Maging Anong Uri ng mga Guro Ba Nararapat Tayo?
Kung talagang nais nating maging katulad ng Tagapagligtas, matuto tayong magturo ayon sa Kanyang paraan.
Halos tapos na sa Kanyang ministeryo ang nabuhay na mag-uling Panginoon sa lupain ng Amerika. Hindi pa natatagalan bago iyon, bumaba Siya mula sa langit, at naghatid ng liwanag upang pawiin ang kadilimang bumalot sa lupain ng mga Nephita at Lamanita kasunod ng Kanyang pagkamatay. Nagturo Siya at nagpatotoo at nanalangin. Nagbasbas Siya, sumagot sa mga tanong, at itinatag ang Kanyang Simbahan. Ngayon, nang maghanda Siyang lisanin ang Kanyang mga disipulo, ibinigay Niya sa kanila ang isang responsibilidad na nagpalakas ng tiwala nila sa kanilang sarili:
“Alam ninyo ang bagay na kinakailangan ninyong gawin sa aking simbahan; sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin …
“… Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:21, 27).
Inanyayahan tayo ni Jesus na maging katulad Niya, at isa sa Kanyang mga dakilang katangian ay ang kahusayan Niyang magturo. Siya ang Dalubhasang Guro. Para maging katulad Niya kailangan din nating maging mga gurong mas mapagmahal at nagpapabago ng buhay, hindi lamang sa simbahan kundi maging sa ating tahanan. Para maging katulad Niya dapat tayong magkaroon ng maalab na hangarin sa ating puso na magturo ayon sa Kanyang paraan.
Mga Tanong at Paanyaya
Madalas magturo si Jesus sa pamamagitan ng mga tanong at paanyaya. Isipin ang isang halimbawa mula sa panahong ginugol Niya sa Kanyang mga disipulo sa lupain ng Amerika. Minsan habang nagdarasal sila, nagpakita sa kanila ang Tagapagligtas at nagbigay ng pambungad at naghihikayat na tanong: “Ano ang nais ninyong ibigay ko sa inyo?” (3 Nephi 27:2). Paano kayo tutugon kung itanong ito sa inyo ng Tagapagligtas?
At sumagot ang mga disipulo: “Panginoon, nais naming sabihin ninyo sa amin ang pangalan kung paano namin tatawagin ang simbahang ito; sapagkat may mga pagtatalo sa mga tao hinggil sa bagay na ito” (3 Nephi 27:3).
May sariling sagot si Cristo sa kanilang tanong: “Hindi ba nila nabasa ang mga banal na kasulatan, na nagsasabing inyong taglayin ang pangalan ni Cristo, na aking pangalan?” (3 Nephi 27:5). Ang tanong na ito ay nagpaalala sa Kanyang mga tinuturuan na dapat silang magsikap nang kaunti na masagot ang sarili nilang mga tanong at na ang mga sagot sa maraming tanong ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan.
At nagtapos Siya sa pagpapaalala sa mga disipulo tungkol sa kahalagahan ng Kanyang pangalan. Ang Kanyang mga salita ay naghikayat sa kanila na kumilos at nangako sa kanila ng isang pagpapala: “At sinuman ang magtataglay ng aking pangalan, at magtitiis hanggang wakas, siya rin ay maliligtas sa huling araw” (3 Nephi 27:6).
Isang Huwaran sa Pagtuturo
Sa ilang maiikling talatang ito, nagbigay sa atin si Jesucristo ng dakilang huwaran sa pagtuturo. Nagsimula siya sa isang nakakapukaw na tanong na nilayong mahiwatigan ang mga pangangailangan ng Kanyang mga tinuturuan. Pagkatapos ay hinintay Niya at pinakinggan ang kanilang sagot.
Matapos sumagot ang Kanyang mga tinuturuan, tinulungan Niya silang matagpuan ang kanilang hinahanap sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila sa mga banal na kasulatan.
Sa huli, nagbigay Siya ng dalawang paanyaya at nangako ng isang kahanga-hangang pagpapala sa mga handang kumilos ayon sa Kanyang mga paanyaya. Ang pamamaraan ni Cristo sa pagtuturo sa okasyong ito ay maibubuod sa limang alituntuning ito:
1. Magbigay ng mga tanong na epektibo.
Nagtanong ang Panginoon, “Ano ang nais ninyong ibigay ko sa inyo?” Ang tanong na ito ay nag-aanyaya ng iba’t ibang sagot. Kapag gayon ang tanong natin, tinutulungan natin ang ating mga tinuturuan na sabihin kung ano ang gusto nilang malaman, at tinutulungan natin silang magtuon sa mga bagay na pinakamahalaga; isinasama natin sila sa aktibong pag-aaral.
