2015
Tinahak Namin ang Daan
Enero 2015


Tinahak Namin ang Daan

Rut de Oliveira Marcolino, Rio Grande do Norte, Brazil

illustration for lds voices

Hindi pa natatagalan ang pagtahak namin sa di-pamilyar na daan na iyon, nakakita kami ng isang babae na papalapit sa amin. Napansin namin na umiiyak siya.

Sa huling area ko sa aking misyon, naglingkod kami ng kompanyon ko sa dalawang nayon na nasa estado ng São Paulo, Brazil. Sa pagitan ng dalawang nayon ay may mas maikling daan sa gubat na hindi namin dinaraanan dahil dama naming mapanganib doon at wala naman kaming makikilala roon.

Isang hapon habang papalapit kami sa mas maikling daan, hinikayat ako ng Espiritu Santo, na nagsasabi sa akin na dapat kaming pumasok sa gubat. Tiningnan ko si Elder Andrade at sinabi sa kanya ang impresyon na katatanggap ko pa lang. Sinabi niya sa akin na gayon din ang nadama niya.

Hindi pa natatagalan ang pagtahak namin sa di pamilyar na daang iyon, nakakita kami ng isang babae na papalapit sa amin. Makitid ang daan, at nang madaanan namin siya, napansin namin na umiiyak siya.

Nang tumingala siya, inanyayahan niya kami na sundan siya sa kanyang tahanan, kung saan nakilala namin ang kanyang asawa. Agad naming sinimulang turuan ng ebanghelyo ang mag-asawa. Makalipas ang ilang linggo inanyayahan namin silang magpabinyag. Tuwang-tuwa kami nang agad nilang tinanggap ang paanyaya dahil isang taon na mula nang may nabinyagan sa ward. Nagpapasalamat kami na sinunod namin ang panghihikayat ng Espiritu na pasukin ang daan nang araw na iyon.

Gayunpaman, iIang sandali bago sila binyagan, sinabi ng babae na kailangan niya kaming kausapin. Sinabi niya na paulit-ulit ang panaginip niya sa loob ng ilang taon. Sa kanyang panaginip naghihintay siya sa sentro ng São Paulo. Isang matandang lalaki ang lumapit sa kanya at sinabing dalawang binata ang darating para baguhin ang kanyang buhay. Pagkatapos ay makikita niya ang dalawang binata na papalapit, ngunit palaging doon natatapos ang kanyang panaginip.

Isang araw ilang linggo bago niya kami nakilala, nagwawalis siya sa kanyang bahay nang sabihin sa kanya ng isang tinig na papalapit na ang dalawang binata at na kailangan niyang lumabas sa sandaling iyon papunta sa mas maikling daan, kung saan namin siya unang nakita. Kahit hindi naunawaan ang pahiwatig na naramdaman ngunit sa kagustuhang malaman ang sagot sa kanyang panaginip, inilapag niya ang kanyang walis at tinahak ang daan.

Habang siya ay naglalakad, pumasok sa kanyang isipan ang mga imahe sa kanyang panaginip na parang sa isang pelikula na nagtapos pagkakita niya sa mga mukha ng dalawang binata. Nakita rin niya na bawat isa ay may suot na itim na name badge. Ilang sandali pa, sabi niya, nakita niya ako at si Elder Andrade sa daan. Nadaig siya ng kanyang emosyon, at napaiyak siya.

Ngayon, sa pag-alaala sa espirituwal na karanasang iyon, nadarama ko ang Espiritu at muli kong nakinita sa aking isipan ang luhaang babaeng iyon na tinanggap ang ebanghelyo. Salamat na lang at kami ng kompanyon ko ay nakahiwatig at nagkaroon ng lakas ng loob na tahakin ang daan na iniutos sa amin ng Panginoon nang araw na iyon.