin. Napakasaya namin, pero alam kong hindi ko masusuportahan ang aming lumalaking pamilya nang walang full-time na trabaho. Sinimulan naming manalangin nang taimtim na tulungan kami ng langit.

Bago ako nagmisyon, ninais kong magtrabaho sa foreign trade. Ngunit para makapasok ang isang aplikante sa trading company, kailangang tapos siya ng kolehiyo at may ilang sertipiko. Hindi pa ako tapos ng kolehiyo at wala akong mga sertipiko, ngunit nang magdasal kami, nadama namin na pagpapalain kami ng Panginoon at maghahanda Siya ng trabaho para sa akin.

Nagpasiya akong kumuha ng eksamen para sa trabaho sa ilang trading company kahit hindi ako nakatapos ng pag-aaral. Hindi ako tinanggap ng unang dalawang kompanyang inaplayan ko, ngunit may napakaganda akong naranasan sa ikatlong kumpanya.

Ang Simbahan ay may ilang miyembrong Hapon noong panahong iyon, at maraming tao ang ayaw sa Simbahan. Nang interbyuhin ako ng tatlong kinatawan mula sa ikatlong trading company, tiningnan nila ang aking résumé at nalaman na ako ay isang Banal sa mga Huling Araw. Sinimulan nila akong tanungin tungkol sa Simbahan, at hiningan ako ng detalyadong mga sagot. Dahil kauuwi ko pa lang mula sa misyon, hindi ako nahirapang magsalita tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.

Sa loob siguro ng mga 40 minuto, nagsalita ako tungkol sa ebanghelyo at nagpatotoo tungkol sa buhay ni Jesucristo, sa Apostasiya, sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, sa Aklat ni Mormon, sa Pagpapanumbalik ng totoong Simbahan ni Jesucristo, at sa mga turo ng Simbahan.

Walang isa man sa mga nag-interbyu ang nagpahinto sa akin habang nagsasalita ako. Makalipas ang ilang araw inalok ako ng trading company ng trabaho na may napakalaking suweldo. Kalaunan, nang tanungin ko ang manager ko kung bakit nila ako tinanggap, sumagot siya, “Habang iniinterbyu ka namin, nasiguro ko na ikaw ay masipag, marangal, at tapat, at ikaw ang klase ng tao na magtatrabaho sa gayunding paraan sa kumpanya natin.”

Nagpapatotoo ako na tinutupad ng Panginoon ang kanyang mga pangako. Habang iniinterbyu ako nadama kong napasaakin ang kapangyarihan at Espiritu ng Panginoon, tulad ng pangako Niya sa mga taong pumupunta sa templo at tumutupad sa kanilang mga tipan sa templo. Nadama ko rin ang Kanyang Espiritu habang nagtatrabaho ako sa kumpanya, kung saan pinagpala akong makagawa ng maraming mahahalagang kontribusyon.

Isang Templo ang Itinayo sa Japan

Daytime photograph of the Tokyo Japan Temple.

Sa isang regional conference sa Tokyo noong 1975, ibinalita ni Pangulong Kimball ang pagtatayo ng Tokyo Japan Temple. Ang mga Banal sa Japan, na napuspos ng kaligayahan, ay biglang nagpalakpakan para ipakita ang kanilang kagalakan at pasasalamat.

Ang Tokyo Japan Temple ay natapos noong 1980. Sa mga seremonya sa open house at paglalaan, ang mga Banal ay pinagpala ng kamangha-manghang mga espirituwal na karanasan at labis na kagalakan. Ang mga karanasang iyon ay nagpatuloy matapos mailaan ang templo nang magsimulang tanggapin ng mga Banal ang kanilang mga ordenansa sa templo at magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa yumao nilang mga ninuno.

Ngayon, halos 45 taon matapos kaming makasal ni Shiroko, ang desisyon kong sundin ang payo ng propeta ay patuloy na nagpapala sa buhay namin at ng aming mga anak. Nakabuo kami ng masayang tahanan ayon sa paraan ng Panginoon—na nakasalig sa ebanghelyo ni Jesucristo, kabilang na ang mga tipan sa templo.

Pinatototohanan ko na kapag nanalangin tayo na patnubayan tayo, sinunod ang mga buhay na propeta, at inuna natin ang templo sa ating buhay, aakayin at pagpapalain tayo ng Ama sa Langit.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 488.

  2. Bible Dictionary, “Temple.”

  3. Spencer W. Kimball, mula sa panalangin sa paglalaan ng Tokyo Japan Temple, sa 2013 Church Almanac (2013), 297.