2. Pakinggan ang inyong mga tinuturuan.
Nakinig si Jesucristo nang sabihin nila, “Panginoon, nais namin na sabihin ninyo sa amin ang pangalan kung paano namin tatawagin ang simbahang ito.” Sa pakikinig na mabuti, mas handa tayong magtuon sa mga pangangailangan ng ating mga tinuturuan.
3. Gamitin ang mga banal na kasulatan.
Ipinaalala ni Cristo sa Kanyang mga disipulo, “Hindi ba nila nabasa ang mga banal na kasulatan, na nagsasabing inyong taglayin ang pangalan ni Cristo, na aking pangalan?” Kapwa ang guro at mag-aaral ay dapat mag-ukol ng oras sa mga banal na kasulatan sa paghahanda para sa mga aralin. Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay mahalagang bahagi ng espirituwal na paghahanda kapwa para sa mga guro at sa mga mag-aaral.
4. Anyayahan ang inyong mga tinuturuan na kumilos.
Inanyayahan ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo na (1) taglayin nila ang Kanyang pangalan at (2) magtiis hanggang wakas. Sabi sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, “Kung sakali man ay bihira kang makikipag-usap sa mga tao o magtuturo sa kanila nang hindi sila iniimbitang gumawa ng isang bagay na magpapatatag ng kanilang pananampalataya kay Cristo.”1 Magandang payo ito hindi lang sa mga missionary kundi sa lahat ng guro ng ebanghelyo.
5. Ipaalala sa inyong mga tinuturuan ang mga ipinangakong pagpapala ng pagsunod.
Sa huli, nangako si Jesucristo sa Kanyang mga tinuturuan na ang mga kumikilos ayon sa Kanyang paanyaya “ay maliligtas sa huling araw.” Madalas ipangako sa atin ni Jesucristo ang Kanyang pinakapiling mga pagpapala para sa ating pagsunod (tingnan sa D at T 14:7). Magagawa rin natin ito, bilang mga guro ng Kanyang ebanghelyo.
Ang halimbawa sa itaas ay naglalarawan ng ilang mahahalagang pamamaraan sa pagtuturo na ginamit ng Tagapagligtas. Bukod dito, kung minsa’y nagtuturo Siya sa pamamagitan ng talinghaga o analohiya. Paminsan-minsa’y hinahamon Niya at pinagsasabihan pa ang mga naninira sa Kanya. Ngunit nagtuturo Siya palagi nang may pagmamahal, maging sa mga taong Kanyang sinaway (tingnan sa Apocalipsis 3:19).
Mahalin ang Inyong mga Tinuturuan
Tayo rin ay kailangang magturo palagi nang may pagmamahal at pag-ibig kung nais nating magturo ayon sa paraan ng Tagapagligtas. Parehong pinalalambot ng pagmamahal ang puso ng guro at ng mag-aaral, kaya’t “kapwa [sila mapapatibay] at magkasamang magsasaya” (D at T 50:22).
Isang matinding halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tinuturuan ang matatagpuan sa 3 Nephi kung saan ipinagdasal Niya ang mga tao, nanangis Siya sa kanila, at binasbasan sila. Habang ipinagdarasal Niya sila sa Kanyang Ama, nadama ng mga Nephita ang Kanyang pagmamahal: “At walang sinumang makauunawa sa kagalakang pumuspos sa aming mga kaluluwa sa panahong narinig namin Siyang nanalangin sa Ama para sa amin” (3 Nephi 17:17).
Masaya Siyang nanangis para sa kanila at binasbasan Niya sila dahil sa kanilang pananampalataya, kaya napakalaki ng Kanyang pagmamahal:
“Pinagpala kayo dahil sa inyong pananampalataya. At ngayon masdan, ang aking kagalakan ay lubos.
“At nang sabihin niya ang mga salitang ito, siya ay tumangis” (3 Nephi 17:20–21).
Ang malaking pagmamahal ay nagbibigay-daan sa malaking pagkatuto. Nakatala sa banal na kasulatan na “ang kanyang mukha ay ngumiti sa kanila” at “nabuksan ang kanilang mga puso at naunawaan nila sa kanilang mga puso” (3 Nephi 19:25, 33).
Hikayatin ang Inyong mga Tinuturuan na Magpatotoo
Binigyan din ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tinuturuanng pagkakataong magpatotoo. Halimbawa, “Nang dumating nga si Jesus sa mga sakop ng Cesarea ni Filipo, ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinasabi, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao?
“At kanilang sinabi, Anang Ilan, Si Juan Bautista; ang ilan, Si Elias; at ang mga iba, Si Jeremias, o isa sa mga propeta.
“Kaniyang sinabi sa kanila, Datapuwa’t, ano ang sabi ninyo kung sino ako?
“At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay” (Mateo 16:13–16).
