Tulungan Ninyo Kami!
Araw-araw, ang mga bata sa lahat ng dako ng mundo ay nagpapakita ng malasakit sa pamamagitan ng paghahanap ng mga paraan na matulungan ang iba!
Mga Cookie at mga Puppet
Ang aming pamilya ay nagkaroon ng “panahong maglingkod.” Kaming magkakapatid na lalaki ay gumawa ng mga puppet para sa mga bata sa bahay-ampunan. Nagdala rin kami ng mga chocolate chip cookies sa ilang bumbero at naglinis sa lawa. Natutuwa ako na nakapaglilingkod kami!
Tobin P., edad 9, Idaho, USA
Masasayang Awitin
Sa aming espesyal na araw ng paglilingkod binisita namin ang isang bahay-kalinga. Nang magsimula kaming kumanta ng mga awit ng Primary at iba pang awitin, pumalakpak at nakisabay sa pagkanta ang mga tao. Sumayaw pa ang ilan sa kanila! Niyakap at binigyan namin sila ng mga kard sa aming pag-alis.
Leiria District, Portugal
Mas Masaya kaysa Pasko
Napagod ang nanay at tatay ko sa maghapon. Hinugasan at iniligpit ko ang mga pinggan at nilinis ko ang sahig, mesa, at pasamano. Pagkatapos ay nilinis ko ang sala at playroom. Nang magising sina Inay at Itay, sinabi nilang mas masaya iyon kaysa Pasko!
Cambrie G., edad 11, Georgia, USA
Proyektong Kahon ng mga Medyas
Ang mga taong walang tirahan ay giniginaw nang husto sa taglamig! Nagpasiya kaming mangolekta ng makakapal na medyas para sa mga taong walang tirahan sa aming lugar. Tumulong ang mga kabataang lalaki at babae, at di-nagtagal ay punung-puno na ang kahon ng daan-daang medyas para sa mga taong walang tirahan!
Alberta, Canada