2015
Apostol Nagpayo Tungkol sa Social Media
Enero 2015


Apostol Nagpayo Tungkol sa Social Media

Screen shot of Elder Bednar speaking at CES Devo

“Simula sa lugar na ito sa araw na ito, hinihikayat ko kayong palaganapin sa mundo ang mga mensaheng puno ng kabutihan at katotohanan, mga mensaheng totoo, nagpapasigla, at maipagkakapuri, at literal na palaganapin ito sa mundo na tulad sa isang baha,” sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang mensahe sa Education Week sa Brigham Young University noong Agosto 19, 2014.

“Dalangin ko na hindi lamang tayo makikibahagi sa biglaang pagbaha na mabilis na tumataas at mabilis din namang bumababa,” sabi niya sa isang mensahe na nakatuon sa kapangyarihan ng social media na magparating ng katotohanan. Tinawag ni Elder Bednar ang ating panahon na isang “kakaibang panahon sa kasaysayan ng mundo,” kung saan tayo ay nabibiyayaan ng “mahimalang pag-unlad ng mga inobasyon at imbensyon na nagbigay-daan at nagpabilis sa gawain ng kaligtasan.

“Tinatayang 40 porsiyento ng ating mga missionary sa iba’t ibang dako ng mundo ang gagamit kalaunan ng mga digital device bilang kasangkapan sa gawain ng pagbabalik-loob, pagpapanatiling aktibo, at pagpapaaktibo,” sabi niya. “Tiwala ako na kinikilala rin nating lahat kung paano napabilis ng teknolohiya ang gawain sa templo at family history, ang ating pansarili at pampamilyang pag-aaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at ginawang posible para matutuhan, makita,o makilala natin ang mundo sa pambihirang mga paraan.”

Binanggit niya ang mga gawain sa social media kamakailan kabilang na ang isang video tungkol sa Paskua na gawa ng Simbahan, ang Because of Him, na napanood ng mahigit limang milyong beses sa 191 bansa at teritoryo at ang #didyouthinktopray hashtag, na humantong sa mahigit 40,000 pag-uusap tungkol sa pangangailangan sa panalangin.

Ang mga ito at iba pang mga gawain ay “maliliit na patak lamang,” sabi niya, na nananawagan sa mga Banal sa mga Huling Araw na “tumulong na gawing baha ang patak na ito.” Sinabi rin niya na kapag gumagamit ng social media:

  • “Hindi tayo dapat magmalabis, magpaganda, o magkunwaring ibang tao, o isang bagay na hindi naman tayo. Ang ating mensahe ay dapat mapagkakatiwalaan at makabuluhan.”

  • “Ang ating mga mensahe ay dapat magpasigla at magpalakas, sa halip na makipagtalo, makipagdebate, humusga, o manghamak.”

  • “Maging matapang, ngunit hindi mayabang, sa pagtataguyod at pagtatanggol sa ating mga paniniwala, at iwasang makipagtalo. Bilang mga disipulo, ang dapat na layunin natin ay gamitin ang mga social media channel bilang kasangkapan sa pagpapakita ng liwanag at katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.”

  • “Napakaraming oras ang maaaring masayang, napakaraming ugnayan ang maaaring masisira o mawasak, at ang mahahalagang huwaran ng kabutihan ay maaaring masira kapag hindi tama ang paggamit ng teknolohiya. Hindi natin dapat hayaan maging ang mabubuting application ng social media na mangibabaw sa mas mabuti at pinakamainam na paggamit ng ating oras, lakas, at kabuhayan.”

  • “Hindi natin kailangang maging mga dalubhasa o panatiko sa social media. At hindi natin kailangang mag-ukol ng napakaraming oras sa paggawa at pagpapalaganap ng detalyadong mga mensahe.”