Matapos magpatotoo si Pedro, ipinahayag ni Cristo ang kagila-gilalas na mga pagpapala sa kanya:
“Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.
“At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.
“Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit” (Mateo 16:17–19).
Sa pagsisikap na maging mga dalubhasang guro, tayo rin ay magtatanong nang madalas na maghihikayat sa mga tinuturuan na magpatotoo, kapwa sa salita at sa kanilang puso. Aanyayahan natin ang ating mga tinuturuan na maghangad ng personal na mga karanasan sa kanilang pang-araw-araw na buhay na nagpapatibay ng patotoo. At kung ang kapaligiran sa silid-aralan o sa tahanan ay nagpapadama ng Espiritu, magiging panatag ang loob ng ating mga tinuturuan na magbahagi ng mga espirituwal na karanasan at patotoo sa isa’t isa.
Ipamuhay ang Inyong Itinuturo
Hinikayat ni Cristo ang iba na gawin ang mga bagay na ginawa Niya (tingnan sa 3 Nephi 27:21)—na tularan Siya (tingnan sa Mateo 4:19). Ipinamuhay Niya ang itinuro Niya, at sa paggawa nito ay nagturo Siya sa pamamagitan ng halimbawa.
Nagturo Siya tungkol sa paglilingkod sa pamamagitan ng paglilingkod. Tiyak na malaking aral ang natutuhan noon ng Kanyang mga disipulo nang hugasan Niya ang kanilang mga paa! “Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa’t isa.
“Sapagka’t kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo” (Juan 13:14–15).
Nagturo Siya tungkol sa pagmamahal sa pamamagitan ng pagmamahal. “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa” (Juan 13:34).
Nagturo Siya tungkol sa panalangin sa pamamagitan ng pagdarasal. Matapos mag-alay ng mga panalanging napakagiliw at napakadakila kaya hindi ito maitala, sinabi Niya, “At katulad ng aking naipanalangin sa inyo maging sa gayon kayo ay manalangin sa aking simbahan. … Masdan, ako ang ilaw; ipinakita ko ang isang halimbawa sa inyo” (3 Nephi 18:16).
Si Jesucristo ay nagpakita ng halimbawa para sa lahat ng guro ng ebanghelyo na naghahangad magturo ayon sa Kanyang paraan. Kahit hindi perpektong katulad Niya, mapagsisikapan nating masigasig na ipamuhay ang itinuturo natin. Sa mga salita ng isang awit na pambata, dapat masabi ng mga guro na, “Ako’y tularan; sundan n’yo ako!”2
Magturo Ayon sa Paraan ng Tagapagligtas
Lahat ng guro ng ebanghelyo ay inaanyayahang gamitin ang sumusunod na anim na pangunahing alituntunin, na nagpapakita ng paraan ng pagtuturo ng Tagapagligtas:
1. Mahalin ang inyong mga tinuturuan.
-
Hanapin ang nawawala.
-
Magtuon sa mga pangangailangan ng inyong mga tinuturuan.
2. Espirituwal na ihanda ang inyong sarili.
-
Ipamuhay ang inyong itinuturo.
-
Alamin ang magagamit na mga materyal.
3. Magturo sa pamamagitan ng Espiritu.
-
Tulungan ang inyong mga tinuturuan na mahiwatigan ang Espiritu.
-
Maging isang guro na madaling turuan.
-
Lumikha ng isang kapaligiran na matututo ang inyong tinuturuan.
4. Magkasamang tuklasin ang ebanghelyo.
-
Magtakda ng matataas na mithiin.
-
Hikayatin ang inyong mga tinuturuan na magpatotoo.
-
Magbigay ng mga tanong na epektibo.
-
Pakinggan ang inyong mga tinuturuan.
5. Ituro ang doktrina.
-
Gamitin ang mga banal na kasulatan.
-
Gumamit ng mga kuwento at halimbawa.
-
Mangako ng mga pagpapala at magpatotoo.
6. Anyayahan ang inyong mga tinuturuan na kumilos.
-
Tulungan ang inyong mga tinuturuan na ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo na inyong itinuro.
-
Mag-follow-up sa mga paanyaya.
Kapag ipinamuhay natin ang mga alituntuning ito, tayo ay magiging mas mabubuting guro, mas mabubuting mag-aaral, mas mabubuting magulang, at mas mabubuting disipulo ni Jesucristo. Sapagkat iniutos Niya na “turuan [natin] ang isa’t isa” nang “masigasig,” sa paraang “lahat ay mapasigla ng lahat” (D at T 88:77, 78, 122). Nawa’y mabanaag sa atin ng ating mga tinuturuan ang ilang katangian ng Dalubhasang Guro at maranasang matutuhan hindi lamang ang maraming bagay, kundi ang magbago.