Sabi ng Tagapagligtas ang diwa ng pagtatalo ay sa diyablo (tingnan sa 3 Nephi 11:29). Ano ang kaibhan ng hindi pagsang-ayon sa pakikipagtalo?
Likas lang sa mga tao ang magkaroon ng magkakaibang pananaw, at may mga pagkakataon na kailangang manindigan ng mga disipulo ni Jesucristo kapag tinutuligsa ang ating paniniwala. Ngunit kailangan nating ipahayag ang ating paniniwala sa paraang positibo at batay sa katotohanan nang hindi nagagalit, naghihinanakit, o nang-iinsulto. Kaya paano natin iiwasan ang pakikipagtalo?
Siguro narinig na ninyo na maaari tayong “di-sumang-ayon nang hindi nakikipagtalo.” Ang pag-iwas sa pagtatalo ay nagsisimula sa inyong mga intensyon at hangarin. Sinasabi sa mga banal na kasulatan na “sa kapalaluan, ang dumarating ay pagtatalo lamang” (Mga Kawikaan 13:10). Kung mas iniisip pa ninyo ang “manalo sa argumento” o “kayo ang tama,” halos tiyak na kasunod niyan ay pagtatalo.
Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilang paraan para maiwasan ang pagtatalo: (1) “magpakita ng mahabaging pagmamalasakit sa iba”; (2) “kontrolin ang bugso ng damdaming magsalita o magsulat na naghahamon ng pagtatalu-talo para sa personal na kapakinabangan o papuri”; at (3) “sa mapagpakumbabang pagsunod, [mahalin] nang tunay ang Diyos.”1 Sa gayon ay maaari nang mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon, hindi ang diwa ng pagtatalo.